29 Hulyo - 04 Agosto 2018



“Naikukumpara ang kaharian ng Langit sa lebadurang kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.” (Mateo 13:33)

29 Hulyo
30 Hulyo
31 Hulyo
01 Agosto
02 Agosto
03 Agosto
04 Agosto


29 Hulyo 2018
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon

(I-click ang larawan)

Nang makita ng mga tao ang kababalaghang ginawa ni Hesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang paririto sa sanlibutan!” (Juan 6:14)


San Pedro Crisologo
30 Hulyo 2018
Pagbasa: Jeremias 13:1-11; Salmo: Deuteronomio 32:18-21;
Mabuting Balita: Mateo 13:31-35

31 Binigyan sila ni Jesus ng isa pang talinhaga: “Naikukumpara ang kaharian ng Langit sa isang buto ng mustasa na kinuha ng isang lalaki at inihasik sa kanyang bukid.

32 Pinakamaliit ito sa mga buto ngunit paglaki’y mas malaki ito sa mga gulay, at parang isang puno – dumarating ang mga ibon ng langit at dumadapo sa mga sanga nito.”

33 At sinabi ni Jesus ang iba pang talinhaga: “Naikukumpara ang kaharian ng Langit sa lebadurang kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.”

34 Itinuro ni Jesus ang lahat ng ito sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga; hindi siya nagturo sa kanila na hindi gumagamit ng mga talinhaga. 35 Kaya natupad ang sinabi ng Propeta: “Magsasalita ako sa talinhaga. Magpapahayag ako ng mga bagay na natago mula pa sa simula ng daigdig.”


San Ignacio de Loyola
31 Hulyo 2018
Pagbasa: Jeremias 14:17-22; Salmo:  Awit 79:8-13;
Mabuting Balita: Mateo 13:35-43

35 Kaya natupad ang sinabi ng Propeta: “Magsasalita ako sa talinhaga. Magpapahayag ako ng mga bagay na natago mula pa sa simula ng daigdig.”

36 At pinaalis niya ang mga tao at saka pumasok sa bahay. Lumapit noon sa kanya ang kanyang mga alagad at nagtanong: “Ipaliwanag mo sa amin ang talinhaga ng mga trigo sa bukid.” 37 Sumagot si Jesus: “Ang nagtanim ng mabuting buto ay ang Anak ng Tao. 38 Ang bukid naman, ang daigdig; ang mabuting buto, ang mga tao ng Kaharian; at ang masasamang damo, ang mga tauhan ng demonyo. 39 Ang kaaway na naghasik sa kanila ay ang demonyo; ang pag-aani ay ang katapusan ng mundo, at ang mga manggagawa ay ang mga anghel.

40 Kung paanong tinitipon ang masasamang damo at sinusunog sa apoy, ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. 41 Ipadadala ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel at titipunin nila sa kanyang kaharian ang mga eskandalo at ang mga gumagawa ng masama. 42 At itatapon ang mga ito sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin. 43 At pagkatapos nito, magniningning ang mga makatarungan tulad ng araw sa Kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may tainga!


San Alfonso de Ligorio
01 Agosto 2018
Pagbasa: Jeremias 15:10-21; Salmo:  Awit 59:2-18;
Mabuting Balita: Mateo 13:44-46

44 Naihahambing ang kaharian ng Langit sa kayamanang nakatago sa isang bukid. Kung may makakita nito, ibabaon niya ito uli; at dahil sa kanyang kaligayahan, ipinagbibili niya ang lahat niyang ari-arian, at binibili niya ang bukid.

45 Naihahambing din naman ang kaharian ng Langit sa isang negosyanteng naghahanap ng magagandang perlas. 46 Pagkakita niya ng isang perlas na napakalaki ang halaga, umalis siya at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.


San Eusebio de Vercelli at
San Pedro Julian Eymard
02 Agosto 2018
Pagbasa: Jeremias 18:1-6; Salmo:  Awit 146:1-6;
Mabuting Balita: Mateo 13:47-53

47 Naihahambing din ang kaharian ng Langit sa isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng kung anu-ano. 48 Nang puno na ang lambat, hinila ito papunta sa pampang. At saka naupo ang mga tao at tinipon ang mabubuting isda sa mga timba at itinapon ang mga walang kuwenta. 49 Ganito ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Lalabas ang mga anghel para ihiwalay ang masasama sa mabubuti; 50 at itatapon sila sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.”

51 At itinanong ni Jesus: “Nauunawaan ba ninyo ang lahat ng ito?” “Oo,” ang sagot nila. 52Kaya sinabi niya sa kanila: “Kaya bawat guro ng Batas na tinuruan tungkol sa Kaharian ay katulad ng isang ama ng tahanan na may tabihan, at laging may bago at luma sa tuwing kukuha siya.”

53 Nang matapos ni Jesus ang mga talinhagang ito, umalis siya sa lugar na iyon. 


03 Agosto 2018
Pagbasa: Jeremias 26:1-9; Salmo:  Awit 69:5-14;
Mabuting Balita: Mateo 13:54-58

54 Pumunta siya sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? 55 Di ba’t siya ang anak ng karpintero? Di ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? 56 Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” 57 At bulag sila tungkol sa kanya.

Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” 58At kaunti lamang ang ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.


San Juan Maria Vianney
04 Agosto 2018
Pagbasa: Jeremias 26:11-24; Salmo:  Awit 69:15-34;
Mabuting Balita: Mateo 14:1-12

1 Nang panahong iyon, umabot kay Haring Herodes ang katanyagan ni Jesus. 2 At sinabi niya sa kanyang mga kasambahay: “Si Juan Bautista siya. Nabuhay si Juan mula sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan.”

3 Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at nag-utos na ikadena ito at ikulong dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. 4 Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo siya puwedeng maging asawa.” 5 Talaga ngang gusto ni Herodes na patayin siya, pero takot siya sa mga tao na kumikilala kay Juan bilang isang propeta.

6 Kaarawan ni Herodes at nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, at nasiyahan si Herodes sa kanya. 7 Kaya sinumpaan niya ang isang pangako na ibibigay sa kanya ang anumang hingin niya. 8 At sinabi ng babae ayon sa turo ng kanyang ina: “Ibigay mo rito sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.”

9 Nasaktan ang hari ngunit napanumpaan na niya ang pangako sa harap ng mga bisita kaya iniutos niya na ibigay iyon sa kanya. 10 At  pinapugutan niya ng ulo si Juan sa kulungan; 11 inilagay sa isang plato ang kanyang ulo at ibinigay sa babae, at dinala ito ng babae sa kanyang ina.

12 At pagkatapos ay dumating naman ang mga alagad ni Juan at kinuha ang kanyang katawan at inilibing. At pagkatapos ay ibinalita ito kay Jesus.

29 Hulyo
30 Hulyo
31 Hulyo
01 Agosto
02 Agosto
03 Agosto
04 Agosto

Mga kasulyap-sulyap ngayon: