Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon - 27 Enero 2019



At sinabi niya sa kanila: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.”  (Lucas 4:21)

Unang Pagbasa: Nehemias 8:2-4a.5-6.8-10

Noong mga araw na iyon, kinuha ni Ezra na saserdote ang aklat ng Kautusan. Dinala niya ito sa kapulungang binubuo ng mga lalaki, babae at mga batang may sapat nang gulang at pang-unawa. Mula sa umaga hanggang tanghali, binasa niya ang Kautusan sa harapan ng mga taong natitipon sa liwasang bayan. Ang lahat naman ay nakinig na mabuti. Si Ezra’y nakatayo sa isang entabladong kahoy na sadyang itinayo sa pagkakataong iyon.Siya ay nakikita ng lahat, sapagkat mataas ang kanyang kinatatayuan. Ang lahat ay tumayo nang buksan niya ang aklat. “Purihin ang Panginoon, ang dakilang Diyos!” ang wika niya. Ang lahat ay nagtaas ng kanilang mga kamay at sumagot, “Amen, Amen.” Pagkatapos, nagpatirapa sila bilang paggalang sa Panginoon. Binasa ng mga Levita nang maliwanag ang batas na ito ng Diyos at ipinaliwanag na mabuti ang kahulugan. 

Nang malaman ng mga tao ang mga dapat nilang gawin ayon sa Kautusan, nabagbag ang kanilang kalooban, anupat sila’y napaiyak. “Ang araw na ito ay dakila sa Panginoon na inyong Diyos,” wika nina Nehemias, at Ezra at mga Levita. Nakikinig ang mga tao at umiiyak nga kaya’t sinabi nila, “Huwag kayong umiyak.” Wika pa nila, “Umuwi na kayo at magdiwang! Ang walang pagkain at inumin ay bahagian ng mayroon, sapagkat ang araw na ito’y dakila sa Panginoon. Ang kagalakang dulot niya ay magiging kalakasan ninyo.”

Salmo: Awit 18

Tugon: Espiritung bumubuhay, 
            ang salita ng Maykapal!

Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang, 
ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay; 
yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan, 
nagbibigay ng talino sa pahat ang kaisipan. 

Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos, 
liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod; 
ito’y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos, 
pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot. 

Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti; 
isang banal na tungkulin na iiral na parati; 
pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan, 
kapag siya ang humatol, ang pasiya ay pantay-pantay. 

Nawa’y itong salita ko at ang aking kaisipan, 
sa iyo ay makalugod, Panginoon ko’t kanlungan. 
O ikaw na kublihan kong ang dulot ay kaligtasan! 

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 12: 12-30

Mga kapatid: Si Kristo’y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi; bagamat binubuo ng iba’t ibang bahagi, iisa pa ring katawan. Tayong lahat, maging Judio o Griego, alipin man o malaya, ay bininyagan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. 

Tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu. Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng isang bahagi lamang. Kung sabihin ng paa, “Hindi ako kamay kaya’t hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? Kung sabihin ng tainga, “Hindi ako mata, kaya’t hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? Kung panay mata lamang ang buong katawan, paano ito makaririnig? Kung panay tainga lamang ang buong katawan, paano ito makaaamoy? Subalit inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan ayon sa minabuti niya. Hindi maituturing na katawan, kung ito’y iisang bahagi lamang! 

Ngunit ang totoo’y marami ang mga bahagi, ngunit iisang katawan lamang. Kaya’t hindi masasabi ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” ni ng ulo, sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” Sa katunayan, ang mga bahaging wari’y mahihina ang siya pang kailangang-kailangan. Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating hindi gaanong kapuri-puri ay pinag-uukulan ng higit na pag-aalaga. Ang mga bahaging hindi likas na maganda ay siya nating pinagaganda; hindi na ito kailangang gawin sa mga bahaging sadyang maganda. Nang isaayos ng Diyos ang ating katawan, binigyan niya ng higit na karangalan ang mga bahaging di gaanong marangal, upang hindi magkaroon ng inggitan; at sa halip, ang lahat ay magmalasakitan. Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinararangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat. 

Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Kristo at bawat isa’y bahagi nito. Naglagay ang Diyos sa Simbahan, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglalagay rin siya ng mga gagawa ng mga kababalaghan, mga magpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga magsasalita sa iba’t ibang wika. Hindi lahat ay apostol, propeta, o guro; hindi lahat ay binigyan ng kakayahang gumawa ng mga kababalaghan, magpagaling ng mga maysakit, magsalita sa iba’t ibang wika o magpaliwanag nito. 

Mabuting Balita: Lucas 1:1-4;4:14-21

Kagalang-galang na Teofilo: Marami na po ang nagsikap na sumulat tungkol sa mga bagay na naganap sa gitna namin. Ang kanilang sinulat ay ayon sa sinabi sa amin ng mga nakasaksi nito buhat sa pasimula at nangaral ng Salita. Matapos na ako’y makapagsuri nang buong-ingat tungkol sa lahat ng bagay na ito buhat pa sa pasimula, minabuti ko pong sumulat ng isang maayos na salaysay para sa inyo upang lubusan ninyong matiyak ang katotohanan ng mga bagay na itinuro sa inyo. 

Noong panahong iyon, bumalik si Hesus sa Galilea, at sumasakanya ang kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kumalat sa palibot na lupain ang balita tungkol sa kanya. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga; at dinakila siya ng lahat. 

Umuwi si Hesus sa Nazaret na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang kinagawian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumindig siya upang bumasa; at ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat sa dakong kinasusulatan ng ganito: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon, sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya, at sa mga bulag na sila’y makakikita; upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil, at ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”

 Nilulon niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapaglingkod, siya’y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga. At sinabi niya sa kanila: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.” 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: