Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon - 17 Hunyo 2018



“Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang naghahasik ng binhi sa kanyang bukid.... (Marcos 4:26)


Unang Pagbasa: Ezekiel 17:22-24

Ito nga ang ipinasasabi ng Panginoon, “Kukuha ako ng isang usbong ng sedro at aking iaayos. Ang kukunin ko’y yaong pinakamura ng pinakamataas na sanga. Itatanim ko ito sa isang mataas na bundok, sa pinakamataas na bundok ng Israel upang lumago at mamungang mabuti at maging isang kahanga-hangang sedro. Sa gayon, lahat ng uri ng hayop ay makapaninirahan sa ilalim nito. Ang mga ibon nama’y makapamumugad sa mga sanga nito. Kung magkagayon, malalaman ng lahat ng punongkahoy na mapabababa ko ang mataas na kahoy at maitataas ko yaong mababa; na matutuyo ko ang sariwang kahoy at mapananariwa ko yaong tuyong punongkahoy. Akong Panginoon ang nagsasabi nito at ito’y gagawin ko.”

Salmo: Awit 92:2-3. 13-14. 15-16

Tugon: Totoong kalugud-lugod 
           ang magpasalamat sa D’yos!

Ang magpasalamat sa Panginoong Diyos ay mabuting bagay, 
umawit na lagi, purihin ang ngalang Kataas-taasan. 
Pag-ibig n’yang wagas ay dapat ihayag, kung bukang-liwayway; 
pagsapit ng gabi ang katapatan n’ya’y ihayag din naman. 

Katulad ng palma, ang taong matuwid tatatag ang buhay, 
parang mga sedro, kahoy sa Libano, lalagong mainam. 
Parang punongkahoy na doon natanim sa tahanan ng Diyos, 
sa banal na templo ito ay lalago na nakalulugod. 

Tuloy ang pagbunga kahit na ang punong ito ay tumanda, 
luntia’t matatag, at ang dahon nito ay laging sariwa. 
Ito’y patotoo na ang Panginoo’y tunay na matuwid, 
siya kong sanggalang, matatag na batong walang bahid dungis. 

Ikalawang Pagbasa: 2 Corinto 5: 6-10

Mga kapatid, laging malakas ang aking loob. Alam ko na habang tayo’y nasa tahanang ito, ang ating katawan, hindi mapapasaatin ang tahanang galing sa Panginoon. Namumuhay ako ayon sa pananalig sa Diyos, hindi sa mga bagay na nakikita. Malakas nga ang loob kong iwan ang katawang ito na aking tinatahanan upang manirahan sa piling ng Panginoon. Kaya naman, ang pinakananais ko ay maging kalugud-lugod sa kanya, sa tahanang ito o doon man sa langit. Sapagkat bawat isa ay haharap sa hukuman ni Kristo upang tumanggap ng kaukulang ganti sa kanyang ginawa, mabuti man o masama, nang siya’y nabubuhay pa sa daigdig na ito.

Mabuting Balita: Marcos 4:26-34

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang naghahasik ng binhi sa kanyang bukid. Pagkatapos niyon, magpapatuloy siya sa kanyang pang-araw-araw na gawain; tutubo at lalago ang binhi nang hindi niya nalalaman kung paano. Ang lupa’y siyang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim: usbong muna, saka uhay na pagkatapos ay mahihitik sa mga butil. Pagkahinog ng mga butil, agad itong ipagagapas sapagkat dapat nang anihin. 

Sa ano natin ihahambing ang paghahari ng Diyos?” sabi pa ni Hesus. “Anong talinghaga ang gagamitin natin upang ilarawan ito? Tulad ito ng butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Kapag natanim na at lumago, ito’y nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay; nagkakasanga ito nang malalabay, anupat ang mga ibon ay nakapamumugad sa mga sanga nito.” 

Ang Salita’y ipinangaral ni Hesus sa kanila sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad nito, ayon sa makakaya ng kanilang pang-unawa. Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga; ngunit ipinaliwanag niya nang sarilinan sa kanyang mga alagad ang lahat ng bagay.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: