Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon
12 Setyembre 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 13 Setyembre 2015)
At that time kasi, nasa isang bagong yugto ako ng aking buhay. Kasisilang pa lang ng aming baby daughter at gusto kong ibuhos sa 'king pamilya ang aking panahon. Kaya naisip kong magsulat na lang para patuloy akong makapag-serve.
It took me a lot of thinking and courage bago ko naiposte ang kauna-unahang Gospel Reflection sa blog na ito. Naroon ang mga doubts ko tungkol sa kakayahan ko at qualifications.
And the rest is history.
Narito tayo ngayon, siyam na taon nang nagsasalo at patuloy na pinagninilayan ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos sa atin. Marami nang nagbago. Kahit ang style ko sa pagsusulat ay binago ko para mas maintindihan ng lahat ang mga post. (May mga kaibigan kasi akong nag-comment noon na hindi nila maintindihan ang tagalog kong masyadong malalim.)
Hindi ko tuloy maiwasang isipin, kamusta na tayo matapos ang mga taon? Kamusta na ang ating buhay pananampalataya? Kamusta na ang pagkilala natin kay Hesus bilang ating Diyos at personal na Tagapagligtas? Kamusta na ang ating pagsunod sa Kanya? Dinadala ba natin ang ating mga krus ng may pag-ibig?
Malinaw ang sinabi ni Hesus sa ating Ebanghelyo, “kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.” (Marcos 8:34)
Sa mga pagsisikap kong sumunod sa mga halimbawa ni Hesus, hindi naging madali ang lahat habang hinaharap ko ang mga ups and downs ng buhay. Hindi naging madali ang magpuri sa mga panahon ng matinding pagsubok. Lalong hindi naging madaling magsulat ng mga reflection. May mga pagkakataong kinakapos ako sa mga salita. May mga pagkakataong hirap akong mag-express.
Hinarap ko ang lahat ng iyon para mai-continue ang blog na ito. Sa awa at pagpapala ng Diyos, narito pa rin tayo. Patuloy na nagpapahayag ng Mabuting Balita.
Ngayo'y nakabalik na uli ako sa aming charismatic community. Nagda-drums na uli ako. Nagbibigay ng mga Gospel Reflection o nagli-lead ng praise and worship kapag binibigyan ng pagkakataon. (Na nahintong muli dahil sa COVID-19 pandemic.)
Patuloy ang ating paglago bilang mga Katoliko. Hindi dahil sa ating sariling kakayahan kundi dahil sa pag-ibig at pagpapala ng Diyos. Patuloy tayong sumusunod kay Hesus habang pasan ang mga krus ng ating pang-araw-araw na buhay.
Ikaw, kamusta ka na? Sa Isa Pang Sulyap... silipin natin ang nakaraang panahon nang makilala natin si Hesus. Buhat noon, paano mo pinasan ang iyong mga krus para sumunod sa Kanya? Matapos ang mga taon, kamusta na ang iyong buhay pananampalataya?
Panalangin:
Ama naming makapangyarihan sa lahat, sinasamba Ka namin at niluluwalhati. Ipinagbubunyi namin ang Iyong pag-ibig na Siyang kinakapitan namin sa lahat ng pagkakataon.
Turuan Mo po kaming sumunod kay Hesus. Sa paggabay ng Espiritu Santo, matutuhan po sana naming magsakripisyo at pasanin ang aming mga krus. Magawa po sana naming ibigin ang aming kapwang katulad nami'y dumaranas rin ng mabibigat ng pagsubok. Patuloy po sana naming maibahagi sa aming kanila ang Iyong pag-ibig.
Katulad ni San Pedro, kinikilala namin si Hesus bilang aming Tagapagligtas. Tunay nga pong hindi kami makalalapit sa Iyo kundi sa pamamagitan Niya. Siya ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay.
Kaya, Ama, itinataas namin ang mga ito at ang buo naming buhay sa pangalan ng Iyong Anak na si Hesus, nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.