02 - 08 Hunyo 2019



Kagipitan ang meron kayo sa mundo pero lakasan n’yo ang loob, napagtagumpayan ko ang mundo.” (Juan 16:33)

02 Hunyo
03 Hunyo
04 Hunyo
05 Hunyo
06 Hunyo
07 Hunyo
08 Hunyo


02 Hunyo 2019
Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat Sa Langit ng Panginoon

(I-click ang larawan)

Pagdating sa Betania, itinaas niya ang kanyang mga kamay at pinagpala sila. Samantalang iginagawad niya ito, siya nama’y lumalayo paakyat sa langit.(Juan 24:50-51)


San Carlos Lwanga at Mga Kasama
03 Hunyo 2019
Pagbasa: Gawa 19:1-8; Salmo: Awit 68:2-7;
Mabuting Balita: Juan 16:29-33

29 Kaya sinabi ng kanyang mga alagad: “Hayan, lantaran ka na ngayong nangungusap, at hindi na sa paghahambing nagsasalita. 30 Alam na namin ngayon na alam mo ang lahat at hindi mo kailangang may magtanong pa sa iyo. Dahil dito kaya naniniwala kaming sa Diyos ka galing.”

31 Sumagot sa kanila si Jesus: “Naniniwala ba kayo ngayon? 32 Narito’t may oras na sumasapit at sumapit na upang mangalat kayo – bawat isa sa sariling kanya – at iiwan n’yo akong nag-iisa. Ngunit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama.

33 Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang sa akin kayo magkaroon ng kapayapaan. Kagipitan ang meron kayo sa mundo pero lakasan n’yo ang loob, napagtagumpayan ko ang mundo.”


04 Hunyo 2019
Pagbasa: Gawa 20:17-27; Salmo: Awit 68:10-21;
Mabuting Balita: Juan 17:1-11

1 Pagkasabi ni Jesus ng mga ito, tumingala siya sa langit at nagsabi: “Ama, sumapit na ang oras. Luwalhatiin mo ang iyong Anak upang maluwalhati ka ng Anak 2 dahil ibinigay mo sa kanya ang kapangyarihan sa bawat tao upang bigyan niya ng buhay magpakailanman ang lahat ng bigay mo sa kanya. 3 Ito naman ang buhay magpakailanman: ang makilala ka, ang tanging totoong Diyos at si Jesucristong sinugo mo.

4 Niluwalhati kita sa lupa, ginanap ko ang gawang bigay mo sa akin para trabahuhin. 5 At ngayon, luwalhatiin mo ako, Ama, at ibigay sa aking katabi ang luwalhating meron ako sa tabi mo bago pa man nagkaroon ng mundo.

6 Ipinahayag ko ang pangalan mo sa mga taong kinuha mo sa mundo at ibinigay sa akin. Iyo sila at sa akin mo sila ibinigay, at tinupad nila ang iyong salita. 7 Ngayon, nakilala na nila na sa iyo galing ang lahat ng ibinigay mo sa akin. 8 Totoo, ibinigay ko sa kanila ang mga pananalitang ibinigay mo sa akin, at tinanggap nila at kinilalang totoong sa iyo ako galing at naniwala sila na ikaw ang nagsugo sa akin.

9 Sila ang ipinapakiusap ko. Hindi ang mundo ang ipinapakiusap ko kundi ang mga ibinigay mo sa akin dahil iyo sila. 10 Iyo ang lahat sa akin, at akin naman ang iyo, at naluwalhati ako sa kanila. 11 Wala na ako sa mundo ngunit nasa mundo pa sila habang papunta ako sa iyo. Amang banal, ingatan mo sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin upang maging isa sila gaya natin.


San Bonifacio
05 Hunyo 2019
Pagbasa: Gawa 20:28-38; Salmo: Awit 68:29-36;
Mabuting Balita: Juan 17:11-19

11 Wala na ako sa mundo ngunit nasa mundo pa sila habang papunta ako sa iyo. Amang banal, ingatan mo sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin upang maging isa sila gaya natin.

12 Nang kasama nila ako, iningatan ko sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin, at pinangalagaan ko sila at wala sa kanilang napahamak liban sa nagpahamak sa kanyang sarili upang maganap ang kasulatan. 13 At ngayon, papunta ako sa iyo at sinasabi ko ang mga ito habang nasa mundo upang maganap sa kanila ang aking kagalakan.

14 Ibinigay ko sa kanila ang salita mo at napoot sa kanila ang mundo sapagkat hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. 15 Hindi ko ipinapakiusap na alisin mo sila sa mundo kundi pangalagaan mo sila sa masama.

