Sa Magtataas ng Kilay

Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon
13 Pebrero 2022
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. 



Maraming magtataas ng kilay kapag nabasa ang Ebanghelyo natin ngayong Linggo. Understandable naman dahil malayong-malayo talaga ang mga salita ni Hesus sa itinuturo sa atin ng mundo.

Hindi nga ba't iniidolo at tinitingala natin ang mga mayayaman, mga tanyag at mga makapangyarihan? At ang maging katulad nila ang dahilan kung bakit ang marami sa atin ay nagtatrabaho at nagsisikap sa buhay. Para kasing pagkadali-dali ng kanilang mga buhay.

Ngayong Linggo, china-challenge ni Hesus ang mga katotohanang pinaniniwalaan natin. Ano nga ba ang dapat nating higit na pahalagahan? Ano nga ba ang mas mahalaga?

Don't get me wrong, at gayundin si Hesus, hindi natin sinasabing mali ang magsikap sa buhay at magnais ng mas maayos na buhay para sa ating pamilya. Hindi masamang mangarap maging mayaman, sikat o makapangyarihan.

Pinapaalaala lang sa atin kung ano nga ba ang dapat nating i-prioritize. Na bago natin asamin ang yaman ng mundo, dapat muna nating pagsikapang kamtin ang Kaharian ng Diyos at ang buhay na walang hanggan. Na bago natin sikaping maging katulad ng ating mga iniidolo, sikapin muna nating maging katulad ni Hesus.

Hinihingi sa atin ni Hesus ang ating commitment. Na kahit ano pa ang mangyari, uunahin natin ang paglilingkod sa Diyos at sa kapwa.

Inihahanda Niya ang Kanyang mga alagad at tayo; sa ating pagsunod sa Kanyang Salita, magdaranas tayo ng mga pag-uusig. Magugutom tayo. Magiging dukha. Tatangis. Hahamakin. Parurusahan. Sa kabila ng mga paghihirap na ito, we are encouraged na mag-focus sa ating main goal-- buhay na walang hanggan.

Huwag po sana nating kalimutan ang babala ni Hesus. Sakaling nagdaranas tayo ng kaginhawahan at kapangyarihan sa buhay natin ngayon, huwag nating kalimutan bahaginan at paglingkuran ang mga kapus-palad. Makihati tayo sa kanilang paghihirap. Sa gayong paraan, magagawa rin nating makihati sa paghihirap ni Hesus sa Kanyang Pasyon. Dahil kung hindi ganito ang ating gagawin at wala tayong pakialam sa ating kapwa, kapahamakan ang nakalaan para sa atin.

Nakataas pa rin siguro ang kilay natin, maaring isipin nating makaluma na ang mga turo ni Hesus. Na hindi na ganu'n ang uso. Na mas petmalu ang mapera. Na mas lodi ang may posisyon sa gobyerno o sa malaking kumpanya.

Pakaisipin natin ito: "Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay?" (Mateo 16:26)

Panalangin:

Aming Ama, patuloy ka po naming sinasamba at niluluwalhati. Nagpapasalamat po kami sa grasya ng Iyong walang hanggang pag-ibig. Ninais Mo pong maunawaan at makilala ng mga mahihina at mga mangmang ang Salitang nagkatawang-tao.

Turuan Mo po kaming sambahin Ka kahit na sa panahon ng matinding mga paghihirap at mga pagsubok. Hayaan Mo pong magawa naming makihati sa paghihirap ng aming kapwa bilang mga lingkod ni Hesus na dumanas ng matinding paghihirap at kamatayan para sa aming kaligtasan. Tunay nga pong hindi higit na dakila ang Panginoon sa lingkod. Matularan po sana namin ang Kanyang selfless love.

Gabayan po sana kami ng Banal na Espiritu upang kami'y maging tuna na mapapalad sa Iyong mga mata.

Ang lahat po ng ito sa pangalan ni Hesus, nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: