“Nililinis ninyo ang labas ng plato at kopa ngunit pinupuno naman ninyo ang loob ng pagnanakaw at karahasan.” (Mateo 23:25)
|
|
|
|
|
|
|
21 Agosto 2016
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon
(I-click ang larawan)
““Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpipilit na pumasok ngunit hindi makapapasok.” (Lucas 13:24)
Birheng Maria, Reyna ng Langit at Lupa |
Pagbasa: Isaias 9:1-6; Salmo: Awit 113:1-3;
Mabuting Balita: Lucas 1:26-38
26 Sa ikanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. 27 Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen.
28 Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.” 29 Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito.
30 At sinabi ng anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. 31 At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. 32 Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. 33 Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.”
34 Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” 35 At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. 36 At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at siyang itinuturing na baog ay nasa ikaanim na buwan na. 37 Wala ngang imposible sa Diyos.”
38 Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Sta. Rosa de Lima |
Pagbasa: 2 Tesalonica 2:1-17; Salmo: Awit 96:10-13;
Mabuting Balita: Mateo 23:23-26
23 Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Hindi ninyo nalilimutan ang mint, anis at kumino sa pagbabayad ninyo ng ikapu, ngunit hindi ninyo tinutupad ang pinakamahalaga sa Batas: ang katarungan, awa at pananampalataya. Ito ang nararapat isagawa na hindi kinakaligtaan ang iba. 24 Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang lamok, pero nilulunok ang kamelyo.
25 Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng plato at kopa ngunit pinupuno naman ninyo ang loob ng pagnanakaw at karahasan. 26 Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang loob, at lilinis din ang labas.
San Bartolome, Apostol |
Pagbasa: Pahayag 21:9-14; Salmo: Awit 145:10-18;
Mabuting Balita: Juan 1:45-51
45 Natagpuan ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinukoy ni Moises na nakasulat sa Batas at Mga Propeta, natagpuan namin siya – si Jesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret.”
46 Sinabi naman sa kanya ni Natanael: “May mabuti bang puwedeng manggaling sa Nazaret?” Sagot sa kanya ni Felipe: “Halika’t makikita mo.”
47 Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan, isang totoong Israelitang walang pagkukunwari.” 48 Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng punong-igos, nakita na kita.”
49 Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” 50 Sumagot si Jesus: Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng punong-igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.”
51 At idinugtong ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas na ang langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”
San Luis at San Jose de Calasanz |
Pagbasa: 1 Corinto 1:1-9; Salmo: Awit 145:2-7;
Mabuting Balita: Mateo 24:42-51
42 Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw ng pagdating ng inyong Panginoon. 43 Isipin ninyo ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya pababayaang pasukin ang bahay. 44 Kaya maging handa kayo sapagkat sa oras na hindi ninyo inaasahan darating ang Anak ng Tao.
45 Isipin ninyo ito: may tapat at matalinong katulong at sa kanya ipinagkatiwala ng kanyang amo ang sambahayan nito para bigyan sila ng pagkain sa tamang oras. 46 Kung sa pagdating ng kanyang amo ay matagpuan siya nitong tumutupad sa kanyang tungkulin, mapalad ang katulong na ito. 47 Talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakatiwala sa kanya ng amo ang lahat nitong pag-aari.
48 Sa halip ay nag-iisip naman ang masamang katulong: ‘Magtatagal ang aking panginoon.’ 49 Kayat sinimulan niyang pagmalupitan ang mga katulong na kasama niya samantalang nakikipagkainan at nakikipag-inumang kasama ng mga lasing. 50 Ngunit darating ang panginoon ng katulong na iyon sa oras na di niya inaasahan at sa panahong di niya alam. 51 Paaalisin niya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga mapagkunwari. Doon nga may iyakan at pagngangalit ng ngipin.
Pagbasa: 1 Corinto 1:17-25; Salmo: Awit 33:1-11;
Mabuting Balita: Mateo 25:1-13
1 Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. 2 Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa.
3 Dinala ng mga hangal na abay ang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. 4 Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. 5 Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog.
6 Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: ‘Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!’ 7 Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang mga lampara. 8 Sinabi ng mga hangal sa matatalino: ‘Bigyan naman ninyo kami ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming mga lampara.’ 9 Sumagot ang matatalino: ‘Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.’
10 Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. 11 Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan kami!’ 12 Ngunit sumagot siya: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.’
13 Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.’
Sta. Monica |
Pagbasa: 1 Corinto 1:26-31; Salmo: Awit 33:12-21;
Mabuting Balita: Mateo 25:14-30
14 Ipagpalagay natin na may isang tao, na bago mangibang-bayan ay tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. 15 Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka siya umalis.
16 Agad na ipinagnegosyo ito ng nakatanggap ng limang talento at kumita ng lima pa. 17 Nagnegosyo rin ang nakatanggap ng dalawa at kumita ng dalawa pa. 18 Humukay naman sa lupa ang may isang talento at itinago ang pilak ng kanyang amo.
19 Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong na ito at hiningan sila ng pagsusulit. 20 Kaya lumapit ang nakatanggap ng limang talento dala ang tinubong lima pang bareta, at sinabi: ‘Panginoon, ipinagkatiwala mo ang limang bareta sa akin, at tingnan mo, tumubo pa ako ng limang talento.’ 21 Sumagot ang amo: ‘Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.’
22 Lumapit naman ang may dalawang talento at nagsabi: ‘Panginoon, ipinagkatiwala mo ang dalawang talento sa akin, at ngayo’y tumubo pa ako ng dalawang talento.’ 23 Ang sabi ng amo: ‘Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.’
24 Sa bandang huli, dumating ang nakatanggap ng isang talento at nagsabi: ‘Panginoon, alam kong mahigpit kang tao. Inaani mo ang di mo itinanim at nililikom ang hindi mo ipinagnegosyo. 25 Natakot ako kaya itinago ko ang iyong talento sa lupa. Heto ang sa iyo.’ 26 Ngunit sinagot siya ng kanyang amo: ‘Masama at walang kuwentang katulong, alam mo palang inaani ko ang hindi ko itinanim at nililikom ang hindi ko ipinagnegosyo. 27 Sana’y dinala mo sa bangko ang aking pilak at mababawi ko ang sa akin pati na ang tubo pagdating ko.
28 Kaya kunin ang talento sa kanya at ibigay ito sa may sampu pa. 29 Sapagkat sa sinumang meron, bibigyan pa siya at magkakaroon nang sagana; ngunit ang wala, maging ang sa kanya ay aagawin sa kanya. 30 Para sa walang silbing katulong, itapon siya sa dilim kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin.’
|
|
|
|
|
|
|