|
|
|
|
|
|
|
10 Setyembre 2017
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon
(I-click ang larawan)
“Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan. Kapag nakinig siya sa iyo, ang pagsasama ninyong magkapatid ay napapanauli mo sa dati at napanunumbalik mo siya sa Ama.” (Mateo 18:15)
Pagbasa: Colosas 1:24–2:3; Salmo: Awit 62:6-9;
Mabuting Balita: Lucas 6:6-11
6 Sa iba namang Araw ng Pahinga, pumasok siya sa sinagoga at nagturo. May isang lalaki na hindi maigalaw ang kanang kamay. 7 Pinagmamasdan siya ng mga guro ng Batas at mga Pariseo, at baka pagalingin ito ni Jesus sa Araw ng Pahinga at nang maisakdal nila siya.
8 Ngunit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa lalaking hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka’t tumayo sa gitna.” Tumindig nga ito at tumayo roon. 9 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Matanong ko nga kayo: ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” 10 Tiningnan niya silang lahat sa paligid at sinabi sa tao: “Iunat mo ang iyong kamay.” Ginawa niya ito at gumaling ang kanyang kamay. 11 Galit na galit naman sila at magkakasamang nag-usap-usap kung ano ang magagawa nila kay Jesus.
Banal na Pangalan ni Mahal na Birheng Maria |
Pagbasa: Colosas 2:6-15; Salmo: Awit 145:1-11;
Mabuting Balita: Lucas 6:12-19
12 Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. 13 Nang nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: 14 si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, 15 si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, 16 si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.
17 Pagkababa kasama nila, tumigil si Jesus sa isang patag na lugar. Naroon ang maraming alagad niya, at napakarami ring tao mula sa buong Judea at Jerusalem at mula sa baybaying dako ng Tiro at Sidon 18 ang dumating para makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Gumaling din ang mga pinahihirapan ng masasamang espiritu. 19 Kayat sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya dahil may kapangyarihang lumalabas sa kanya, na nagpapagaling sa lahat.
San Juan Crisostomo |
Pagbasa: Colosas 3:1-11; Salmo: Awit 145:2-13;
Mabuting Balita: Lucas 6:20-26
20 Tumingala noon si Jesus sa kanyang mga alagad at sinabi:
“Mapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon sapagkat bubusugin kayo.
Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon sapagkat tatawa kayo.
22 Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sinisiraang-puri dahil sa akin. 23 Magsaya kayo at lubos na magalak sa araw na iyon sapagkat malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos; gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.
24 Ngunit sawimpalad kayong mayayaman sapagkat tinatamasa na ninyo ang inyong ginhawa!
25 Sawimpalad kayong mga busog ngayon sapagkat magugutom kayo!
Sawimpalad kayong humahalakhak ngayon sapagkat magluluksa kayo’t iiyak!
26 Sawimpalad kayo kapag pinag-uusapan kayo nang mabuti ng lahat ng tao dahil ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.
Pagtatampok sa Krus na Banal |
Pagbasa: Bilang 21:4-9; Salmo: Awit 78:1-38; Ikalawang Pagbasa: Filipos 2:6-11; Mabuting Balita: Juan 3:13-17
13 Walang umakyat sa langit maliban sa bumaba mula sa langit – ang Anak ng Tao.
14 At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa disyerto, gayundin dapat itaas ang Anak ng Tao 15 upang magkaroon ng buhay magpakailanman ang bawat nananalig sa kanya.
16 Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman.
17 Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya.
Ina ng Pitong Hapis |
Pagbasa: Hebreo 5:7-9; Salmo: Awit 31:2-20;
Mabuting Balita: Juan 19:25-27
25 Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng kanyang ina, si Maria ni Cleofas at si Maria Magdalena. 26 Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa alagad na mahal niya na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” 27 pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyon, tinanggap siya ng alagad sa kanyang tahanan.
San Cornelio at San Cipriano |
Pagbasa: 1 Timoteo 1:15-17; Salmo: Awit 113:1-7;
Mabuting Balita: Lucas 6:43-49
43 Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno nama’y hindi makapamumunga ng mabuti. 44 Nakikilala ang bawat puno sa bunga nito. Hindi makapipitas ng igos mula sa tinikan ni makaaani ng ubas mula sa dawagan. 45 Naglalabas ang taong mabuti ng mabuting bagay mula sa yaman ng kabutihan sa kanyang puso; ang masama nama’y naglalabas ng masamang bagay mula sa kanyang kasamaan. At sinasabi nga ng bibig ang umaapaw mula sa puso.
46 Bakit pa ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ gayong hindi naman ninyo tinutupad ang sinasabi ko?
47 Ilalarawan ko sa inyo ang lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at tumutupad nito. 48 May isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay nang malalim at sa batuhan inilagay ang mga pundasyon. Pagdating ng baha, hinampas ng agos ang bahay na iyon pero wala itong lakas para yanigin iyon sapagkat mabuti ang pagkakatatag niyon.
49 At kung may nakaririnig ngunit di naman nagsasagawa, matutulad siya sa nagtatayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na wala namang pundasyon. Hinampas ito ng agos at kaagad bumagsak. Anong laki ng pagkawasak ng bahay na iyon!”
|
|
|
|
|
|
|