Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon - 02 Hulyo 2023



At sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa maliliit na ito dahil sa ito’y alagad ko – tinitiyak ko sa inyong tatanggap siya ng gantimpala. (Mateo 10:42)

Unang Pagbasa: 2 Hari 4:8-11.14-16

Minsan, si Eliseo’y nagpunta sa Sunem. May isang mayamang babae roon at siya’y inanyayahang kumain sa kanila. Mula noon, doon siya kumakain tuwing pupunta sa lugar na yaon. Sinabi ng babae sa kanyang asawa, “Natitiyak kong lingkod ng Diyos ang taong ito. Bakit di natin siya ipagpagawa ng isang silid para matuluyan niya tuwing pupunta rito? Bigyan natin siya ng higaan, mesa, upuan at ilaw.” 

Nang magbalik si Eliseo, doon siya nagpahinga sa silid na inihanda sa kanya. Pagkaalis ng babae, tinanong ni Eliseo si Giezi, “Ano kaya ang maitutulong natin sa kanya?” Sumagot si Giezi, “Wala po siyang anak at matanda na ang asawa.” “Tawagin mo uli,” utos ni Eliseo. Nagbalik ang babae at tumayo sa may pintuan. Sinabi sa kanya ni Eliseo, “Isang taon mula ngayon ikaw ay magkakaanak.”

Salmo: Awit 88 

Tugon: Pag-ibig mong walang maliw 
            ay lagi kong sasambitin!

Pag-ibig mo, Poon, na di nagmamaliw 
ang sa tuwi-t’wina’y aking aawitin, 
ang katapatan mo’y laging sasambitin. 
Yaong pag-ibig mo’y walang katapusan, 
sintatag ng langit ang ‘yong katapatan! 

Mapalad ang taong sa ‘yo’y sumasamba, 
sa pagsamba nila’y inaawitan ka 
at sa pag-ibig mo’y namumuhay sila. 
Sa buong maghapon, ikaw’y pinupuri, 
ang katarungan mo’y siyang sinasabi. 

Ang tagumpay namin ay iyong kaloob, 
dahilan sa iyong kagandahang-loob. 
Pagkat pinili mo yaong hari namin, 
kaloob mo ito, Banal ng Israel. 

Ikalawang Pagbasa: Roma 6:3-4.8-11

Mga kapatid: Hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabinyagan kay Kristo Hesus ay nabinyagan sa kanyang kamatayan? Samakatwid, tayo’y namatay at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng binyag upang kung paanong binuhay na muli si Kristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo nama’y mabuhay sa isang bagong pamumuhay. 

Ngunit tayo’y naniniwalang mabubuhay tayong kasama ni Kristo kung namatay tayong kasama niya. Alam nating si Kristo na muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan. Nang siya’y mamatay, namatay siya nang minsanan para sa kasalanan, at ang buhay niya ngayo’y para sa Diyos. 

Kaya dapat ninyong ibilang ang inyong sarili na patay na sa kasalanan datapwa’t buhay naman para sa Diyos sa inyong pakikipag-isa kay Kristo Hesus.

Mabuting Balita: Mateo 10:37-42

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol: “Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang umiibig sa anak na lalaki o babae nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nag-iingat ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, at ang nawawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magkakamit nito. 

Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa siya’y propeta ay tatanggap ng gantimpala ukol sa propeta. At ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa siya’y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. At sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa maliliit na ito dahil sa ito’y alagad ko – tinitiyak ko sa inyong tatanggap siya ng gantimpala.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: