Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari - 26 Nobyembre 2017



“Darating ang Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, at luluklok sa kanyang maringal na trono. (Mateo 25:31)

Unang Pagbasa: Ezekiel 34:11-12.15-17

Ito ang ipinasasabi ng Panginoong Diyos: “Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa. 

Kung paanong hinahanap ng pastol ang tupa niyang nawawala, gayon ko hahanapin ang aking tupa. Kukunin ko sila saanman sila itinapon noong panahon ng kanilang kasamaan. Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan. Hahanapin ko ang nawawala, ibabalik ang nalalayo, hihilutin ang napilay, palalakasin ang mahihina, at babantayan ang malulusog at malalakas. Ibibigay ko sa kanila ang kailangan nilang pagkain. 

Sa inyo, aking kawan, ito ang sinasabi ko na inyong Diyos na Panginoon: Ako ang magiging hukom ninyo. Pagbubukurin ko ang mabubuti’t masasama, ang mga tupa at ang mga kambing.”

Salmo: Awit 23:1-2. 2-3. 5-6

Tugon: Pastol ko’y Panginoong D’yos, 

           hindi ako magdarahop!

Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang. 
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan. 

At inaakay niya ako sa tahimik na batisan, 
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan. 
At sang-ayon sa pangako na kanyang binitiwan, 
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay. 

Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang; 
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway. 
Nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan 
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw. 
Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan, 
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay; 
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan. 

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 15:20-26.28

Mga kapatid: Si Kristo’y muling binuhay bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay. 

Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayundin naman, dumating din ang muling pagkabuhay sa pamamagitan ng isang tao. Sapagkat kung paanong mamamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayundin naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Kristo, ngunit ang bawat isa’y sa kanya-kanyang takdang panahon: si Kristo ang pinakauna sa lahat; pagkatapos, ang mga kay Kristo sa panahon ng pagparito niya. 

At darating ang wakas, pagkatapos malupig ni Kristo ang lahat ng kaharian, pamahalaan at kapangyarihan; at ibibigay niya sa Diyos at Ama ang paghahari. Sapagkat si Kristo’y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway. 

Ang kahuli-hulihang kaaway na kanyang pasusukuin ay ang kamatayan. At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Kristo, ang Anak naman ang paiilalim sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, lubusang maghahari ang Diyos sa kalahat-lahatan.

Mabuting Balita: Mateo 25:31-46

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Darating ang Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, at luluklok sa kanyang maringal na trono. Sa panahong iyon, matitipon sa harapan niya ang lahat ng tao. Sila’y pagbubukud-bukurin niya, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. Ilalagay niya sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa ang mga kambing. 

At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok na kayo at manirahan sa kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang sanlibutan. 

Sapagkat ako’y nagutom at inyong pinakain, nauhaw at inyong pinainom. Ako’y isang dayuhan at inyong pinatuloy. Ako’y walang maisuot at inyong pinaramtan, nagkasakit at inyong dinalaw; ako’y nabilanggo at inyong pinuntahan.’ 

Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya’y walang maisuot at aming pinaramtan? At kailan po namin kayo nakitang may sakit o nasa bilangguan at aming dinalaw?’ Sasabihin ng Hari: ‘Sinasabi ko sa inyo: nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, ito ay sa akin ninyo ginawa.’ 

At sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, mga isinumpa! Kayo’y pasaapoy na di-mamamatay, na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat ako’y nagutom at hindi ninyo pinakain, nauhaw at hindi ninyo pinainom. Ako’y naging isang dayuhan at hindi ninyo pinatuloy; ako’y nawalan ng maisuot at hindi ninyo pinaramtan. Ako’y may sakit at nasa bilangguan at hindi ninyo dinalaw.’ 

At sasagot din sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, naging dayuhan, nawalan ng maisuot, maysakit o nasa bilangguan, at hindi namin kayo pinaglingkuran?’ At sasabihin sa kanila ng Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo: nang pagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ 

Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.” 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: