Christ-Centered Life


Ika-13 Linggo sa Kanariwang Panahon
02 Hulyo 2023


"Many have failed not because they lack the talent but because they lack the purpose."

Nabasa ko ang quote na ito noong nasa high school pa ako. Sa mga pagkakataong pinanghihinaan ako ng loob at parang gusto ko nang sumuko sa buhay, inuulit-ulit ko ang mga salitang ito sa aking isipan.

Marami sa atin ang nabigo sa kanilang mga pangarap hindi dahil sa kulang tayo sa kakayahan kundi dahil kulang tayo sa mga dahilan. Kulang tayo sa motivation.

Marami sa atin ang mga nagsisikap para sa ating mga pamilya. Ang iba'y para sumikat at makilala. Ang iba nama'y para guminhawa ang buhay at magkapera. Ang iba nama'y para magkaroon ng sense of belongingness at matanggap ng lipunang ginagalawan.

Marami sa atin ang gustong maging mga lingkod ni Kristo. Ito ang dahilan kung bakit marami sa atin ang linggo-linggong nagsisimba. Ang iba'y sumasali sa mga mandated organizations at ministries sa ating mga parokya.

Sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo, hinihimok tayo ni Hesus na na i-reevaluate natin ang ating mga kadahilanan sa ating mga pagsusumikap. Pati na rin ang ating mga priorities sa ating buhay. 

Bakit nga ba tayo naglilingkod? Bakit tayo nagsisimba? Bakit ba natin sinisikap na sumunod sa mga turo at aral ni Hesus? Ano nga ba ang mga dahilan sa likod ng ating mga ginagawa?

Sa mga pagkakataong hindi natin mapagdesisyunan ang ating mga hakbang, itaas natin kay Hesus ang mga dapat nating gawin. Hayaan nating ituro Niya sa atin ang tamang landas. Hayaan nating gabayan tayo ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na taos na panalangin.

Gawin nating sentro ng ating buhay si Hesus. Gawin natin Siyang number one sa ating buhay. Na kung anuman ang ating mga gagawin, gawin natin para sa Kanyang kaluwalhatian at para sa ikapapalaganap ng Kanyang Mabuting Balita at pag-ibig. Hayaan nating Siya ang maging driving force sa lahat ng ating mga pagsusumikap. 

At wala nang higit na dakilang purpose kundi ang Pangalan ni Hesus. To God be all the Glory. 

Panalangin:

O aming Ama, sinasamba Ka namin at ipinagdarangal Ka namin. Ang lahat po ng ito'y nagmula sa Iyo at muli naming ibinabalik sa Iyo.

Turuan Mo po kaming makilala ang Iyong kalooban upang magawa naming tumulad sa mga Salita at halimbawa ng aming Panginoong HesuKristo.

Patuloy po naming idinadalangin ang aming Santo Papa, mga obispo at mga pari. Bigyan po Ninyo sila ng sapat na talino, kakayahan at kalusugan upang patuloy silang maging mga instrumento ng Iyong walang hanggang pag-ibig.

Gabayan din po Ninyo ang mga layko upang makatulong kami sa pagpapalaganap pang lalo ng Iyong Mabuting Balita ng Kaligtasan.

Gamitin Mo po kami, Ama. Sumaamin po nawang lagi ang Banal na Espiritung aming lakas, gabay at pag-asa.

Ang lahat po ng ito at ang lahat ng aming ginagawa sa araw-araw, sa Pangalang banal ng aming Panginoong Hesus, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.



Mga kasulyap-sulyap ngayon: