Dakilang Kapistahan ng mga Banal
01 Nobyembre 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 01 Nobyembre 2015)
Mahirap makapunta sa langit! Mahirap kung hindi man imposible.
Ito ang madalas nating ma-realize kapag dumaraan na tayo sa mga pagsubok at tukso. Nare-realize nating masyado tayong mahina para layuan ang kasalanan. Lalo na't madalas na inaatake tayo ng "kalaban" sa mga kahinaan natin.
At ito ang katotohanan, walang maliligtas kung ang aasahan lamang natin ay ang kakayahan natin bilang mga tao. Hindi natin kayang iligtas ang ating mga sarili. Hindi natin kayang maging mga banal.
So, imposible na ba para sa atin ang buhay matapos ang kamatayan dito sa lupa? Imposible na ba ang kaligtasan? Ang buhay na walang hanggan?
Sa araw na ito, ipinapaalala sa atin ng ating Simbahan na walang imposible sa grasya ng Diyos. Na may mga taong nakayang maging banal. Kung kinaya nila, walang dahilan para hindi natin kayanin.
Ang mga santo'y mga ordinaryo ring taong katulad natin. Sila man ay natukso at naging mga makasalanan. Naging mahihina.
Subalit dahil sa grasya ng Diyos at sa tulong ng Espiritu Santo, nagawa nilang yakapin ang buhay ng paglilingkod. Nagawa nilang ibigin ang Diyos ng higit sa lahat. Nagawa nilang ibigin ang kanilang kapwa ng tulad ng kanilang sarili.
Hindi sila naging banal agad-agad. Narinig nila ang pagtawag ng Diyos na araw-araw naman nating nai-ignore. Tumugon sila sa pagtawag na iyon. Hiningi nila ang gabay ng Espiritu Santo. Kumilos sila. Nagmahal. Isinaisip at isinapuso ang mga turo ng Panginoong Hesus. Ginawa nilang sentro ng kanilang buhay ang Diyos. Pinasan nila ang kanilang pang-araw-araw na krus at sumunod sa Kanya.
Hindi naging madali ang buhay ng mga santong ito, marami sa kanila ang naging aba at nahapis, pinag-usig, inalimura at pinagwikaan ng masama. Sa kabila ng mga ito, naging mapagkumbaba sila, minithi nilang tumupad sa kalooban ng Diyos, naging mahabagin, nagkaroon ng malinis na puso, naging daan ng pakikipagkasundo.
Matapos ang lahat ng kanilang mga pinagdaanan, tinatanggap nila ang malaking gantimpala sa langit; ang buhay na walang-hanggan sa piling ng mga anghel at ng Diyos.
Ang mga santo'y mga clear reminder sa ating walang imposible sa Diyos. Kung hindi man natin kaya dahil mahihina tayo, hingin natin ang grasya ng Diyos. Hingin nating gabayan tayo ng Espiritu Santo upang makayanan nating harapin ang araw-araw nating mga buhay ayon sa kalooban ng ating Diyos. Yakapin natin ang mapangligtas Niyang pag-ibig.
Sa ganitong paraan, ang tila imposibleng task para sa ating mga Kristiyano ay nagiging posible sa pangalan at pagliligtas ni Hesus.
Panalangin:
Ama naming makapangyarihan sa lahat, papuri, pagsamba at pagluwalhati ang kaloob namin sa Iyo.
Ngayong ipinagdiriwang po namin ang Dakilang Kapistahan ng mga Banal, humugot po sana kami ng inspirasyon at ng lakas ng loob sa kanilang mga naging buhay dito sa mundo. Katulad po nila, sikapin din po sana naming sumunod sa halimbawa ng aming Panginoong Hesus. Narito po kami, tumutugon din sa Iyong pagtawag sa amin. Tinatanggap din po namin ang kaligtasang ipinagkakaloob Mo sa pamamagitan ni Hesus.
Idinadalangin din po namin ang mga mahal namin sa buhay na aalalahanin namin sa Kapistahan ng mga Yumao. Ipagkaloob Mo po sa kanila ang iyong banal na awa. Kamtin po sana nila ang buhay na walang hanggan sa piling Mo.
Aming Inang Birheng Maria at lahat ng mga Santo, ipanalangin N'yo po kami (lalo na po sa panahong ito ng pandemya ng COVID-19).
Sa pangalan ni Hesus, nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.