Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon - 05 Nobyembre 2017

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


“Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.” (Mateo 23:12)

Unang Pagbasa: Malakias 1:14-2:2.8.10

Sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon: “Ako’y isang Haring dakila at kinatatakutan ng lahat ng bansa. 

At ngayon, mga saserdote, narito ang utos ko sa inyo: Parangalan ninyo ang aking pangalan sa pamamagitan ng inyong mga gawa,” sabi ng Makapangyarihang Panginoon. “Pag hindi ninyo pinakinggan ang sinasabi ko, kayo’y aking susumpain. 

Subalit lumihis kayo sa daang matuwid, kayong mga saserdote. Dahil sa inyong turo, marami ang nabulid sa kasamaan. Sumira kayo sa ating tipan,” sabi ng Makapangyarihang Panginoon. “Kaya, hahayaan kong kamuhian kayo ng mga Israelita sapagkat hindi ninyo sinusunod ang aking bilin at hindi pantay-pantay ang inyong pagtuturo.” 

Hindi ba iisa ang ating Ama at ito’y ang iisang Diyos na lumalang sa atin? Kung gayo’y bakit sumisira tayo sa pangako sa isa’t isa at bakit winawalang-kabuluhan natin ang kasunduan ng Diyos at ng ating mga magulang?

Salmo: Awit 130

Tugon: Sa iyong kapayapaan, 
            D’yos ko, ako’y alagaan!

O Panginoon ko, ang pagmamataas, 
tinalikdan ko na at iniwang ganap; 
ang mga gawain na magpapatanyag 
iniwan ko na rin, di ko na hinangad. 

Mapayapa ako at nasisiyahan, 
tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay. 

Kaya mula ngayon, ikaw, O Israel, 
sa ‘yong Panginoon, magtiwalang tambing!

Ikalawang Pagbasa: 1 Tesalonica 2:7-9.13

Mga kapatid: Naging magiliw kami sa inyo tulad ng isang mapagkalingang ina sa kanyang mga anak. Dahil sa laki ng aming pagmamahal sa inyo, itinalaga namin ang aming sarili sa pangangaral sa inyo ng Mabuting Balita. Hindi lamang iyan, pati na aming buhay ay ihahandog namin, kung kakailanganin. Lubusan na kayong napamahal sa amin. Tiyak na natatandaan pa ninyo, mga kapatid, kung paano kami gumawa at nagpagal araw-gabi para hindi kami maging pasanin ninuman samantalang ipinahahayag namin sa inyo ang Mabuting Balita. 

Ito pa ang lagi naming ipinagpapasalamat sa Diyos: nang ipangaral namin sa inyo ang kanyang salita, tinanggap ninyo ito bilang tunay na salita ng Diyos, at hindi ng tao. Anupa’t ang bisa nito’y nakikita sa buhay ninyong mga sumasampalataya.

Mabuting Balita: Mateo 23:1-12

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, “Ang mga eskriba at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya’t gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos. Ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang gawa, sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinangangaral. 

Nagbibigkis sila ng mabibigat na dalahin at ipinapasan sa mga tao; ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang kanilang mga pilakterya at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Ang ibig nila’y ang mga upuang pandangal sa mga piging at ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga. Ang ibig nila’y pagpugayan sila sa mga liwasang bayan, at tawaging guro. 

Ngunit kayo – huwag kayong patawag na guro, sapagkat iisa ang inyong Guro, at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong Tagapagturo, ang Mesiyas. Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. 

Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: