Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon - 12 Nobyembre 2023



“Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.” (Mateo 25:13)

Unang Pagbasa: Karunungan 6:12-16

Ang Karunungan ay maningning at di kumukupas. Madaling natatagpuan ng naghahanap sa kanya, at nakikita agad ng mga nagpapahalaga sa kanya. Madali siyang nagpapakilala sa mga naghahangad sa kanya. Hanapin mo siyang maaga at agad mo siyang matatagpuan. Makikita mo siyang nag-aabang sa iyong tarangkahan. Isipin mo lamang siya’y magkakaroon ka ng ganap na pagkaunawa. Hanapin mo siya’t matatahimik ang iyong kalooban. Pagkat hinahanap niya ang mga karapat-dapat sa kanya, at makikita ka niya saan ka man naroon. Siya’y maamo at sasamahan ka niya sa bawat iniisip mo.

Salmo: Awit 62 

Tugon: Aking kinasasabikan, 
           Panginoon, ikaw lamang!

O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap; 
ang uhaw kong kaluluwa’y tanging ikaw yaong hangad; 
para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas. 

 Bayaan mong sa santwaryo, sa lugar na dakong banal, 
ikaw roo’y mamasdan ko, sa likas mong karangalan. 
Ang wagas na pag-ibig mo’y mahigit pa kaysa buhay, 
kaya ako’y magpupuri’t ikaw ang paguukulan.

Habang ako’y nabubuhay, ako’y magpapasalamat, 
at ako’y dadalangin na kamay ko’y nakataas. 
Itong aking kaluluwa’y kakaing may kasiyahan, 
magagalak na umawit ng papuring iaalay. 

Laman ka ng gunita ko samantalang nahihimlay, 
magdamag na ang palaging iniisip ko ay ikaw; 
pagkat ikaw sa tuwina ang katulong na malapit, 
sa lilim ng iyong pakpak galak akong umaawit. 

Ikalawang Pagbasa: 1 Tesalonica 4:13- 18

Mga kapatid: Ibig naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na, nang hindi kayo magdalamhati, tulad ng mga taong walang pag-asa. Naniniwala tayong si Hesus ay namatay at muling nabuhay. Kaya naman, naniniwala tayong bubuhayin din ng Diyos ang lahat ng namatay na nananalig kay Hesus – upang isama sa kanya. 

Ito ang aral ng Panginoon na sinasabi namin sa inyo: pagparito ng Panginoon, tayong mga buhay ay hindi mauuna sa mga namatay na. Sa araw na yaon, kasabay ng malakas na utos ng tinig ng arkanghel, at ng tunog ng trompeta ng Diyos, bababa ang Panginoon mula sa langit. Bubuhayin muna ang mga namatay na nananalig kay Kristo. Pagkatapos, tayong mga buhay pa ay titipunin niya sa ulap at isasama sa mga binuhay upang salubungin sa papawirin ang Panginoon. Sa gayo’y makakapiling niya tayo magpakailanman.  

Kaya nga, mag-aliwan kayo sa pamamagitan ng mga aral na ito. 

Mabuting Balita: Mateo 25:1-13

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Dito maitutulad ang pagpasok sa kaharian ng Diyos: may sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawat isa’y may dalang ilawan. Ang lima sa kanila’y hangal at ang lima’y matalino. Ang mga hangal ay nagdala ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagbaon ng langis. Subalit ang matatalino’y nagdala ng langis bukod pa sa nasa kanilang ilawan. 

Nabalam ng dating ang lalaking ikakasal, kaya’t inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na’y may sumigaw: ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Salubungin ninyo!’ Agad nagbangon ang sampung dalaga at inayos ang kanilang ilawan. Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan naman ninyo kami ng kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan, e.’ ‘Baka hindi magkasiya ito sa ating lahat,’ tugon ng matatalino. ‘Mabuti pa’y pumunta muna kayo sa nagtitinda at bumili ng para sa inyo.’ 

Kaya’t lumakad ang limang hangal na dalaga. Samantalang bumibili sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at ipininid ang pinto. Pagkatapos, dumating naman ang limang hangal na dalaga. ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami!’ sigaw nila. Ngunit tumugon siya, ‘Sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo nakikilala.’ 

Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: