Gospel Reflection
Ika-32 Linggo Sa Karaniwang Panahon
12 Nobyembre 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
Ang sabi ni Hesus, ang mga taong gumagawa ng masama ay nasa kadiliman dahil ayaw nila sa liwanag. Ayaw nilang malaman ng iba ang kanilang ginagawa ng lihim. (Juan 3:20)
Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, hinihimok tayong maging handa sa pagdating ng Nobyong kinakatawan ng ating Panginoong Hesus. Hinihimok tayong panatiliing nagniningas ang liwanag sa ating mga ilawan katulad ng mga dalagang matatalino. Naghanda sila ng kanilang reserbang langis.
Iisa ang tiyak. Darating ang Nobyo. Darating ang katapusan ng mundo. Darating ang ating kamatayan. Nasa atin na ba ang Liwanag? Handa na ba tayo?
Si Hesus ang Liwanag ng mundo. Siya ang Liwanag na dumating sa mundo. Dumating Siya subalit hindi Siya kinilala ng mundo. (Juan 1) Kung hindi natin Siya tatanggapin sa ating buhay, mananatili tayong nasa kadiliman.
Sabi nga ng isang pari sa kanyang Homiliya, iba ang Langit sa Kaharian ng Diyos. Ang Kaharian ng Diyos ay dinala ni Hesus sa mundo nang magkatawang-tao Siya. Kaya nasa atin na ang paghahari ng Diyos kung naghahari Siya sa buhay natin.
Nasa atin nga ba si Hesus? Pinagsisikapan nga ba nating maging Christ-like ang ating buhay? Isinasabuhay ba natin ang Kanyang Salita? Iniibig ba natin ang Diyos ng higit sa lahat? Iniibig ang ating kapwa katulad ng ating sarili? Sinisikap ba nating kilalanin si Hesus? Nabubuhay ba tayo sa paggabay ng Espiritu Santong Tagapagpabanal?
Kung mamatay tayo mamayang gabi, handa na ba tayo? O baka kasama tayo sa sasabihan ng Diyos, "Hindi ko kayo kilala!"?
Panatilihin si Kristo sa ating mga puso. Hayaan nating manatili sa atin ang Kanyang Liwanag. Dahil ang nagtataglay ng Kanyang Liwanag ang makapapasok sa pintuan ng kaligtasan. At ang Kanyang Liwanag ay makapananaig sa kadiliman-- kahit na sa kadiliman ng kamatayan.
Panalangin:
Panginoon naming Diyos, papuri, pagsamba at pagluwalhati ang handog namin sa Iyo. Ikaw ang aming Panginoon. Ikaw ang Una sa aming buhay. Diyos ng Pag-ibig na palagiang kumakalinga sa amin.
Hayaan Mo pong sa kabila ng aming mga kahinaan ay magawa naming makalapit sa Iyo. Ikaw ang aming Amang patuloy na nagpapatawad sa amin sa kabila ng aming mga kahinaan at kasalanan.
Ama, mabuhay po sana kami sa paggabay ng Espiritu Santong aming lakas at pag-asa. Turuan po nawa Niya kaming tumulad sa aming tagapagligtas na si HesuKristo.
Sumaamin po nawa ang grasya ng Kaligtasang kaloob ni Kristo. Tunay nga pong wala po kaming magagawa kung hiwalay kami sa Iyong Anak.
Ama, umaasa po kami sa Iyong walang hanggang awa. Sa pangalan ni Hesus, ang Liwanag ng aming buhay na inaasahan naming sumaamin hanggang sa aming kamatayan, nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.