16 Hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. 17 Pabanalin mo sila sa katotohanan. Katotohanan ang salita mo. 18 Kagaya nang ako’y sinugo mo sa mundo, sinugo ko rin sila sa mundo. 19 At alang-alang sa kanila’y pinababanal ko ang aking salita upang pati sila’y pabanalin sa katotohanan.


San Norberto
06 Hunyo 2019
Pagbasa: Gawa 22:30–23:11; Salmo: Awit 16:1-11;
Mabuting Balita: Juan 17:20-26

20 Hindi lamang sila ang ipinapakiusap ko kundi pati ang mga nananalig sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita. 21 Maging iisa sana ang lahat kung paanong nasa akin ka, Ama, at ako’y nasa ‘yo. Mapasaatin din sana sila upang maniwala ang mundo na ikaw ang nagsugo sa akin.

22 Ibinigay ko naman sa kanila ang luwalhating ibinigay mo sa akin upang maging isa sila gaya nang tayo’y iisa: 23 ako sa kanila at ikaw sa akin. Kaya magaganap sila sa kaisahan, at makikilala ng mundo na ikaw ang nagsugo sa akin, at minahal ko sila kung paanong minahal mo ako.

24 Ama, sila ang ibinigay mo sa akin kaya niloloob kong kung nasaan ako’y makasama ko rin sila at mapansin nila ang bigay mo sa aking kaluwalhatian ko sapagkat minahal mo ako bago pa man nagkaroon ng mundo.

25 Makatarungang Ama, hindi ka kilala ng mundo: kilala naman kita at kilala rin ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin. 26 Ipinagbigay-alam ko sa kanila ang Ngalan mo at ipinagbibigay-alam pa upang mapasakanila ang pagmamahal mo sa akin at ako ri’y mapasakanila.”


07 Hunyo 2019
Pagbasa: Gawa 25:13-21; Salmo: Awit 103:1-20;
Mabuting Balita: Juan 21:15-19

15 Pagkapag-almusal nila, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako nang higit sa pagmamahal nila?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga kordero.” 16 Sinabi sa kanyang makalawa: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Ipastol ang aking mga tupa.” 17 Sinabi sa kanyang makaitlo: “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?”

Nalungkot na si Pedro dahil makaitlo siyang sinabihan: “Iniibig mo ba ako?” kaya sinabi niya: “Panginoon, ikaw ang nakaaalam ng lahat; alam mong iniibig kita.” Sinabi nito sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga tupa. 

18 Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, nang bata-bata ka pa, ikaw mismo ang nagbibigkis sa iyong sarili at palakad-lakad ka saan mo man naisin. Ngunit pagtanda mo’y ididipa mo naman ang mga kamay mo, at iba ang magbibigkis sa iyo sa hindi mo nais.” 19 Sinabi ito ni Jesus sa pagbibigay-tanda sa paraan ng kamatayang ipanluluwalhati ni Pedro sa Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya: “Sumunod ka sa akin!”


08 Hunyo 2019
Pagbasa: Gawa 28:16-31; Salmo: Awit 11:4-7;
Mabuting Balita: Juan 21:20-25

20 Paglingon ni Pedro, nakita niyang sumusunod ang alagad na mahal ni Jesus, na siyang humilig sa tabi niya noong hapunan at nagsabing: “Panginoon, sino ba ang magkakanulo sa iyo?” 21 Kaya pagkakita rito ni Pedro, sinabi niya kay Jesus: “Panginoon, ano naman sa kanya?” 22 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Kung loobin kong mamalagi siya hanggang ako’y pumarito, ano sa ’yo? Ikaw, sumunod ka sa akin!” 

23 Dahil dito’y kumalat ang salitang ito sa mga kapatid na hindi mamamatay ang alagad na ito pero hindi naman sinasabi sa kanya ni Jesus na hindi siya mamamatay kundi “Kung loobin kong mamalagi siya hanggang ako’y pumarito.”

24 Ito ang alagad na siyang nagpapatunay tungkol sa mga bagay na ito at ang sumulat sa mga ito. At alam namin na totoo ang kanyang patunay. 25Marami pa ring ibang ginawa si Jesus, na kung isa-isang masusulat ang mga iyon, sa tantiya ko’y hindi magkakasya sa mundo ang isusulat na mga aklat.

02 Hunyo
03 Hunyo
04 Hunyo
05 Hunyo
06 Hunyo
07 Hunyo
08 Hunyo

Mga kasulyap-sulyap ngayon: