Gospel Reflection
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon
05 Setyembre 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 06 Setyembre 2015)
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon
05 Setyembre 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 06 Setyembre 2015)
Two-way ang komunikasyon. Sa ibang salita, nagse-send at tumatanggap tayo ng mensahe kapag tayo'y nakikipag-usap. Sa kasamaang-palad para sa isang pipi at bingi o utal, mahirap para sa kanila ang pagco-communicate dahil kapwa may problema ang mga body organs na tumatanggap at nagpapahayag ng mensahe --ang tainga at ang dila.
Sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo, pinagaling ni Hesus ang isang lalaking bingi at utal. Nanggilalas ang mga taong nakasaksi sa kanyang ginawa. Ipinamalita nila ito kahit na sila'y pinagbawalan pa ni Hesus.
Pisikal na pagkabingi at pagkautal ang ginamot ni Hesus. Pananalig ang nagpagaling sa lalaki.
Subalit marami sa atin ang katulad ng lalaki. Tayo'y mga bingi. Mga bingi sa mga daing ng ating kapwang nangangailangan. Mga bingi sa Mabuting Balita ni Hesus. Mga bingi sa tugon ng Diyos sa ating mga dasal. Mga bingi sa isinisigaw ng ating konsensya.
Tayo'y mga pipi rin. Hindi natin maipahayag ang katotohanan. Hindi natin maibahagi sa iba ang pag-ibig ng Diyos. Parang may busal ang ating bibig kapag tungkol na sa pananampalataya ang usapin. Hindi natin mapagsabihan ang iba sa mali nilang ginagawa.
Sa simula'y nagi-guilty pa tayo dahil alam nating mali subalit dumarating ang marami sa atin sa puntong tinatanggap na lang natin ang mali. Hanggang sa unti-unti nating ibinabaluktot ang ating katwiran. Hanggang sa itinuturing na nating tama ang mali. Hanggang sa maging mga manhid na tayo.
At ito ang higit na malalang sakit ng sangkatauhan ngayon. Wala na tayong pakialam. Basta ang mahalaga nagsu-survive tayo. Ang mahalaga masaya at kontento na tayo.
Naputol na ang komunikasyon. Wala na tayong tunay na pinakikinggan at kinakausap kundi ang sarili natin. We choose what we hear and say. Kung hindi rin lang makabubuti sa ating kapakanan, pinipili nating huwag nang pakinggan at sabihin ang maraming bagay.
Lagi tayong kinakausap ng Diyos. Madalas na hindi lang natin Siya naririnig dahil sa ating pagiging abala o kaya nama'y pinipili lang nating huwag Siyang pakinggan dahil makakaabala lang Siya sa atin. Hinihintay Niya ang ating pagtugon sa Kanyang paanyaya. Subalit marami sa atin ang natatakot na tumugon sa Kanya dahil alam nating may kalakip na sakripisyo ang pagsunod sa Kanya.
Ang lahat ng nangyayari sa mundo ngayon-- ang lahat ng krimen, trahedya, kasalanan-- ay isang malaking misunderstanding. Isang malaking miscommunication. Dahil wala na sa ating tunay na nakikinig at tunay na nakikipag-usap.
Two-way ang komunikasyon. Sa paggabay ng Espiritu Santo, matutunan sana nating tunay na makinig sa Diyos at kapwa, at magsalita sa Katotohanan.
Panalangin:
Aming Ama, ngayo'y ibinubulalas namin ang aming pagluwalhati at pagsamba sa Iyo. Buksan Mo po ang aming mga labi sa pagpupuri sa Iyo sa panahon man ng kaligayahan o ng pagdadalamhati. Maraming salamat po sa pagpapahayag Mo ng Iyong pagmamahal.
Hilumin Mo po ang mga taong may kapansanan. Punuan Mo po sana ng Iyong pag-ibig ang kanilang mga kahinaan.
Ama, idinadalangin din po namin ang aming mga sarili. Huwag po sana kaming magmistulang mga bingi at pipi. Marinig po sana namin ang Iyong kalooban. Marinig po sana namin ang aming kapwang dumaraing. Marinig po sana namin ang tinig ng kalikasan at ng mundo.
Turuan Mo rin po kaming magsalita sa Katotohanan.
Ang lahat po ng ito sa pangalan ni Hesus, nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.