Share a smile! Share Jesus!

Gospel Reflection

Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
25 Disyembre 2018

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 25 Disyembre 2015)


Pasko na!

Marami sa atin ang maaring magsabing hindi naman nila maramdaman ang Pasko. Na lilipas din ang okasyon. Na para lang sa mga bata ang Pasko. Hindi na para sa kanila ang Pasko.
Hindi natin masisisi ang ating mga kapatid. Lalo na ang mga nasalanta ng mga kalamidad. Gayundin ang mga nawalan ng minamahal sa buhay. Siguro nga parang hindi ramdam ang Pasko. Siguro nga maraming nawala. Siguro nga maraming kulang.

Subalit muli nating tingnan ang ating Pasko. Marami ngang wala pero marami pa rin ang nariyan. Kung titingnan nating maigi, mare-realize nating may mga biyaya pa rin tayong natatanggap mula sa Diyos. Marami pa rin tayong dapat ipagpasalamat. Buhay pa tayo. Maaari pa tayong magsimulang muli. Huwag nating tingnan kung ano ang kulang. Pahalagahan natin ang mga blessings.

Alalahanin nating hindi rin masagana ang unang Pasko. Naganap ang kapanganakan ni Panginoong Hesus sa isang dukhang sabsaban. Walang magarbong mga dekorasyon. Walang masasarap na pagkain. Subalit hindi nagreklamo ang sinumang naroon sa sabsaban nang gabing iyon. Bagkus nakigalak sila sa Kanyang pagsilang.

Ang tunay na diwa ng Kapaskuha'y hindi makikita sa mga bagay na pisikal. Wala sa mga bagong damit o sa dekorasyon o sa masasarap na pagkain. Ang tunay na Pasko'y nagaganap sa ating mga puso. Kung paanong sa pagtanggap natin kay Hesus bilang ating panginoon at hari, muli Siyang isinisilang sa ating puso. Tinatanggap natin ang kaluwalhatiang Kanyang hatid. Kalakip ang kagalakang nakaugat sa Kanyang pag-ibig na hindi matatapos.

Pasko na! Bawal ang nakasimangot.

Count our blessings. Ipanalangin natin ang ating kapwang lubhang nangangailangan ng pagkalinga, pagdamay at pag-ibig. Be generous. Give till it hurts. Buksan natin ang ating mga palad at buhay para sa ating kapwa.

Share a smile. Share our blessings. Share Jesus. Share Christmas. 

Panalangin:

Aming Ama, kasabay ng mga anghel sa langit, pinupuri ka namin, “Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!” 

Ipinagdiriwang po namin ngayon ang maluwalhating pagsilang ng aming Panginoong Hesus sa isang munting sabsaban sa Betlehem. Hayaan Mo pong mapuno ng kagalakan ang aming mga pusong uhaw sa Iyong pag-ibig. 

Ama, tulutan Mo pong maghari sa aming mga puso ang tunay na diwa ng Pasko. Na minsan ang Salitang kasama Mo na buhat pa noong una'y nagkatawang-tao para sa amin. Hinubad Niya ang Kanyang kaluwalhatian at pagka-Diyos para sa aming kapakanan. Niloob Niyang maging isang abang sanggol upang maging katulad namin sa lahat ng aspeto liban sa kasalanan.

Pinasasalamatan po namin ang lahat ng Iyong mga biyaya. Pinasasalamatan po namin ang aming pamilya at mga kaibigan at mga estrangherong nagiging dahilan upang maging makabuluhan ang araw na ito.

Sa panalangin ni San Jose at Birheng Maria, hinihingi po namin ito sa pangalang ni Hesus na aming Panginoon, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

Happy birthday Jesus Christ!


Mga kasulyap-sulyap ngayon: