Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon - 22 Oktubre 2017

Linggo ng Misyong Pandaigdigan

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


“Kung gayon, ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.” (Mateo 22:21)

Unang Pagbasa: Isaias 45:1. 4-6

Hinirang ng Panginoon si Ciro para maging hari upang lupigin ang mga bansa at alisan ng kapangyarihan ang mga hari. Ibubukas ng Panginoon ang mga pintong-bayan para sa kanya. Sinabi ng Panginoon kay Ciro: “Tinawag nga kita upang tulungan si Israel na lingkod, ang bayan kong hinirang. Binigyan kita ng malaking karangalan bagama’t di mo ako kilala. Ako ang Panginoon, ako lamang ang Diyos at wala nang iba. Palalakasin kita, bagama’t ako’y di mo pa kilala. Ginawa ko ito, upang ako ay makilala ng buong daigdig, na makikilala nila na ako ang Panginoon, ako lamang ang Diyos at wala nang iba.”

Salmo: Awit 95

Tugon: Dakilang kapangyarihan 
           ng Panginoo’y idangal!

Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit; 
Panginoo’y papurihan nitong lahat sa daigdig! 
Kahit saa’y ipahayag na Panginoo’y dakila, 
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.

Ang Poon ay tunay na dakila, marapat na papurihan;
higit sa sinumang diyos, siya’y dapat katakutan.
Ang diyos ng sanlibuta’y pawang mga diyus-diyusan; 
ang Poon lang ang may likha ng buong sangkalangitan.

Ang Panginoo’y purihin ng lahat sa daigdigan! 
Purihin ang lakas niya at ang kanyang kabanalan! 
Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal, 
dumulog sa kanyang templo’tmaghandog ng mga alay.

Kung ang Poon ay dumating, sa likas n’yang kabanalan, 
humarap na nanginginig ang lahat sa daigdigan.
“Ang Poon ay siyang hari,” sa daigdig ay sabihin, 
sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin. 

Ikalawang Pagbasa: 1 Tesalonica 1:1-5

Mula kina Pablo, Silas at Timoteo: Sa simbahan sa Tesalonica – mga hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Hesukristo: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan.

Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina’y isinasama namin kayo sa aming dalangin. Ginugunita namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong mga gawang bunga ng pananampalataya, ang inyong mga pagpapagal na udyok ng pag-ibig, at ang matibay ninyong pag-asa sa Panginoong Hesukristo.

Nalalaman namin, mga kapatid, na kayo’y hinirang ng Diyos na nagmamahal sa inyo. Ang Mabuting Balita na lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi sa salita lamang. Ito’y may kapangyarihan at patotoo ng Espiritu Santo.

Mabuting Balita: Mateo 22:15-21

Noong panahong iyon, umalis ang mga Pariseo at pinag-uusapan kung paano nila masisilo si Hesus sa kanyang pananalita. Kaya pinapunta nila sa kanya ang ilan sa kanilang mga alagad, kasama ang ilang tauhan ni Herodes. Sinabi nila, “Guro, nalalaman naming kayo’y tapat, at itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng mga tao. Wala kayong pinangingimian sapagkat pareho ang pagtingin ninyo sa tao. Ano po ang palagay ninyo? Naaayon ba sa kautusan na bumuwis sa Cesar, o hindi?”

Ngunit batid ni Hesus ang kanilang masamang layon kaya’t sinabi niya, “Kayong mapagpaimbabaw! Bakit ibig ninyo akong siluin? Akin na ang salaping pambuwis.” At siya’y binigyan nila ng isang denaryo. “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito?” tanong ni Hesus.

“Sa Cesar po,” tugon nila. At sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: