Ikawalong Simbang Gabi - 23 Disyembre 2017



Humingi siya ng masusulatan at sumulat ng ganito: “Juan ang kanyang pangalan.” (Lucas 1:63)

Unang Pagbasa: Malakias 3:1-4.23-24

Narito ang pahayag ng Makapangyarihang Panginoon, “Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipahahayag ang aking tipan. 

Ngunit sino ang makatatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makahaharap pag siya’y napakita na? Siya’y parang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang matapang na sabon. Darating siya para humatol at dadalisayin niya ang mga saserdote, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Sa gayon, magiging karapat-dapat silang maghandog sa Panginoon, at ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod sa kanya, tulad ng dati. 

Ngunit bago dumating ang nakahihindik na araw ng Panginoon, isusugo ko sa inyo si Propeta Elias. Muling magkakalapit ang loob ng mga ama’t mga anak. Kung hindi’y mapipilitan akong pumariyan at wasakin ang inyong bayan.” 

Salmo: Awit 24

Tugon: Itaas n’yo ang paningin, 
            kaligtasa’y dumarating!

Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos, 
ituro mo sana sa aba mong lingkod; 
ayon sa matuwid, ako ay turuan, 
ituro mo, Poon, ang katotohanan. 

Mabuti ang Poon at makatarungan, 
sa mga salari’y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay, 
at nagtuturo ng kanyang kalooban. 

Tapat ang pag-ibig, siya’ng umaakay 
sa tumatalima sa utos at tipan. 
Sa tumatalima, siya’y kaibigan, 
at tagapagturo ng banal na tipan.

Mabuting Balita: Lucas 1:57-66

Dumating ang oras ng panganganak ni Elisabet, at nagluwal siya ng isang sanggol na lalaki. Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na siya’y pinagpala ng Panginoon, at nakigalak sila sa kanya. 

Nang ikawalong araw, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang ipangangalan sa kanya – gaya ng kanyang ama – ngunit sinabi ng kanyang ina, “Hindi! Juan ang ipangangalan sa kanya.” “Subalit wala isa man sa iyong mga kamaganak ang may ganyang pangalan,” wika nila. Kaya’t hinudyatan nila ang kanyang ama at itinanong kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol. Humingi siya ng masusulatan at sumulat ng ganito: “Juan ang kanyang pangalan.” At namangha silang lahat. Pagdaka’y nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Natakot ang lahat ng kanilang kapitbahay, anupat naging usap-usapan sa buong kaburulan ng Judea ang mga bagay na ito. Pinakaisip-isip ito ng lahat ng nakaalam at ang kanilang tanong: “Magiging ano nga kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na sumasakanya ang Panginoon.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: