OMG!

Gospel Reflection

Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon
19 Agosto 2018
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 16 Agosto 2015)


Oh my gosh! Oh my gulay! Oh my God!

Maraming ibig sabihin ang terminong OMG. At kung igu-google mo ito, idi-define ito ng ganito, "used to express shock, excitement, disbelief, etc.".

Kumbaga sa mga makalumang magsalita, ito ang katumbas ng 'Susmaryosep (Hesus, Maria at Josep) na sumasalamin kung gaano karelihiyoso ang mga Pilipino.

Sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo-- na pangatlo sa mga Linggo tungkol kay Hesus bilang Tinapay ng Buhay na bumaba mula sa langit-- isinisiwalat ni Hesus ang kahalagahan ng pagkain ng Kanyang laman at pag-inom ng Kanyang Dugo. 

"Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw."

Katulad ng binigyan ko ng diin sa mga nauna nating posts, ginagawa natin ang pagkain at pag-inom na ito sa Banal na Misa kung saan nakikilala natin si Hesus sa Liturhiya ng Salita at pinagsasaluhan natin Siya sa Liturhiya ng Eukaristiya.

Sinasabi ng ibang sektang masyado tayong literal sa pag-intindi sa mga salitang ito ni Hesus. Na hindi ganito ang ibig Niyang sabihin. Sa claim nilang ito, parang sinabi na rin nilang mali ang pang-unawa ng mga naunang Kristiyano. Pinagsaluhan ng mga apostol at ng mga unang Kristiyano ang Katawan at Dugo ni Kristo. 

Nanatili silang matapat sa aral ng mga apostol, sa pagsasamahan, sa pag-hahati ng tinapay, at sa pananalangin.... Araw-araw silang nagsasama-sama nang matagal sa Templo, at sa kanilang mga tahanan din sa paghahati ng tinapay; buong galak at katapatan ng puso silang kumakain. (Gawa 2:42. 46)

Ang ordinaryong tinapay at ang ordinaryong alak ay nagiging tunay na Katawan at Dugo ni Hesus sa consecration. Take note, hindi ito isang simbolismo lamang. Sa puntong ito ng Misa, inaalala ng bayan ang sakripisyo ni Hesus sa krus at ang pag-aalay ni Hesus ng Kanyang sarili bilang pagkain at inuming nagbibigay ng buhay.

Kaya sa susunod na dadalo tayo ng Misa at itataas ng Pari ang Ostiya at ang Alak, alalahanin natin ang mapagkumbabang pag-aalay ni Hesus. Kung paanong Siya'y naging Korderong handog para sa katubusan natin mula sa kasalanan at kamatayan. Kung paanong niloob Niyang maging Tinapay at Alak na siyang ating pagkain at inuming ispiritwal.

Tunay ngang kagulat-gulat ang pagmamahal sa atin ng Diyos. Inaalala natin ito sa paghahandog sa Banal na Misa. Gayon na lamang ang pag-ibig Niya sa atin. Tayo na ang nagkulang, Siya pa rin ang gumawa ng paraan para makalapit tayo sa Kanya.

OMG! Katulad ng sinasambit natin sa paghahandog ni Hesus sa Banal na Misa, Oh my Lord! Oh my God! (My Lord and my God!)

Panalangin:

Aming Ama, Ikaw na umiibig sa amin, ipinagbubunyi po namin ang Inyong Pangalan. Papuri, pagluwalhati at pag-ibig ang handog namin sa Inyo. 

Inihandog Mo po ang Iyong Anak bilang Kordero ng Diyos na nagkakaloob ng kaligtasan sa sangkatauhan. Patawarin Mo po kami sa mga pagkakataong nalilimutan naming gantihan ang Iyong walang hanggang pag-ibig. Magawa po sana naming sumunod sa Iyong kalooban. 

Ang lahat ng ito sa Pangalan ni Hesus, ang Tinapay at Dugong pinagsasaluhan namin sa Banal na Misa, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: