Gospel Reflection
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon
01 Agosto 2021
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 02 Agosto 2015.)
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon
01 Agosto 2021
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 02 Agosto 2015.)
Ano ang gagawin mo para sa isang upuan?
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, sumasakay kaming mag-asawa sa LRT papuntang trabaho. Iba't ibang eksena ang makikita natin sa nasabing mass transit. At hindi biro ang sakripisyo ng isang pasahero. Mula sa pagpila (paakyat ng hagdan, sa pagbili ng tiket o coupon, sa pagpasok sa pay area, sa pagsakay ng tren) hanggang sa pagbaba ng tren.
At isa sa pinakanakatutuwang eksena ay ang walang katapusang pag-aagawan sa isang bakanteng upuan. May makikipagbalyahan para lang makaupo. May nakikipagpatintero o nakikipagkarera. Magsisirko o magsusuot sa ilalim.
May magtutulug-tulugan para lang huwag tumayo sa upuan. At hindi lang ito para sa mga lalaki. Ang mga babae rin ay nagbubulag-bulagan para lang huwag tumayo. Hayaan mo na 'yung matanda o 'yung bata o buntis na nakatayo.
Kalimutan na ang lahat ng pinag-aralan sa eskuwelahan. Kalimutan na ang courtesy. Kalimutan na ang kabutihang-asal. Sa ngalan ng upuan?
Isang ordinaryong upuan pa lang ang pinag-uusapan natin. Paano na kung ang involve na upuan ay ang upuan ng kapangyarihan? Ang upuan ng posisyon sa gobyerno o sa trabaho o sa organisasyon? Ano kaya ang kaya nating gawin?
Sa ating lipunan, kung saan marami na ang kinain ng kulturang "ako muna bago ang iba". Kaya ng marami sa atin na gawin ang lahat makuha lang o mapanatili ang sarili sa kapangyahrihan. Sukdulang makapanakit. Sukdulang makasagasa ng iba. O makapanira ng kapwa. Gagawin ang lahat para sa isang upuan.
Upuan.
Ito ang nagre-represent sa kaginhawahan. Sa sarap ng buhay. Sa kabusugan. Sa karangyaan. Sa kapangyarihan. Sa kasikatan. Sa lahat ng bagay na kayang ibigay ng mundong ito.
Subalit ibang upuan ang nais ni Hesus na pagsikapan nating kamtin-- ang upuan sa kaharian ng langit. Ang upuan sa marangyang piging sa hapag ng Panginoon. Ang upuan sa buhay na walang hanggan.
"Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Ibibigay ito sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang binigyan ng kapangyarihan ng Diyos Ama."
Si Hesus ang Tinapay na nagbibigay-buhay. Nasa Kanya ang tunay na kaligayahan at kaginhawahan. "Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom, at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman."
Anong upuan ang pinagsisikapan mong makamtan? Dalawang upuan na parehong nangangako ng kaginhawahan? Ang una'y nasisira, nananakaw at may limitasyon. Ang inaalok ni Hesus ay walang pagkasira at pangwalang-hanggan.
Ano ang kaya mong ibigay at gawin sa ngalan ng isang upuan? Upuan ng mundong ito? O upuan ng buhay na walang hanggan?
Panalangin:
Ama naming makapangyarihan, pinupuri, dinarangal at niluluwalhati Ka namin.
Pinasasalamatan Ka po namin sa lahat ng biyayang ipinagkakaloob Mo sa aming mga buhay. Ikaw ang bukal ng biyaya. Ang pinagmumulan ng lahat ng aming pangangailangan. Hayaan Mo pong ialay namin pabalik sa Iyo ang mga biyayang ito.
Pinasasalamatan din po namin ang mga pagsubok na dumarating sa amin. Hayaan Mo pong tumibay kami at patuloy na kumapit sa Iyo sa pamamagitan ng mga ito.
Tanggapin po sana namin si Hesus bilang Tinapay ng Buhay. Gawin po sana naming saligan ng aming buhay ang Kanyang Salita. Tularan namin Siya sa Kanyang kababaang-loob at pagiging masunurin. Tanggapin po sana namin Siya sa Banal na Eukaristiya ng buong puso at buong paggalang.
Matagpuan po sana namin kay Hesus ang kaginhawan at kahulugang pupuno sa aming buhay.
Sa pangalan ng Iyong Anak, ang Tinapay ng Buhay, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.