Katulad Ng Pag-ibig Niya

 Gospel Reflection


Ikalimang Linggo Ng Pasko Ng Muling Pagkabuhay
15 Mayo 2022
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 10 Mayo 2015.)


Ang pangalan ng Simbahang Katoliko ay nagmula sa salitang katholikos na nangangahulugan ng universal o para sa lahat. Dahil para sa lahat ang pag-ibig at kaligtasang ipinagkakaloob ni Hesus. Hudyo man o pagano. Anuman ang lahi. Anuman ang pinagmulan. Anuman ang nakaraan at kasalukuyan. Anuman ang kulay.

Mahal tayo ng Diyos. Mahal tayo ni Hesus. Ito ang dahilan kung bakit Siya nagkatawang-tao, nagpakasakit, namatay sa krus at muling nabuhay. Tayo ang dahilan. Simply because Jesus loves us.

Dahil tayo'y kalarawan ng Diyos, may kapasidad ang bawat isa sa ating tumanggap ng pagmamahal. May kapasidad din tayong magbigay ng pagmamahal. 

"Ito ang aking utos: mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig ko sa inyo."

Magmahal tayo dahil may nagmamahal sa atin. Mahal tayo ni Kristo. Kahit sino pa tayo. Kahit na gaano pa tayo karumi.

Nang mahalin tayo ni Hesus, itinuring Niya tayong kaibigan, "inaari ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama." Hindi Niya tiningnan ang ating kahinaan. 

(Alam Niyang iiwanan Siya ng mga apostol sa Kanyang pasyon. Hindi ba't tatlong beses pa Siyang ikinaila ni Pedro?)

"Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan."

Bakit nga ba tayo naglilingkod sa ating Simbahan? Kung anuman ang ating dahilan, balewala ang lahat ng ating pagpapagod kung wala tayong pag-ibig. Sa Diyos. At sa ating Kapwa. 

Ibahagi natin ang pag-ibig ni Kristo. Dahil ang pag-ibig niya ay universal. Para sa lahat. Para rin ito sa iyo.

Panalangin:

Amang makapangyarihan sa lahat, Ikaw ang bukal ng pag-ibig, papuri, pagsamba at pagluwalhati ang kaloob namin sa Iyo. 

Ikaw ang unang umibig sa amin. Ganap Mo itong ipinahayag nang hindi Mo ipagdamot sa amin ang Iyong bugtong na Anak. Kami'y inibig Niya katulad ng pag-ibig Mo. Turuan Mo po kaming magmahalan katulad ng Kanyang halimbawa.

Gamitin Mo po kami upang ibahagi sa iba ang pag-ibig ni Kristo. Ituwid Mo po kami kung nagiging dahilan kami upang lumayo sa Iyo ang aming kapwa.

Sa pangalan ni Hesus na aming Kaibigan at Panginoon, nabubuhay at naghahari kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: