26 Nobyembre - 02 Disyembre 2017



“Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng dukhang biyudang ito. Naghulog nga silang lahat sa kabang-yaman mula sa sobra nila pero inihulog naman niya mula sa kanyang kasalatan ang buo niyang kabuhayan.” (Lucas 21:3-4)


26 Nobyembre 2017
Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari

(I-click ang larawan)

“Darating ang Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, at luluklok sa kanyang maringal na trono.” (Mateo 25:31)


27 Nobyembre 2017
Pagbasa: Daniel 1:1-20; Salmo: Daniel 3:52-56*; 
Mabuting Balita: Lucas 21:1-4

1 Tumingin si Jesus at may mayayaman na naghuhulog ng kanilang abuloy sa kabang-yaman. 2 At nakita rin niya ang isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. 3 At sinabi niya: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng dukhang biyudang ito. 4 Naghulog nga silang lahat sa kabang-yaman mula sa sobra nila pero inihulog naman niya mula sa kanyang kasalatan ang buo niyang kabuhayan.”


28 Nobyembre 2017
Pagbasa: Daniel 2:31-45; Salmo: Daniel 3:57-61*; 
Mabuting Balita: Lucas 21:5-11

5 May ilan namang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Jesus: 6 “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.” 7 Nagtanong sila sa kanya: “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito?”

8 Sumagot si Jesus: “Mag-ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan sa pagsasabing ‘Ako ang Mesiyas; ako siya,’ at ‘Palapit na ang panahon.’ Huwag kayong sumunod sa kanila. 9 Sa pagkabalita ninyo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.”

10  At sinabi niya sa kanila: “Magdidigmaan ang mga bayan at maglalaban-laban ang mga kaharian. 11 Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng taggutom, magkakaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa langit. 


29 Nobyembre 2017
Pagbasa: Daniel 5:1-28; Salmo: Daniel 3:62-67*; 
Mabuting Balita: Lucas 21:12-19

12 Pero bago sumapit ang lahat ng ito, dadakipin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. 13 Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin.

14 Isaisip ninyo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili 15 dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karunungang di matatagalan o masasagot ng lahat ninyong kaaway.

16 Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. 17 At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. 18 Subalit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. 19 Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili ninyo mismo ang inyong makakamit.


San Andres,
Apostol
30 Nobyembre 2017
Pagbasa: Roma 10:9-18; Salmo: Awit 19:2-5; 
Mabuting Balita: Mateo 4:18-22

18 Sa paglalakad ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya ang  magkapatid na Simon na tinawag na Pedro at Andres na naghahagis ng mga lambat dahil mga mangingisda sila. 19 Sinabi niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.”

20 Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.   
  

21 Nagpatuloy siya sa paglakad at nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. 22 Agad nilang iniwan ang bangka nila at ang kanilang ama, at nagsimulang sumunod sa kanya.


01 Disyembre 2017
Pagbasa: Daniel 7:2-14; Salmo: Daniel 3:75-81*; 
Mabuting Balita: Lucas 21:29-33

29 At sinabi ni Jesus sa kanila ang isang talinhaga: “Tingnan ninyo ang punong-igos at ang ibang mga puno. 30 Pagkakita ninyong nagdadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-init. 31 Gayundin naman, pag napansin ninyo ang mga ito, alamin ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos. 32 Talagang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang salinlahing ito at mangyayari ang lahat ng ito. 33 Lilipas ang langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking mga salita


02 Disyembre 2017
Pagbasa: Daniel 7:15-27; Salmo: Daniel 3:82-87*; 
Mabuting Balita: Lucas 21:34-36

34 Mag-ingat kayo’t baka bumigat ang inyong mga isip sa mga bisyo, paglalasing at mga intindihin sa buhay. At baka bigla kayong datnan ng araw na iyon. 35 Babagsak itong parang bitag sa lahat ng nasa lupa. 36 Kaya lagi kayong magbantay at manalangin para maging marapat na makatakas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”

*Awit ng Tatlong Kabataan sa ibang salin

Mga kasulyap-sulyap ngayon: