22 - 28 Oktubre 2017

 Daily Gospel Sa Isang Buong Linggo


‘Hangal! Sa gabi ring ito, babawiin sa iyo ang iyong buhay. Mapapasakanino na ang iyong inihanda?’ (Lucas 12:20)

22 Okt
23 Okt
24 Okt
25 Okt
26 Okt
27 Okt
28 Okt


22 Oktubre 2017
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon

(I-click ang larawan)

“Kung gayon, ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.” (Mateo 22:21)


San Juan de Capistrano
23 Oktubre 2017
Pagbasa: Roma 4:20-25; Salmo: Lucas 1:69-75;
Mabuting Balita: Lucas 12:13-21

13 Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan: “Guro, sabihin mo nga sa aking kapatid na hatian ako ng mana.” 14 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: “Kaibigan, sino ang nagtalaga sa akin bilang hukom o tagapaghati ninyo?” 15 At sinabi niya sa mga tao: “Mag-ingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kanyang mga ari-arian nakasalalay ang kanyang buhay.”

16 At idinagdag ni Jesus ang isang talinhaga: “May isang taong mayaman na maraming tinubo sa kanyang lupain. 17 Kaya nag-isip-isip siya: ‘Ano ang gagawin ko? Wala man lang akong mapagtipunan ng aking ani.’ 18 At sinabi niya: ‘Ito ang gagawin ko, gigibain ko ang aking mga bodega at magtatayo ako ng mas malalaki; doon ko titipunin ang lahat kong trigo at ang iba pa. 19 At masasabi ko na sa aking sarili: Kaibigan, marami kang ari-ariang nakalaan para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magsaya.’

20 Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos: ‘Hangal! Sa gabi ring ito, babawiin sa iyo ang iyong buhay. Mapapasakanino na ang iyong inihanda?’ 21 Gayon din ang masasabi sa sinumang nag-iimpok ng yaman para sa kanyang sarili at walang tinutubo para sa Diyos.”


San Antonio Maria Claret
24 Oktubre 2017
Pagbasa: Roma 5:12-21; Salmo: Awit 40:7-17;
Mabuting Balita: Lucas 12:35-38

35 Maghintay kayong bihis at handang maglingkod, na may nakasinding mga lampara. 36 Maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang panginoon. Pauwi siya mula sa kasalan at agad nilang mabubuksan ang pinto pag dating niya at pag katok. 37 Mapalad ang mga lingkod na iyon na matatagpuang naghihintay sa panginoon pagdating niya. Maniwala kayo sa akin, isusuot niya ang damit pantrabaho at pauupuin sila sa hapag at isa-isa silang pagsisilbihan. 38 Dumating man siya sa hatinggabi o sa madaling-araw at matagpuan niya silang ganito, mapalad ang mga iyon!


25 Oktubre 2017
Pagbasa: Roma 6:12-18; Salmo: Awit 124:1-8;
Mabuting Balita: Lucas 12:39-48

39 Isipin ninyo ito: kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana niya pababayaang looban ang kanyang bahay. 40 Kaya maging handa kayo sapagkat dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaakala.”

41 Sinabi ni Pedro: “Panginoon, kanino mo ba sinasabi ang talinhagang ito, sa amin o sa lahat?” 42 Sumagot ang Panginoon: “Isipin ninyo ito: may tapat at matalinong katiwala na pangangasiwain ng panginoon sa kanyang mga tauhan para bigyan sila ng rasyon sa tamang oras. 43 Kung sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan siya nitong tumutupad nang gayon, mapalad ang lingkod na iyon. 44 Talagang sinasabi ko sa inyo, pangangasiwain siya nito sa lahat nitong ari-arian. 45 Ngunit maaari namang maisip ng lingkod na iyon: ‘Matatagalan pang dumating ang panginoon ko’ at simulang pagmalupitan ang mga utusang lalaki at babae, at kumain, uminom at maglasing. 46 Ngunit darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na di niya inaasahan at sa oras na di niya nalalaman. Palalayasin niya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga di-tapat.

47 Maraming hampas ang tatanggapin ng katulong na nakaaalam sa kalooban ng kanyang panginoon pero hindi naghanda ni sumunod sa kalooban niya. 48 Kaunti lang naman ang tatanggapin ng walang nalalaman sa kalooban niya ngunit gumawa ng mga bagay na dapat parusahan. Hihingan nga ng marami ang binigyan ng marami at hihingan nang higit ang pinagkatiwalaan nang higit.


26 Oktubre 2017
Pagbasa: Roma 6:19-23; Salmo: Awit 1:1-6;
Mabuting Balita: Lucas 12:49-53

49 Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! 50 Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang di ito nagaganap! 51 Sa akala ba ninyo’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay! 52 Sapagkat mula ngayo’y magkakahati-hati ang limang nasa isang sambahayan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; 53 magkakahati-hati sila: ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”


27 Oktubre 2017
Pagbasa: Roma 7:18-25; Salmo: Awit 119:66-94;
Mabuting Balita: Lucas 12:54-59

54 Sinabi rin ni Jesus sa mga tao: “Kapag nakita ninyong tumataas ang ulap sa kanluran, kaagad ninyong sinasabi, ‘Uulan,’ at ganoon nga ang nangyayari. 55 At kung umiihip naman ang hangin galing timog, sinasabi ninyong ‘Magiging napakainit,’ at nangyayari nga ito. 56 Mga mapagkunwari! Nabibigyan ninyo ng kahulugan ang anyo ng lupa at langit pero bakit hindi ninyo sinusuri kung ano ang panahong ito?

57 At bakit hindi kayo mismo ang makapagpasya kung ano ang tama? 58 Sa pagpunta mo sa maykapangyarihan kasama ng kalaban mo, sikapin mong makipag-areglo sa kanya sa daan; baka iharap ka sa hukom, at ibigay ka naman ng hukom sa pulis para ipakulong sa bilangguan. 59 Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”


San Simon at San Judas Tadeo,
mga Apostol
28 Oktubre 2017
Pagbasa: Efeso 2:19-22; Salmo: Awit 19:2-5;
Mabuting Balita: Lucas 6:12-19

12 Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. 13 Nang nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: 14 si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, 15 si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, 16 si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.

17 Pagkababa kasama nila, tumigil si Jesus sa isang patag na lugar. Naroon ang maraming alagad niya, at napakarami ring tao mula sa buong Judea at Jerusalem at mula sa baybaying dako ng Tiro at Sidon 18 ang dumating para makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Gumaling din ang mga pinahihirapan ng masasamang espiritu. 19 Kayat sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya dahil may kapangyarihang lumalabas sa kanya, na nagpapagaling sa lahat.

22 Okt
23 Okt
24 Okt
25 Okt
26 Okt
27 Okt
28 Okt

Mga kasulyap-sulyap ngayon: