Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon - 05 Setyembre 2021



“Effata,” ibig sabihi’y “Mabuksan!” (Marcos 7:34)

Unang Pagbasa: Isaias 35:4-7

Ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob: “Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob, darating na ang Panginoong Diyos, at ililigtas ka sa mga kaaway.

Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi; katulad ng usa, ang pilay lulundag, aawit sa galak ang mga pipi. Mula sa gubat ay bubukal ang tubig at ang mga batis dadaloy sa ilang; ang umuusok na buhanginan ay magiging isang lawa, sa tigang na lupa ay babalong ang tubig.”

Salmo: Awit 146:7. 8-9. 9-10

Tugon: Kalul’wa ko, ‘yong purihin 
           ang Panginoong butihin!

Ang maaasahang lagi’y Panginoon, 
panig sa naaapi, ang Diyos na hukom; 
may pagkaing handa, sa nangagugutom.

Pinalaya niya ang mga nabihag; 
isinasauli, paningin ng bulag. 
Lahat ng inapi ay itinataas, 
ang mga hinirang niya’y nililingap.

Isinasanggalang ang mga dayuhang 
sa lupain nila’y doon tumatahan; 
tumutulong siya sa balo’t ulila, 
masamang balangkas pinipigil niya.

Walang hanggang Hari, ang Diyos na Poon!
Nabubuhay lagi ang Diyos mo, Sion!

Ikalawang Pagbasa: Santiago 2:1-5

Mga kapatid, bilang sumasampalataya sa ating Panginoong Hesukristo, ang dakilang Panginoon, huwag kayong magtatangi ng tao. Halimbawa: pumasok sa inyong kapulungan ang isang lalaking nakasingsing ng ginto at nakadamit nang magara, at isa namang dukha na panay sulsi ang damit. Kung asikasuhin ninyong mabuti yaong magara ang damit at sabihin sa kanya, “Dito kayo maupo,” at sabihin naman sa dukha, “Tumayo ka na lang diyan,” o kaya’y “Sa sahig ka na lang maupo,” nagtatangi na kayo at humahatol nang mali.

Tingnan ninyo, mga kapatid kong minamahal! Hinirang ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutan upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya.

Mabuting Balita: Marcos 7:31-37

Noong panahong iyon, pagbabalik ni Hesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon, at nagtuloy sa Lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis.

Dinala sa kanya ang isang lalaking bingi at utal at ipinamanhik nila na ipatong sa taong ito ang kanyang kamay. Inilayo muna siya ni Hesus sa karamihan, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura at hinipo ang dila nito. Tumingala si Hesus sa langit at nagbuntong-hininga, at sinabi sa tao, “Effata,” ibig sabihi’y “Mabuksan!” At nakarinig na ito, nawala ang pagkautal at nakapagsalita na nang malinaw. Sinabi ni Hesus sa mga tao na huwag ibalita ito kaninuman; ngunit kung kailan sila pinagbabawalan ay lalo naman nilang ipinamamalita ito.

Sila’y lubhang nanggilalas, at ang wika, “Anong buti ng lahat ng kanyang ginawa! Nakaririnig na ang bingi, at nakapagsasalita ang pipi!”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: