Mga Kamay ng Pag-ibig

Gospel Reflection

Ikalimang Linggo ng Muling Pagkabuhay
15 Mayo 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo. 



Isang pagsasalin ng The Story of The Lost Hands:

Isang umaga habang nakaluhod ako't nananalangin, pinagmasdan ko ang imahe ng ating Panginoong HesuKristo. Nagulat ako at nadismaya. Ang imahe'y walang mga kamay.

Tumingin ako sa paligid sa pag-asang makita ang nasabing mga sugatang kamay subalit bigo ako. Hindi ko makita ang mga ito. Kaya humarap ako sa Kanya at nagtanong, "Isa ba itong panaginip? Bakit sa Iyong kaluwalhatian, tila hindi Ka kumpleto?

Malumanay Siyang tumugon, "Ikaw ang Aking mga kamay... hilumin ang mga sugatan... magmalasakit at alagaan ang mga mga aba... bigyang pag-asa ang nawawalang nito... bigyang-kapahingahan ang mga napapagal... bihisan ang mga hubad. Sa pagtupad mo nito, ibinabalik mo ang Aking mga kamay."

Sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo, malinaw ang mga binitawang salita ni Hesus: Mag-ibigan kayo! Kung paanong inibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo. 

Ito ang isa sa mahahalagang habilin Niya ng gabing bago Siya maaresto. Sinasalamin nito ang una't pinakamahalagang misyon ng mga alagad; ang pag-ibig.

Pag-ibig ang unang pagkakakilanlan ng isang tunay na Kristiyano. Hindi lang nakikilala ang isang Katoliko dahil sa mga ritwal o sa Banal na Misa. Hindi lang dapat makikilala ang isang charismatic sa kanilang joyful songs at praise and worship. Kung kayo’y mag-ibigan, makikilala ng lahat na kayo’y mga alagad ko. 

Hayaan nating kumilos sa atin ang Banal na Espiritu. Hayaan nating gamitin tayong instrumento ng Diyos sa paghahayag Niya ng Kanyang pag-ibig sa sangkatauhan. Ipakilala natin sa mundo ang Kanyang mapagpalang pagliligtas sa pamamagitan ng ating pag-ibig.

Dahil tayo ang mga kamay Niya para mahaplos Niya't matulungan ang mga nangangailangan. Tayo ang mga paa Niya para malapitan Niya ang mga napapagod na sa buhay at nawawalan ng pag-asa. Tayo ang Kanyang mga tainga na handang makinig at umunawa sa paghihirap ng ating kapwa. Tayo ang kanyang mga mata upang magbantay sa Kanyang kawan. 

Ipahayag natin sa mundo ang ating pananampalataya sa misteryong paskwal ni Hesus. Siya ay namatay, muling nabuhay at babalik sa wakas ng panahon. Epektibo natin itong ipahayag sa pamamagitan ng ating pag-ibig.

Sabi nga ni Hesus sa kuwento, by doing this my child... you will restore my hands.

Panalagin:

O aming Amang makapangyarihan sa lahat... pinupuri Ka po namin, patuloy Ka po naming sinasamba at niluluwalhati. Kami po, bilang isang komunidad ay patuloy na lumalapit sa Inyo, turuan Mo po kaming mahalin ang isa't-isa.

Inilalapit po namin sa Iyo ang mga parokya at ang mga maliliit na komunidad ng pananampalataya. Mag-ugat po sana sa Iyong pag-ibig ang kanilang katatagan at paglago.

Itinataas din po namin sa Inyo ang bawat pamilya. Ilayo mo po ang lahat ng pamilyang Kristiyano sa mga bantang nakaambang sumira sa pundasyon nito. Bigyan Mo po ng sapat na kalusugan ang mga magulang upang magawa nilang palakihin ang kanilang mga anak ng may takot sa Iyo. Gayundin po, idinadalangin po namin ang mga anak. Turuan po po silang patuloy na igalang ang kanilang mga magulang. Ma-realize po sana nilang ang kanilang mga magulang ay mga taong may kanya-kanya ring kahinaan.

Turuan Mo po kaming ibigin ang isa't-isa.

Aming Ama, ang Iyong pag-ibig nawa ay maghari sa bawat isa sa amin, sa Pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: