Wala Nga Bang Forever?

Gospel Reflection

Ikaapat na Linggo Ng Pasko Ng Muling Pagkabuhay
30 Abril 2023


Walang forever!

Ito ang madalas na maririnig natin sa mga kabataan ngayon. Lalo na sa mga heartbroken at sa mga bitter. 

Madalas kasi kaysa sa hindi, hinahanap natin ang forever sa ibang tao. Sa isang taong aminin man natin o hindi ay may limitasyon. Hinahanap natin ang unlimited sa mga limitado. Hinahanap natin ang forever sa may hangganan. Hinahanap natin ang perpekto sa mga taong may kapintasan.

Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, ipinakikilala ni Hesus ang Kanyang sarili bilang isang Mabuting Pastol. Isang pastol na handang mag-alay ng buhay para sa kanyang mga tupa.

Tayo ang mga tupa. Ang marami sa atin ay mga naliligaw na tupa. Tinitipon tayo ni Hesus palapit sa Kanya. Kung tayo'y sa Kanya. Makikilala natin Siya at pakikinggan natin ang Kanyang tinig. Ang tinig Niyang humihimok sa ating manalig sa Kanya. Nag-aalok ng kapahingahan at ng buhay na walang hanggan.

Nasa Diyos ang tunay na forever. Na kay Hesus ang pag-ibig na hindi magwawakas. Hindi Siya mapapagod na ibigin tayo. Na patawarin tayo sa ating mga kasalanan at mga pagkukulang. 

Siya ang Mabuting Pastol, ibinibigay Niyang lagi ang ating mga pangangailangan. Lagi Niya tayong binibigyan ng kapahingahan. Ng inaasam nating kapayapaan ng isip at ng puso.

Hanggang kailan tayo maghahanap ng forever sa mga taong limitado ang pag-ibig? Hanggang kailan natin babalewalain ang paanyaya ni Hesus na lumapit sa Kanya? Siya ang Mabuting Pastol na laging nariyan. Kahit pa sabihin ng mundong walang forever. Nariyan lang Siyang naghihintay. Siya ang iyong Forever.

Panalangin:

Ama, Diyos at Panginoon namin, ang aming puso'y ipinagkakaloob namin sa Iyo. Pagsamba at pagluwalhati ang aming handog sa Iyong mapagpalang Pangalan.

Kami'y mga tupang ipinagkatiwala Mo sa Iyong Bugtong na Anak na si Hesus. Siya ang Mabuting Pastol na nagkaloob ng Kanyang buhay para sa amin. Pinasasalamatan Ka po naming lagi sa Iyong kabutihang palagiang nagkakaloob ng biyaya sa amin.

O aming Ama, tularan po sana ng aming mga obispo, mga pari at mga laykong lider ang halimbawa ni Hesus. Gabayan po sana nila ang mga pamayanan patungo sa Iyo. Sundin po sana namin ang kababaang-loob ni Hesus upang mapaglingkuran namin ang aming kapwang uhaw sa Iyo.

Ang lahat ng ito ay iniluluhog namin sa matamis na Pangalan ni Hesus, ang Mabuting Pastol na kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.



Mga kasulyap-sulyap ngayon: