Unang Pagbasa: Jeremias 17:5-8
Ito ang sinasabi ng Panginoon: "Parurusahan ko ang sinumang tumatalikod sa akin, at nagtitiwala sa kanyang kapwa, sa lakas ng mga taong may hangganan ang buhay. Ang katulad niya'y halamang tumubo sa ilang, sa lupang tigang, at sa lupang maalat na walang ibang tumutubo; walang mabuting mangyayari sa kanya.
Ngunit maligaya ang taong nananalig sa Poon, pagpapalain ang umaasa sa kanya. Ang katulad niya'y halamang nakatanim sa tabi ng batisan, ang mga ugat ay patungo sa tubig; hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init, sapagkat mamamalaging luntian ang mga dahon nito, kahit di umulan ay wala itong aalalahanin; patuloy pa rin itong mamumunga."
Salmo: Awit 1
Tugon: Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina
Mapalad ang taong hindi naaakit niyong masasama,
upang sundan niya ang kanilang payo't maling halimbawa;
hindi sumasama sa sinumang taong ang laging adhika'y
pagtawanan lamang at hamak-hamakin ang Diyos na dakila.
Nagagalak siyang laging magsaliksik ng banal na aral,
ang utos ng Poon siyang binubulay sa gabi at araw.
Ang katulad niya'y isang punongkahoy sa tabing batisan,
sariwa ang daho't laging namumunga sa kapanahunan,
at anumang gawin ay nakatitiyak na magtatagumpay.
Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis,
siya'y natatangay at naipapadpad kung hangi'y umihip.
Sa taong matuwid ay Panginoon ang s'yang mag-iingat,
ngunit kailanman ang mga masama ay mapapahamak.
Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 15:12.16-20
Mga kapatid:
Kung ipinangangaral naming si Kristo'y muling nabuhay, ano't sinasabi ng ilan sa inyo na hindi bubuhaying muli ang mga patay? Kung hindi bubuhaying muli ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Kristo.
At kung hindi muling binuhay si Kristo, kayo'y hindi pa nahahango sa inyong mga kasalanan, at walang katuturan ang inyong pananampalataya. Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng namatay na nananalig kay Kristo ay napahamak. Kung ang pag-asa natin kay Kristo ay para sa buhay na ito lamang, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao. Ngunit ang totoo, si Kristo'y muling binuhay bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay.
Mabuting Balita: Lucas 6:17.20-26
Noong panahong iyon,bumaba si Hesus, kasama ang Labindalawa, at tumayo siya sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa kanyang mga alagad at ang napakaraming tao buhat sa Judea at Jerusalem, at sa mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon.Tumingin si Hesus sa mga alagad, at kanyang sinabi:
"Mapalad kayong mga dukha, sapagkat ang Diyos ang maghahari sa inyo!
Mapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat kayo'y bubusugin!
Mapalad kayong mga tumatangis ngayon, sapagkat kayo'y magagalak!
Mapalad kayo kung dahil sa Anak ng Tao kayo'y kinapopootan, ipinagtatabuyan at inaalimura ng mga tao, at pati ang inyong pangalan ay kinasusuklaman. Magalak kayo at lumukso sa tuwa kung ito'y mangyari, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit - gayon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.
Ngunit sa aba ninyong mayayaman ngayon, sapagkat nagtamasa na kayo ng kaginhawahan! Sa aba ninyong mga busog ngayon, sapagkat kayo'y magugutom! Sa aba ninyong nagsisitawa ngayon, sapagkat kayo'y magdadalamhati at magsisitangis! Sa aba ninyo, kung kayo'y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta."