22 - 28 Hulyo 2018



Kung paanong tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng balyena si Jonas noon, gayundin naman tatlong araw at tatlong gabing mananatili sa ilalim ng lupa ang Anak ng Tao.” (Mateo 12:40)

22 Hulyo
23 Hulyo
24 Hulyo
25 Hulyo
26 Hulyo
27 Hulyo
28 Hulyo


22 Hulyo 2018
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon

(I-click ang larawan)

Paglunsad ni Hesus, nakita niya ang napakaraming tao; nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At sila’y tinuruan niya ng maraming bagay. (Marcos 6:34)


Sta. Brigida de Suecia
23 Hulyo 2018
Pagbasa: Mikas 6:1-8; Salmo: Awit 50:5-23;
Mabuting Balita: Mateo 12:38-42

38 Sinabi noon ng ilang guro ng Batas at mga Pariseo: “Guro, gusto naming makakita ng tanda mula sa iyo.” 39 Sumagot si Jesus: “Isang palatandaan ang hinihiling ng masama at di-tapat na lahing ito ngunit walang palatandaang ibibigay sa kanila, maliban sa palatandaan ni Propeta Jonas. 40 Kung paanong tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng balyena si Jonas noon, gayundin naman tatlong araw at tatlong gabing mananatili sa ilalim ng lupa ang Anak ng Tao.

41 Sa paghuhukom, babangon ang mga taga-Ninive kasama ng mga taong ito at hahatulan ang salinlahing ito sapagkat nagpanibagong-buhay sila sa pangangaral ni Jonas, at dito’y may mas dakila pa kay Jonas. 42 Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog, kasama ng mga taong ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon, at dito’y may mas dakila pa kay Solomon.


San Charbel Makhlouf
24 Hulyo 2018
Pagbasa: Mikas 7:14-20; Salmo: Awit 85:2-8;
Mabuting Balita: Mateo 12:46-50

46 Nagsasalita pa si Jesus sa mga tao nang dumating ang kanyang ina at mga kapatid para makipag-usap sa kanya, at naghihintay sila sa labas. 47 Kaya may nagsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; gusto ka nilang makausap.”

48 Sumagot si Jesus sa nagsabi sa kanya: “Sino ang aking ina? Sino ang aking mga kapatid?” 49 At itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. 50 Ang nagsasagawa sa kalooban ng aking Ama sa Langit ang aking kapatid na lalaki at kapatid na babae at ina.”


Santiago, Apostol
25 Hulyo 2018
Pagbasa: 2 Corinto 4:7-15; Salmo: Awit 126:1-6;
Mabuting Balita: Mateo 20:20-28

20 Lumapit noon kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ng dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. 21 Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.”

22 Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” 23 Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis, ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para sa mga hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon.”

24 Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. 25 Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. 26 Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; 27 ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. 28 Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”


San Joaquin at Sta. Ana,
magulang ni Birheng Maria
26 Hulyo 2018
Pagbasa: Sirac 44:1-15; Salmo: Awit 132:11-18;
Mabuting Balita: Mateo 13:16-17

16 Ngunit mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tainga na nakakarinig.

17 Sinasabi ko nga sa inyo na maraming propeta at mabubuting tao ang may gustong makita ang nakikita ninyo ngayon pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.


27 Hulyo 2018
Pagbasa: Jeremias 3:14-17; Salmo: Jeremias 31:10-13;
Mabuting Balita: Mateo 13:18-23

18 Makinig kayo ngayon sa talinhaga ng maghahasik.

19 Pag may nakakarinig sa salita ng Kaharian ngunit hindi naman niya inuunawa, dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanyang puso. Ito ang butong nahulog sa tabi ng daan.

20 Ang buto namang nahulog sa batuhan ay para sa taong nakarinig sa salita at kaagad itong tinanggap nang buong kasiyahan. 21 Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanyang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig dahil sa salita, agad-agad siyang natitisod.

22Ang butong nahulog sa mga tinikan ang nakarinig sa salita ngunit sinikil ito ng mga makamundong kabalisahan at ng pandaraya ng kayamanan, at hindi nakapagbunga ang salita.

23 Ang buto namang nahasik sa matabang lupa ang nakakarinig sa salita at umuunawa rito; nagbubunga siya at nagbibigay ng sandaan, animnapu o tatlumpu.”


28 Hulyo 2018
Pagbasa: Jeremias 7:1-11; Salmo: Awit 84:3-11;
Mabuting Balita: Mateo 13:24-30

24 Binigyan sila ni Jesus ng isa pang talinhaga. “Naihahambing ang kaharian ng Langit sa isang taong naghasik ng mabuting buto sa kanyang taniman. 25 At samantalang natutulog ang mga tauhan, dumating ang kaaway. Hinasikan nito ng masamang damo ang taniman ng trigo at saka umalis.

26 Nang tumubo ang mga tanim at nagsimulang mamunga ng butil,  naglitawan din ang masasamang damo. 27 Kaya lumapit sa may-ari ang mga katulong at sinabi: ‘Ginoo, di ba’t mabubuting buto ang inihasik mo sa iyong bukid, saan galing ang mga damo?’

28 Sinagot niya sila: ‘Gawa ito ng kaaway.’ At tinanong naman nila siya: ‘Gusto mo bang bunutin namin ang mga damo?’ 29 Sinabi niya sa kanila: ‘Huwag, at baka sa pagbunot ninyo sa mga damo e mabunot pati ang trigo. 30 Hayaan ninyo na sabay silang tumubo hanggang anihan. At doon ko sasabihin sa mga mag-aani: Bunutin muna ninyo ang mga damo, at bigkisin para sunugin; at saka kunin ang lahat ng trigo at tipunin sa aking kamalig.”

22 Hulyo
23 Hulyo
24 Hulyo
25 Hulyo
26 Hulyo
27 Hulyo
28 Hulyo

Mga kasulyap-sulyap ngayon: