Gospel Reflection
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
05 Pebrero 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
05 Pebrero 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
Isang klasikong kuwento:
Isang bata ang naglalakad sa isang dalampasigan. Napansin niya ang napakaraming star fishes na tinangay ng alon sa baybayin ng dagat.
Pinulot ng bata ang isang star fish at ibinato pabalik sa dagat.
Napansin 'yun ng kasunod niyang lalaking naglalakad din. Tinanong siya ng nasabing lalaki: "Bakit mo pa ibinalik ang star fish? Hindi nito mababago ang kapalaran ng mga star fish sa mundo?"
Sumagot ang bata, "siguro hindi nga nito mababago ang buhay ng mga star fish. Hindi magkakaroon ng kaibahan sa mundo. Pero nakagawa ako ng kaibahan para sa isang star fish na ibinato ko pabalik sa dagat."
Sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo, hinahamon tayo ni Hesus na maging asin at ilaw ng mundo. Inaanyayahan tayong ibahagi sa ating kapwa ang liwanag na dala ni Hesus. Na gumawa ng kaibahan sa mundong aminin man natin o hindi ay masyado nang makasalanan.
Hindi ito 'yung tipong aasa tayo ng isang malaking impact sa bawat gagawin natin. Kung aasa tayong magiging ganu'n kadali ang lahat, mapa-frustrate lang tayo.
Hinay-hinay lang. Maging asin at liwanag tayo, una sa sarili muna natin. Gumawa tayo ng difference sa sarili natin. Hindi natin kayang ibigay ang wala sa atin. Hindi natin puwedeng ibigay si Hesus sa iba kung wala Siya sa puso natin. Hindi natin Siya puwedeng ipakilala sa iba kung hindi natin Siya kilala. Kaya dapat tayong magsimula sa ating sarili.
At habang nakikilala natin Siya, dapat nating lalong maunawaang hindi tayo karapat-dapat sa Kanyang pag-ibig. Subalit sa kabila nito, inibig tayo ng Diyos.
Matapos nating palalimin ang ating pananampalataya, saka natin simulang magbahagi sa ating kapwa. Unti-unti lang. Huwag tayong umasang sa kaunting effort maibabahagi at tatanggapin agad ng mundo ang Mabuting Balita. Magsimula tayo sa mga taong malapit sa atin.
Tandaan nating God's work is not our work. Tayo ay mga instrumento lamang ng Kanyang mga gawain. Ibig sabihin, huwag tayong umasa sa sarili lamang nating kakayahan. Bagkus, umasa din tayo sa grasya ng Diyos. Panatilihin nating aktibo ang relasyon sa Kanya. Humugot tayo ng lakas sa pagkapit sa Kanyang walang hanggang pag-ibig.
Malaking kaibahan ang ibinibigay ng isang ilaw sa kadiliman. Kaibahan naman sa lasa ang kaloob ng asin sa matabang na pagkain.
We are encouraged to make a difference. Maging instrumento ng pagbabago. Hindi man sa buong mundo, kahit man lang sa mga taong nata-touch natin sa pagbabahagi ng pag-ibig ng Diyos. Make a difference. One soul at a time.
Panalangin:
Aming Amang lubos ang pag-ibig sa amin, sa Iyo ang lahat ng kaluwalhatian. Sinasamba, pinupuri at pinasasalamatan Ka po namin.
Mula sa Iyo ang buong buhay namin. Gamitin Mo po kami upang patuloy na maibahagi sa lahat ng tao sa mundo ang Iyong walang hanggang pag-ibig. Gawin Mo po kaming mga ilaw at asin ng mundo. Magawa Mo po sanang hipuin ang iba sa pamamagitan namin.
Batid po naming wala kaming magagawa kung malayo kami sa Iyo.
Ang lahat ng ito sa matamis na pangalan ni Hesus, naghaharing kasama Mo at ng espiritu Santo. Amen.