17 - 23 Hunyo 2018



Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong labanan ng masama ang masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, ibaling ang mukha at iharap ang kabilang pisngi.” (Mateo 5:39)

17 Hunyo
18 Hunyo
19 Hunyo
20 Hunyo
21 Hunyo
22 Hunyo
23 Hunyo


17 Hunyo 2018
Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon

(I-click ang larawan)

“Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang naghahasik ng binhi sa kanyang bukid....” (Marcos 4:26)


18 Hunyo 2018
Pagbasa: 1 Hari 21:1-16; Salmo: Awit 5:2-7;
Mabuting Balita: Mateo 5:38-42 

38 Narinig na ninyo na sinabi: Mata sa mata at ngipin sa ngipin. 39 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong labanan ng masama ang masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, ibaling ang mukha at iharap ang kabilang pisngi. 40 Kung may magdemanda sa iyo para kunin ang iyong sando, ibigay mo pati ang iyong kamiseta. 41Kung may pumilit sa iyong sumama sa kanya nang  isang  kilometro,  dalawang kilometro ang lakarin mong kasama niya. 42 Bigyan ang nanghihingi at huwag talikuran ang may hinihiram sa iyo.


San Romualdo
19 Hunyo 2018
Pagbasa:  1 Hari 21:17-29; Salmo: Awit 51:3-16;
Mabuting Balita: Mateo 5:43-48

43 Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. 44 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. 45 Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak niya ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan.

46 Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano?

48 Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit. 


20 Hunyo 2018
Pagbasa:  2 Hari 2:1-14; Salmo: Awit 31:20-24;
Mabuting Balita: Mateo 6:1-6 

1 Pag-ingatang huwag maging pakitang-tao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin ninyo, wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa langit. 2 Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto.

3 Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; 4 at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo.

5 Kung mananalangin kayo, huwag ninyong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. 6 At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo.


San Luis Gonzaga
21 Hunyo 2018
Pagbasa:  Sirac 48:1-14; Salmo: Awit 97:1-7;
Mabuting Balita: Mateo 6:7-15 

7 Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. 8 Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi.

9 Kaya, ganito kayo manalangin:

Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo,
10 dumating ang Kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit.
11 Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw,
12 patawarin mo ang aming mga pagkakautang gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin.
13 Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa Masama.

14 Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. 15 At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.


San Paulino de Nola, San Juan Fisher
at Sto. Tomas Moro (More)
22 Hunyo 2018
Pagbasa:  2 Hari 11:1-20; Salmo: Awit 132:11-18;
Mabuting Balita: Mateo 6:19-23 

19 Huwag dito sa lupa kayo mag-ipon ng inyong mga iniipon sapagkat dito’y masisira ang mga iyon ng mga kulisap at kalawang, at mananakaw ng magnanakaw. 20 Sa piling ng Diyos kayo mag-ipon ng inyong iniipon; wala nga roong kulisap o kalawang na sisira, at walang magnanakaw. 21 Malaman mo nawa na kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso.

22 Ang iyong mata ang lampara ng iyong katawan; kung malinaw ang iyong mata, nasa liwanag ang buo mong katawan. 23 Kung malabo naman ang iyong mata, nasa kadiliman ang buo mong katawan. At kung dumilim ang  liwanag na nasa iyo, gaano pa kaya ang madilim!


23 Hunyo 2018
Pagbasa:  2 Cronica 24:17-25; Salmo: Awit 89:4-34;
Mabuting Balita: Mateo 6:24-34

24 Walang makakapagsilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa una at mapababayaan ang pangalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.

25 Kaya sinasabi ko sa inyo: huwag mag-alala sa kakanin at iinumin para sa inyong buhay, o sa idadamit para sa inyong katawan. Di ba’t mas mahalaga ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit? 26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa langit: hindi sila naghahasik ni nag-aani, ni nag-iipon sa mga bodega, gayunma’y pinakakain sila ng inyong Amang nasa Langit. Di ba’t mas mahalaga kayo kaysa mga ibon? 

27 Sino sa inyo ang makapagdadagdag sa kanyang taas sa pagkabahala niya? 28 At bakit kayo mababahala tungkol sa pananamit? Tingnan ninyo ang mga bulaklak sa bukid, sa pagtubo ng mga ito. Hindi sila nagtatrabaho o humahabi. 29 Ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit na si Solomon sa kanyang kayamanan ay hindi nakapagbihis gaya ng isa sa kanila. 30 Kung ganito ang damit na ibinibigay ng Diyos sa mga damo – mga damong nasa bukid ngayon at susunugin bukas sa kalan, higit pa ang gagawin niya para sa inyo, mga taong maliit ang paniniwala!

31 Huwag na kayong mag-alala at magsabi: Ano ang ating kakanin? Ano ang ating iinumin? O, ano ang ating isusuot? 32 Ang mga pagano ang nababahala sa mga bagay na ito; ngunit alam ng inyong Amang nasa Langit na kailangan ninyo ang mga ito. 33 Kaya hanapin muna ninyo ang kaharian at katarungan ng Diyos, at ibibigay rin sa inyo ang lahat ng ito. 34 At huwag alalahanin ang bukas sapagkat bahala ang bukas na mag-alala sa kanyang sarili. Sapat na sa bawat araw ang sariling hirap nito.

17 Hunyo
18 Hunyo
19 Hunyo
20 Hunyo
21 Hunyo
22 Hunyo
23 Hunyo

Mga kasulyap-sulyap ngayon: