Daily Gospel Sa Isang Buong Linggo
“Nakita ko ang Espiritu na bumababa mula sa langit gaya ng isang kalapati, at namalagi sa kanya.” (Juan 1:32)
|
|
|
|
|
|
|
01 Enero 2017
Maria, Ina ng Diyos
(I-click ang larawan)
Natanim sa isip ni Maria ang mga bagay na ito at kanyang pinagbulay-bulay. (Lucas 2:19)
San Basil at San Gregorio Nazianzen |
Pagbasa: 1 Juan 2:22-28; Salmo: Awit 98:1-4;
Mabuting Balita: Juan 1:19-28
19 Ito ang pagpapatunay ni Juan nang papuntahin sa kanya ng mga Judio ang ilang mga pari at Levita mula sa Jerusalem para tanungin siya: “Sino ka?” 20 Inako niya di ipinagkaila, inako nga niyang “Hindi ako ang Kristo.”
21 At tinanong nila siya: “Ano ka kung gayon? Si Elias ka ba?” At sinabi niya: “Hindi.” “Ang Propeta ka ba?” Isinagot naman niya: “Hindi” 22 Kaya sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba? Para may maisagot kami sa mga nagpapunta sa amin. Ano ba ang masasabi mo tungkol sa ‘yong sarili?”
23 Sumagot siya gaya ng sinabi ni Propeta Isaias: “Tinig ako ng isang sumisigaw sa disyerto: Tuwirin ang daan ng Panginoon.”
24 May mga pinapunta mula sa mga Pariseo. 25 At tinanong nila siya: “Eh, ba’t ka nagbibinyag kung hindi ikaw ang Kristo, ni si Elias, ni ang Propeta?” 26 Sinagot sila ni Juan: “Sa tubig ako nagbibinyag ngunit may nakatayo sa piling ninyo na hindi n’yo kilala. 27 Siya ang dumating na kasunod ko pero hindi ako karapat-dapat magkalag ng panali ng kanyang panyapak.”
28 Sa Betaraba nangyari ang mga ito, sa kabilang-ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.
Kabanal-banalang Pangalan ni Hesus |
Pagbasa: 1 Juan 2:29–3:6; Salmo: Awit 98:1-6;
Mabuting Balita: Juan 1:29-34
29 Kinabukasan, nakita niya si Jesus na papalapit sa kanya kaya sinabi niya: “Hayan ang Kordero ng Diyos, sa kanya napapawi ang sala ng mundo. 30 Ito ang tinutukoy ko nang sinabi kong ‘Isang lalaki and kasunod kong dumarating, nauna na siya sa akin pagkat bago ako’y siya na.’
31 Wala nga akong alam sa kanya pero upang mahayag siya sa Israel ang dahilan kaya dumating akong nagbibinyag sa tubig.”
32 At nagpatunay si Juan sa pagsasabing “Nakita ko ang Espiritu na bumababa mula sa langit gaya ng isang kalapati, at namalagi sa kanya. 33 Wala nga akong alam sa kanya pero ang nagpadala sa akin na magbinyag sa tubig ang siya ring nagsabi sa akin: ‘Kung kanino mo makitang bumababa ang Espiritu at namamalagi sa kanya, ito ang magbibinyag sa Espiritu Santo!” 34 Nakita ko at pinatutunayan ko na siya nga ang hinirang Diyos.”
Pagbasa: 1 Juan 3:7-10; Salmo: Awit 98:1-9;
Mabuting Balita: Juan 1:35-42
35 Kinabukasan, naroon na naman si Juan at dalawa sa kanyang mga alagad. 36 Pagdaan ni Jesus, tinitigan niya ito at sinabi: “Hayan ang Kordero ng Diyos.” 37 At narinig siyang nagsasalita ng dalawang alagad kaya sinundan nila si Jesus. 38 Lumingon si Jesus at nakita niya silang sumusunod, at sinabi niya sa kanila: “Ano’ng hinahanap n’yo?” Sumagot naman sila sa kanya, “Rabbi (na kung isasalin ay Guro), saan ka namamalagi?” 39 At sinabi niya sa kanila: “Halikayo at inyong makikita.” At pumaroon sila at nakita kung saan siya namamalagi, at maghapon silang namamalagi sa kanya. Magiikapat ng hapon ang oras noon.
40 Si Andres na kapatid ni Simon Pedro and isa sa dalawang sumunod sa kanya pagkarinig kay Juan. 41 Una niyang natagpuan ang kapatid niyang si Simon at sinabi sa kanya: “Natagpuan namin ang Mesiyas (na kung isasalin ay Pinahiran).” 42 Inihatid niya siya kay Jesus. Tinitigan siya ni Jesus at sinabi nito: “Ikaw si Simon na anak ni Juan. Tatawagin kang Kefas (na kung isasalin ay Pedro).”
Pagbasa: 1 Juan 3:11-21; Salmo: Awit 100:1-5;
Mabuting Balita: Juan 1:43-51
43 Kinabukasan, niloob niyang lumabas pa-Galilea at natagpuan niya si Felipe. Sinabi ni Jesus sa kanya: “Sumunod ka sa akin.” 44Taga-Betsaida si Felipe na kababayan nina Andres at Pedro. 45 Natagpuan ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinukoy ni Moises na nakasulat sa Batas at Mga Propeta, natagpuan namin siya – si Jesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret.”
46 Sinabi naman sa kanya ni Natanael: “May mabuti bang puwedeng manggaling sa Nazaret?” Sagot sa kanya ni Felipe: “Halika’t makikita mo.”
47 Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan, isang totoong Israelitang walang pagkukunwari.” 48 Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng punong-igos, nakita na kita.”
49 Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” 50 Sumagot si Jesus: Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng punong-igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.”
51 At idinugtong ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas na ang langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”
Pagbasa: 1 Juan 5:5-13; Salmo: Awit 147:12-20;
Mabuting Balita: Marcos 1:4-11
4 Kaya may nagbibinyag sa disyerto – si Juan – at ipinahahayag niya ang binyag na may kasamang pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan. 5 Nagpuntahan sa kanya ang lahat ng taga-Judea at mga naninirahan sa Jerusalem. Inamin nila ang kanilang mga kasalanan at bininyagan sila ni Juan sa Ilog Jordan.
6 May balabal na balahibong-kamelyo at pang-ibabang damit na katad si Juan, at mga balang at pulot-pukyutang-gubat ang kinakain. 7 At ito ang sinabi niya sa kanyang pangangaral: “Parating na kasunod ko ang gagawa nang higit pa sa akin. Hindi nga ako karapat-dapat yumuko para magkalag ng tali ng kanyang panyapak. 8 Sa tubig ko kayo bininyagan, at sa Espiritu Santo naman niya kayo bibinyagan.”
9 Nang panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret ng Galilea at bininyagan siya ni Juan sa Ilog Jordan. 10 At pagkaahon niya mula sa tubig, nakita niyang nahawi ang langit at parang kalapating bumababa sa kanya ang Espiritu ng Diyos. 11 At narinig mula sa langit: “Ikaw ang aking Anak, ang Minamahal, ikaw ang aking Hinirang.”
San Raimundo ng PeƱafort |
Pagbasa: 1 Juan 5:14-21; Salmo: Awit 149:1-9;
Mabuting Balita: Juan 2:1-12
1 Sa ikatlong araw, may kasalan sa Kana ng Galilea, at naroon ang ina ni Jesus. 2 Kumbidado rin sa kasalan si Jesus at ang kanyang mga alagad. 3 Ngunit kinapos ang alak sa kasalan kaya wala na silang alak. Kaya sinabi ng ina ni Jesus sa kanya: “Wala silang alak.” 4 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ano sa akin o sa iyo, O Babae? Hindi pa sumasapit ang oras ko.” 5 Sinabi naman ng kanyang ina sa mga katulong: “Gawin n’yo ang anumang sasabihin niya sa inyo.”
6 May anim na tapayang bato roon para sa sagradong paghuhugas ng mga Judio. Tigwawalumpu o tigsasandaang litro ang laman ng mga iyon. 7 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Punuin n’yo ng tubig ang mga tapayan.” At pinuno nga nila hanggang labi ang mga iyon. 8 At sinabi niya: “Kumadlo kayo ngayon at dalhin sa punong-abala.” At dinala nga nila.
9 Tinikman ng punong-abala ang tubig na naging alak pero hindi niya alam kung saan ito galing, pero alam ng mga katulong ng kumadlo ng tubig. Kaya tinawag ng punong-abala ang nobyo 10 at sinabi sa kanya: “Ang mainam na alak muna ang inihahain ng lahat at saka lamang ang mas mahinang uri kapag lasing na ang mga tao. Pero itinabi mo pala ang mainam na alak hanggang ngayon.”
11 Ito ang simula ng mga tanda ni Jesus. Ginawa niya ito sa Kana ng Galilea at ibinunyag ang kanyang luwalhati, at nanalig sa kanya ang kanyang mga alagad.
12 Pagkatapos nito ay lumusong siya pa-Capernaum kasama ang kanyang ina at ang kanyang mga kapatid at mga alagad. At ilang araw lamang silang namalagi roon.
|
|
|
|
|
|
|