Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon - 29 Oktubre 2017



“Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta.” (Mateo 22:40)

Unang Pagbasa: Exodo 22:20-26

Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Huwag ninyong aapihin ang mga taga-ibang bayan; alalahanin ninyong nangibang-bayan din kayo sa Egipto. Huwag din ninyong aapihin ang mga babaing balo at ang mga ulila. Kapag inapi ninyo sila at dumaing sa akin, diringgin ko sila. Dahil dito, kapopootan ko kayo at lilipulin sa pamamagitan ng digmaan. Sa gayo’y mababalo rin ang inyu-inyong asawa at mauulila ang inyong mga anak.

Kapag nangungutang sa inyo ang mga kababayan ninyong mahihirap, huwag kayong hihingi ng tubo, tulad ng ginagawa ng mga usurero. Kapag may nagsanla sa inyo ng balabal, ibalik ninyo iyon sa kanya bago lumubog ang araw sapagkat iyon lamang ang pambalot niya sa katawan; wala siyang kukumutin sa pagtulog. Kapag siya’y dumaing sa akin, diringgin ko siya sapagkat ako’y mahabagin.”

Salmo: Awit 17

Tugon: Poong aking kalakasan, 
          iniibig kitang tunay!

O Panginoon kong aking kalakasan,
minamahal kita nang tunay na tunay.
Panginoo’y batong hindi matitibag, 
matibay kong muog at Tagapagligtas.

D’yos ko ang sa akin ay s’yang nag-iingat. 
Tagapagtanggol ko at aking kalasag. 
Sa ’yo, Panginoon, ako’y tumatawag, 
sa mga kaaway ako’y ‘yong iligtas.

Panginoo’y buhay, siya’y Tagapagligtas,
matibay kong muog, purihin ng lahat. 
Sa piniling hari, dakilang tagumpay, 
ang kaloob ng D’yos sa kanyang hinirang. 

Ikalawang Pagbasa: 1 Tesalonica 1:5-10

Mga kapatid: Nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling – ito’y ginawa namin para sa inyong kabutihan. Tinularan ninyo kami at ang Panginoon. Tinanggap ninyo ang Mabuting Balita, at dahil dito’y nagdanas kayo ng katakuttakot na hirap. Gayunman, taglay pa rin ninyo ang kagalakang kaloob ng Espiritu Santo. Kaya’t naging huwaran kayo ng mga kapatid sa Macedonia at Acaya.

Sapagkat hindi lamang ang salita ng Panginoon ang lumaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo. Pati ang balita tungkol sa inyong pananampalataya ay kumalat sa lahat ng dako. Anupa’t hindi na kailangang magsalita pa kami tungkol dito. Sila na ang nagbabalita kung paano ninyo kami tinanggap. Sila rin ang nagsabing tinalikdan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyosan upang maglingkod sa tunay at buhay na Diyos, at maghintay sa kanyang Anak na si Hesus. Siya ang muling binuhay na magbabalik mula sa langit at magliligtas sa atin sa darating na poot ng Diyos.

Mabuting Balita: Mateo 22:34-40

Noong panahong iyon, nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Hesus ang mga Saduseo.

At isa sa kanila, isang dalubhasa sa Kautusan, ang nagtanong kay Hesus upang subukin ito: “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa kautusan?” Sumagot si Hesus: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: