27 Disyembre 2015 - 02 Enero 2016



“Bumangon ka, dalhin ang sanggol at ang kanyang ina at tumakas pa-Ehipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin.” (Mateo 2:13)

27 Dis
28 Dis
29 Dis
30 Dis
31 Dis
01 Enero
02 Enero


27 Disyembre 2015
Kapistahan ng Banal na Mag-anak
(Unang Pagbasa: Sirac 3:2-6.12-14; Salmo: Awit 127; Ikalawang Pagbasa: Colosas 3:12-21; Mabuting Balita: Lucas 2:41-52)

Patuloy na lumaki si Hesus. Umunlad ang kanyang karunungan at lalong kinalugdan ng Diyos at ng mga tao. (Lucas 2:52)


NiƱos Inocentes
28 Disyembre 2015
Unang Pagbasa: 1 Juan 1:5–2:2; Salmo: Awit 124:2-8; 
Mabuting Balita: Mateo 2:13-18

13 Pagkaalis ng mga pantas, napakita kay Jose ang Anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi: “Bumangon ka, dalhin ang sanggol at ang kanyang ina at tumakas pa-Ehipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin.”

14 Bumangon si Jose, at nang gabi ring iyo’y dinala ang sanggol at ang ina nito pa-Ehipto. 15 Doon sila nanirahan hanggang mamatay si Herodes. Sa ganito natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.”

16 Nagalit naman si Herodes nang malaman nito na napaglalangan siya ng mga pantas. Kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at mga karatig nito, mga batang may dalawang taong gulang pababa, batay sa panahon ng pagsikat ng tala ayon sa mga pantas.

17 Kaya nagkatotoo ang sinabi ni Propeta Jeremias: 18 “Narinig sa Rama ang pagtangis, iyakan at malakas na panaghuyan: iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak at ayaw paaliw pagkat wala na sila.”


29 Disyembre 2015
Unang Pagbasa: 1 Juan 2:3-11; Salmo: Awit 96:1-6; 
Mabuting Balita: Lucas 2:22-35

22 Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala ang sanggol sa Jerusalem para iharap sa Panginoon – 23 tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. 24 Dapat din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binabanggit sa Batas ng Panginoon: isang pares na batubato o dalawang inakay na kalapati.

25 Ngayon, sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon. Hinihintay niya ang pagpapaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santo na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. 27 Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Jesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya.

28 Kinalong siya ni Simeon sa kanyang mga braso at pinuri ang Diyos, at sinabi:
29 “Mapayayaon mo na ang iyong utusan, Panginoon,
nang may kapayapaan ayon na rin sa iyong wika;
30 pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas
31 na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa,
32 ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang pagano 
at ang luwalhati ng iyong bayang Israel.”

33 Nagtataka ang ama at ina ng bata sa mga sinasabi tungkol sa kanya. 34 Pinagpala naman sila ni Simeon at sinabi kay Mariang ina ng bata: “Dahil sa kanya, babagsak o babangon ang mga Israelita at magiging tanda siya sa harap nila at kanilang sasalungatin. 35 Kaya mahahayag ang lihim na pag-iisip ng mga tao. Ngunit paglalagusan naman ng isang punyal ang puso mo.”


30 Disyembre 2015
Unang Pagbasa: 1 Juan 2:12-17; Salmo: Awit 96:7-10; 
Mabuting Balita: Lucas 2:36-40

36 May isa ring babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. Pagkaalis sa bahay ng kanyang ama, pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, 37 at nagbuhay-biyuda na siya at hindi siya umaalis sa Templo. Araw-gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin. Walumpu’t apat na taon na siya. 38 Sa pag-akyat niya sa sandaling iyon, nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem.

39 Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret sa Galilea. 40 Lumalaki at lumalakas ang bata; napuspos siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.


31 Disyembre 2015 
Unang Pagbasa: 1 Juan 2:18-21; Salmo: Awit 96:1-13;
Mabuting Balita: Juan 1:1-18

1 Sa simula’y naroroon na nga ang Wikang Salita,
at naroroong kaharap ng Diyos ang Salita,at Diyos ang Salita.
2 Naroroon na nga siyang kaharap ng Diyos sa simula.

3 Sa pamamagitan niya nayari tanang mga bagay,
at hiwalay sa kanya’y walang anumang nayari.
Ang niyari 4 ay sa kanya nagkabuhay,
at ang buhay ang liwanag para sa mga tao.
5 Nagningning sa karimlan ang liwanag 
at di ito nasugpo ng karimlan.

6 May taong sugo ang Diyos –
Juan ang kanyang pangalan.
7 Dumating siya para sa pagpapatunay,
para magpatunay tungkol sa Liwanag,
upang makapanalig ang lahat sa pamamagitan niya.
8 Hindi siya mismo ang Liwanag,
kundi para magpatunay tungkol sa Liwanag.

9 Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo
na siyang nagliliwanag sa bawat tao.
10 Nasa mundo na nga siya,
ang mundong nayari sa pamamagitan niya,
at di naman siya kinilala ng mundo.
11 Sa sariling kanya siya dumating
at hindi siya tinanggap ng mga kanya.
12 Ngunit sa lahat ng tumanggap sa kanya
sa pananalig sa kanyang Pangalan,
binigyang-kakayahan nga niya sila na maging mga anak ng Diyos. 
13 Ipinanganak nga sila, hindi mula sa dugo,
ni mula sa kagustuhan ng laman,
ni sa kagustuhan ng lalaki
kundi mula sa Diyos.

14 At naging laman ang Wikang-Salita,
at itinayo ang kanyang Tolda sa atin,
at nakita natin ang kanyang Luwalhati,
Luwalhating mula sa Ama na bagay sa bugtong na Anak,
lipos ng Kagandahang-loob at Katotohanan.
15 Nagpapatunay sa kanya si Juan at isinisigaw:
“Siya ang sinabi kong
‘Nauna na sa akin ang dumating na kasunod ko,
pagkat bago ako’y siya na’.”
16 Mula sa kanyang kapuspusan nga tumanggap tayong lahat
– oo, abut-abot na kagandahang-loob.

17 Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ang Batas,
sa pamamagitan naman ni Jesucristo dumating
ang Kagandahang-loob at Katotohanan. 

18 Kailanma’y walang sinumang nakakita sa Diyos;
ang Diyos na Anak na bugtong
siyang nasa kandungan ng Ama –
ang nagpahayag sa kanya.


01 Enero 2015
Maria, Ina ng Diyos
(Unang Pagbasa: Bilang 6:22-27; Salmo: Awit 66; Ikalawang Pagbasa: Galacia 4:4-7; Mabuting Balita: Lucas 2:16-21)

Natanim sa isip ni Maria ang mga bagay na ito at kanyang pinagbulay-bulay. (Lucas 2:19)





2 Enero 2016
Unang Pagbasa: 1 Juan 2:22-28; Salmo: Awit 98:1-4; 
Mabuting Balita: Juan 1:19-28

19 Ito ang pagpapatunay ni Juan nang papuntahin sa kanya ng mga Judio ang ilang mga pari at Levita mula sa Jerusalem para tanungin siya: “Sino ka?” 20 Inako niya di ipinagkaila, inako nga niyang “Hindi ako ang Kristo.” 

21 At tinanong nila siya: “Ano ka kung gayon? Si Elias ka ba?” At sinabi niya: “Hindi.” “Ang Propeta ka ba?” Isinagot naman niya: “Hindi” 22 Kaya sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba? Para may maisagot kami sa mga nagpapunta sa amin. Ano ba ang masasabi mo tungkol sa ‘yong sarili?”

23 Sumagot siya gaya ng sinabi ni Propeta Isaias:
“Tinig ako ng isang sumisigaw sa disyerto:
Tuwirin ang daan ng Panginoon.”

24 May mga pinapunta mula sa mga Pariseo. 25 At tinanong nila siya: “Eh, ba’t ka nagbibinyag kung hindi ikaw ang Kristo, ni si Elias, ni ang Propeta?” 26 Sinagot sila ni Juan: “Sa tubig ako nagbibinyag ngunit may nakatayo sa piling ninyo na hindi n’yo kilala. 27 Siya ang dumating na kasunod ko pero hindi ako karapat-dapat magkalag ng panali ng kanyang panyapak.”

28 Sa Betaraba nangyari ang mga ito, sa kabilang-ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.

27 Dis
28 Dis
29 Dis
30 Dis
31 Dis
01 Enero
02 Enero

Mga kasulyap-sulyap ngayon: