Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon - 10 Setyembre 2017

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


“Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan. Kapag nakinig siya sa iyo, ang pagsasama ninyong magkapatid ay napapanauli mo sa dati at napanunumbalik mo siya sa Ama.” (Mateo 18:15)

Unang Pagbasa: Ezekiel 33:7-9

Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Ikaw, Tao, ang ginagawa kong bantay ng Israel; anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila bilang babala. 

Kapag sinabi ko sa taong masama na siya’y mamamatay at di mo ito ipinaabot sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan. Ngunit kapag binabalaan mo ang masama gayunma’y hindi rin nagbagong-buhay, mamamatay siyang makasalanan ngunit wala kang dapat panagutan.”

Salmo: Awit 94

Tugon: Panginoo’y inyong dinggin, 
            huwag n’yo s’yang salungatin!

Tayo ay lumapit sa ‘ting Panginoon, siya ay awitan, 
ating papurihan ang batong kublihan nati’t kalakasan.
Tayo ay lumapit, sa kanyang harapan na may pasalamat.
Siya ay purihin ng mga awiting may tuwa at galak.

Tayo ay lumapit, sa kanya’y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap nitong Panginoong sa ati’y lumalang. 
Siya ang ating Diyos, tayo ay kalinga niyang mga hirang, 
mga tupa tayong inaalagaan. 

Ang kanyang salita ay ating pakinggan: 
“Iyang inyong puso’y huwag patigasin, tulad ng ginawa 
ng inyong magulang nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa. 
Ako ay tinukso’t doon ay sinubok ng inyong magulang, 
bagamat nakita ang aking ginawang sila’ng nakinabang.” 

Ikalawang Pagbasa: Roma 13:8-10

Mga kapatid: Huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, liban sa saguting tayo’y mag-ibigan; sapagkat ang umiibig sa kapwa ay nakatutupad sa kautusan. 

Ang mga utos, gaya ng, “Huwag kang mangangalunya; Huwag kang papatay; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang mag-iimbot;” at ang alinmang utos na tulad ng mga ito ay nabubuo sa ganitong pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya’t ang pag-ibig ang kabuuan ng kautusan.

Mabuting Balita: Mateo 18:15-20

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad:

“Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan. Kapag nakinig siya sa iyo, ang pagsasama ninyong magkapatid ay napapanauli mo sa dati at napanunumbalik mo siya sa Ama. Ngunit kung hindi siya makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Kung hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo ito sa pagtitipon ng simbahan. At kung hindi pa siya makinig sa natitipong simbahan, ituring mo siyang Hentil o isang publikano.

Sinasabi ko sa inyo: anumang ipagbawal ninyo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at anumang ipahintulot ninyo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.

Sinasabi ko pa rin sa inyo: kung ang dalawa sa inyo rito sa lupa ay magkaisa sa paghingi ng anumang bagay sa inyong panalangin, ipagkakaloob ito sa inyo ng aking Amang nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: