“Sumasampalataya ako pero tulungan mo ang maliit kong pananampalataya.” (Marcos 9:24)
|
|
|
|
|
|
|
19 Pebrero 2017
Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon
(I-click ang larawan)
“Ngunit ito naman ang sabi ko: ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo’y maging tunay na anak ng inyong Amang nasa langit.” (Mateo 5:44-45)
Pagbasa: Sirac 1:1-10; Salmo: Awit 93:1-5;
Mabuting Balita: Marcos 9:14-29
14 Pagbalik nila sa mga alagad, nakita nila ang napakaraming tao na nakapalibot sa mga ito at nakikipagtalo naman sa kanila ang mga guro ng Batas. 15 Namangha ang lahat pagkakita sa kanila, at tumakbo sila para batiin siya.
16 Itinanong naman niya sa kanila: “Bakit kayo nakikipagtalo sa mga ito?” 17 At sinagot siya ng isang lalaki mula sa mga tao: “Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalaki na inaalihan ng isang piping espiritu. 18 At kung hinahagip siya nito, inilulugmok siya sa lupa; nagbubula ang kanyang bibig, nagngangalit ang mga ngipin at naninigas. Hiningi ko sa iyong mga alagad na palayasin ito pero hindi nila kaya.”
19 Sumagot si Jesus: “Mga walang pananampalataya! Gaano pa katagal akong mananatili sa piling ninyo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin siya rito sa akin.”
20 At pinalapit nila siya kay Jesus. Pagkakita sa kanya ng espiritu, pinangatog nito ang bata at inilugmok sa lupa kaya nagpagulung-gulong siya at bumubula ang bibig. 21 Tinanong naman ni Jesus ang ama: “Gaano na katagal na nangyayari ito sa kanya?” 22 At sumagot ang ama: “Mula pa sa pagkabata at madalas nga siyang inihahagis sa apoy o sa batis para patayin. Ngunit kung kaya mo, maawa ka sa amin at pakitulungan kami.”
23 Sinagot siya ni Jesus: “Ano itong ‘kung kaya mo’? Lahat ay posible sa sumasampalataya.” 24 At agad na sumigaw ang ama ng bata sa pagsasabing “Sumasampalataya ako pero tulungan mo ang maliit kong pananampalataya.”
25 Nakita ni Jesus na nagsisitakbo at lumalapit na ang mga tao kaya iniutos niya sa masamang espiritu: “Pipi at binging espiritu, inuutusan kitang lumabas sa kanya at huwag nang bumalik.”
26 Nagsisigaw ang espiritu at inilugmok ang bata sa lupa bago lumabas. At animo’y patay ang bata kaya marami ang nagsabing “Namatay.” 27 Ngunit pagkahawak ni Jesus sa kamay nito, pinabangon niya ito at pinatindig.
28 Pagkapasok ni Jesus sa bahay, tinanong siya ng mga alagad nang sarilinan: “Bakit hindi namin napalayas ang espiritu?” 29 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sa panalangin lamang mapalalayas ang ganitong klaseng espiritu.”
San Pedro Damian |
Pagbasa: Sirac 2:1-11; Salmo: Awit 37:3-40;
Mabuting Balita: Marcos 9:30-37
30 Umalis sila roon at nagsimulang dumaan sa Galilea. Gusto niya na walang sinumang makaalam 31 sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit pagkapatay nila sa kanya, babangon siya sa ikatlong araw.” Kaya lubha silang nalungkot. 32 Hindi nila ito naintindihan at hindi rin sila nangahas magtanong sa kanya.
33 Pagdating nila sa Capernaum, nang nasa bahay na siya, tinanong niya sila: “Ano ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” 34 At hindi sila umimik; pinagtatalunan nga nila sa daan kung sino ang mas una.
35 Kaya naupo siya at pagkatawag sa Labindalawa ay sinabi sa kanila: “Kung may gustong mauna, maging huli siya sa lahat at lingkod ng lahat.”
36 At pagkakuha niya sa isang maliit na bata, pinatayo ito sa gitna nila at inakbayan at saka sinabi sa kanila: 37 “Ang sinumang tumanggap sa isa sa mga batang ito nang dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. At ang tumatanggap sa akin ay hindi ako ang tinatanggap kundi ang nagsugo sa akin.”
Trono ni San Pedro |
Pagbasa: 1 Pedro 5:1-4; Salmo: Awit 23:1-6;
Mabuting Balita: Mateo 16:13-19
13 Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” 14 Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.”
15 Sinabi niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?” 16 At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” 17 Sumagot naman si Jesus: “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit.
18 At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. 19 Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”
San Policarpo |
Pagbasa: Sirac 5:1-8; Salmo: Awit 1:1-6;
Mabuting Balita: Marcos 9:41-50
41 At kung may magpainom sa inyo ng malamig na tubig alang-alang sa aking pangalan dahil kay Kristo kayo, talagang sinasabi ko sa inyo na hindi siya mananatiling walang gantimpala.
42 Ngunit kung may tumisod at magpadapa sa isa sa maliliit na ito na nananalig, mas makabubuti pa para sa kanya na itapon siya sa dagat na may taling malaking bato sa kanyang leeg.
43 Kung ang kamay mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pingkaw sa buhay kaysa matapon sa walang hanggang apoy ng impiyerno na may dalawang kamay. 45 At kung ang paa mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pilay sa buhay kaysa matapon sa impiyerno na may dalawang paa. 47 At kung ang mata mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, itapon mo ito. Mabuti pa sa iyo ang pumasok sa kaharian ng Diyos na may isang mata kaysa matapon sa impiyerno na may dalawang mata, 48 kung saan walang tigil ang mga uod sa kanila at walang kamatayan ang apoy. 49 Buburuhin nga ng apoy ang lahat.
50 Mabuti ang asin ngunit kung tumabang ang asin, paano ninyo ito mapaaalat uli? Magkaroon kayo ng asin sa inyong sarili at mabuhay sa kapayapaan sa isa’t isa.”
Pagbasa: Sirac 6:5-17; Salmo: Awit 119:12-35;
Mabuting Balita: Marcos 10:1-12
1 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa probinsya ng Judea, sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan. At napakaraming tao na naman ang nagdatingan. At muli niya silang tinuruan gaya nang dati. 2 At lumapit ang ilang Pariseo na gusto siyang subukan at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” 3 Itinanong naman niya: “Ano ang iniutos sa inyo ni Moises?” At sinabi nila: 4 “Ipinahintulot ni Moises na paalisin ang babae pagkabigay sa kanya ng kasulatan ng diborsiyo.”
5 Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya sinulat niya ang kautusang ito. 6 Ngunit sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, 7 at dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at magiging iisang katawan ang dalawa. 8 Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang 9 kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.”
10 Nang nasa bahay na sila, tinanong siyang muli ng mga alagad. 11 At sinabi niya sa kanila: “Kung may lalaking magpaalis sa kanyang asawa at saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya. 12 At kung ang babae naman ang magpaalis sa lalaki at magpakasal sa iba, nakikiapid din siya.”
Pagbasa: Sirac 17:1-15; Salmo: Awit 103:13-18;
Mabuting Balita: Marcos 10:13-16
13 May nagdala naman kay Jesus ng mga bata para hipuin niya sila. Ngunit pinagalitan ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila.
14 At pagkakita ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila: “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pigilan. Sa mga tulad nga nila ang kaharian ng Diyos. 15 Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi papasok sa kaharian ng Diyos ang di tumatanggap dito gaya ng isang maliit na bata.” 16 At pagkakalong sa kanila ni Jesus, ipinatong niya sa kanila ang kanyang mga kamay para basbasan sila.
|
|
|
|
|
|
|