“Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay.”
(Juan 6:53)
(Juan 6:53)
Gumawa na ng tirahan itong karunungan, na itinayo niya sa pitong patibayan. Nagpatay s’ya ng hayop, nagtimpla ng inumin, ang mesa ay inihanda, punung-puno ng pagkain. Katulong ay isinugo sa gitna nitong bayan, upang lahat ay abutin ng ganitong panawagan:
“Ang kulang sa kaalaman, dito ay lumapit.” Sa mga walang muwang ay ganito ang sinambit: “Halikayo’t inyong kainin ang pagkain ko, at tunggain ang inuming inilaan ko sa inyo. Lisanin ang kamangmangan upang kayo ay mabuhay, at ang landas ng unawa ang tahakin at daanan.”
Salmo: Awit 34: 2-3. 4-5. 6-7
Tugon: Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin!
Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!
Matakot sa Poon, kayo, kanyang bayan,
nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
Kahit mga leon ay nagugutom din,
sila’ y nagkukulang sa hustong pagkain;
ngunit ang sinumang ang Poon susundin,
sa anumang bagay hindi kukulangin.
Lapit, ako’y dinggin, mga kaibigan,
at kayo ngayo’y aking tuturuan
na ang Diyos ay dapat nating katakutan.
Ang buhay masaya at mahabang buhay,
di ba ninyo gustong inyong maranasan?
Salitang mahalay at pagsisinungaling,
ay dapat iwasan at h’wag banggitin.
Mabuti ang gawi’t masama’y layuan,
pagsikapang kamtin ang kapayapaan.
Ikalawang Pagbasa: Efeso 5:15-20
Mga kapatid: Ingatan ninyo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino, at di tulad ng mga mangmang. Sapagkat masama ang takbo ng daigdig, samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo’y makagawa ng mabuti. Huwag kayong mga hangal. Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
Huwag kayong maglalasing, sapagkat nakasisira iyan ng maayos na pamumuhay. Sa halip ay sikapin ninyong mapuspos kayo ng Espiritu Santo. Sama-samang ipahayag ang inyong damdamin sa pamamagitan ng mga salmo, mga imno at mga awiting espirituwal. Buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. Lagi kayong magpasalamat sa Diyos at Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Hesukristo.
Mabuting Balita: Juan 6:51-58
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” Dahil dito’y nagtalutalo ang mga Hudyo. “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang kanin natin?” tanong nila.
Kaya’t sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya. Buhay ang Amang nagsugo sa akin, at ako’y nabubuhay dahil sa kanya. Gayon din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumakain nito’y mabubuhay magpakailanman. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga magulang sa ilang; namatay sila bagamat kumain niyon.”