05 - 11 Nobyembre 2017

 Daily Gospel Sa Isang Buong Linggo


Kung maghahanda ka, mga dukha, mga balewala, mga pilay at mga bulag ang kumbidahin mo.” (Lucas 14:13)

05 Nob
06 Nob
07 Nob
08 Nob
09 Nob
10 Nob
11 Nob


05 Nobyembre 2017
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon

(I-click ang larawan)

“Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.” (Mateo 23:12)


06 Nobyembre 2017
Pagbasa: Roma 11:29-36; Salmo: Awit 69:30-37;
Mabuting Balita: Lucas 14:12-14

12 Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya: “Kung maghahanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo o mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang iyong kumbidahin, baka kumbidahin ka rin nila at susuklian ka. 13 Kung maghahanda ka, mga dukha, mga balewala, mga pilay at mga bulag ang kumbidahin mo. 14 At magiging mapalad ka dahil hindi ka nila masusuklian ngunit sa pagkabuhay ng mga mabuti ka susuklian.”


07 Nobyembre 2017
Pagbasa: Roma 12:5-16; Salmo: Awit 131:1-3;
Mabuting Balita: Lucas 14:15-24

15 Nang marinig ito ng isa sa mga kasalo, sinabi niya kay Jesus: “Mapalad ang makakasalo sa bangkete ng kaharian ng Diyos!” 

16 Sumagot si Jesus: “May isang taong naghanda ng isang malaking bangkete at marami siyang kinumbida. 17 Sa oras ng handaan, pinapunta niya ang kanyang katulong para sabihin sa mga imbitado: ‘Tayo na’t handa na ang lahat.’ 18 Ngunit parang sabay-sabay namang nagdahilan ang lahat. Sinabi ng una: ‘Bumili ako ng bukid at kailangan kong pumunta para tingnan iyon. Pasensya ka na.’ 19 Sinabi naman ng isa: ‘Bumili ako ng limang pares na bakang pang-araro at pasusubukan ko ang mga ito. Pasensya ka na’ 20 Sinabi ng isa pa: ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makakapunta.’

21 Pagbalik ng katulong, ibinalita niya ang lahat ng ito sa kanyang panginoon. Galit na galit ang maysambahayan at sinabi sa kanyang katulong: ‘Pumunta ka agad sa mga liwasan at mga lansangan ng lunsod, at papasukin mo rito ang mga dukha, mga balewala, mga bulag at mga pilay.’

22 At pagkatapos ay sinabi ng katulong: ‘Nagawa na ang ipinag-utos mo at may lugar pa rin.’ 23 Sumagot sa kanya ang panginoon: ‘Lumabas ka sa mga daan at mga bakuran at pilitin mong pumasok ang mga tao para mapuno ang bahay ko. 24 Sapagkat sinasabi ko sa inyo: walang sinuman sa mga ginoong iyon na kinumbida ko ang makatitikim ng aking handa’.”


08 Nobyembre 2017
Pagbasa: Roma 13:8-10; Salmo: Awit 112:1-9;
Mabuting Balita: Lucas 14:25-33

25 Habang naglalakad ang napakaraming tao na kasama ni Jesus, humarap siya sa kanila at sinabi: 26 “Kung may dumating sa akin na di nagtatakwil sa pag-ibig sa kanyang ama at ina, at asawa at mga anak, at mga kapatid na lalaki at babae, at maging sa kanyang sarili, hindi siya puwedeng maging alagad ko. 27 At hindi puwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin.

28 At paano kung may magbalak magtayo ng silungan ng bantay sa bukid? Di ba’t uupo muna siya at tatantyahin ang gastos para malaman kung may sapat siya para maipatapos iyon? 29 Sapagkat kung mailagay niya ang pundasyon at hindi naman niya iyon maipatapos, pagtatawanan lamang siya ng lahat: 30 ‘Hayan ang nagsimulang magtayo at hindi na maipatapos.’

31 At paano kung may haring makikipagharap sa ibang hari? Di ba’t uupo muna siya para mag-isip kung kaya niya at ng sampung libong kasama niya  na harapin ang dumarating na may dalawampung libo? 32 At kung hindi naman, malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng mga sugo para makipag-areglo. 33 Gayon din sa inyo. Hindi puwedeng maging alagad ko ang di tumatalikod sa lahat ng kanya.


Pagtatalaga ng Basilika Laterano
09 Nobyembre 2017
Unang Pagbasa: Ezekiel 47:1-12; Salmo: Awit 46:2-9; Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 3:9-17;
Mabuting Balita: Juan 2:13-22

13 Malapit na noon ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon si Jesus pa-Jerusalem. 14 Natagpuan niya sa patyo ng Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. 15 Kaya gumawa siya ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit at ipinagtataob ang mga mesa. 16 At sinabi niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin n’yo ang mga ito! Huwag n’yong gawing palengke ang Bahay ng aking Ama.” 17 Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Tinutupok ako ng malasakit sa iyong Bahay.”

18 Kaya sumagot ang mga Judio: “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin at ginagawa mo ito?” 19 Sinagot sila ni Jesus: “Gibain n’yo ang templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw.”

20 Sinabi naman ng mga Judio: “Apatnapu’t anim na taon nang itinatayo ang templong ito, at ibabangon mo ito sa tatlong araw?” 21 Ngunit and templong katawan niya ang kanyang tinutukoy. 22 Nang ibangon siya mula sa mga patay, naalaala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.


San Leo Magno
10 Nobyembre 2017
Pagbasa: Roma 15:14-21; Salmo: Awit 98:1-4;
Mabuting Balita: Lucas 16:1-8

1 Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan. 2 Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.’

3 At inisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawin ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. 4 Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.’ 

5 Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga may-utang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una: “Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ 6 Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang resibo mo; maupo ka agad at isulat mo: Limampu.’ 7 Tinanong naman niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: Walundaan.”

8 Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di-matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag.


San Martin de Tours
11 Nobyembre 2017
Pagbasa: Roma 16:3-27; Salmo: Awit 145:2-11;
Mabuting Balita: Lucas 16:9-15

9 Kaya sinasabi ko sa inyo: gamitin ninyo ang di-matuwid na Perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan para sa pagkaubos nito’y tanggapin naman nila kayo sa walang hanggang mga tahanan.

10 Ang mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang di mapagkakatiwalaan sa maliliit ay di rin mapagkakatiwalaan sa malalaki. 11 Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa di-matuwid na pera, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? 12 Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga bagay na hindi talaga sa inyo, sino pa kaya ang magbibigay sa inyo ng talagang inyo?

13 Walang katulong na makapagsi-silbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa isa at mapababayaan ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.”

14 Naririnig ng mga Pariseo ang lahat ng ito. Sakim sila kaya pinagtatawanan nila siya. 15 At sinabi ni Jesus sa kanila: “Ginagawa ninyo ang lahat para magmukhang mabuti sa paningin ng mga tao ngunit alam ng Diyos ang inyong mga puso. At kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang mataas sa mga tao.

05 Nob
06 Nob
07 Nob
08 Nob
09 Nob
10 Nob
11 Nob

Mga kasulyap-sulyap ngayon: