Ititiwalag nila kayo sa kanilang komunidad, at may oras na sasapit na aakalain ng sinumang papatay sa inyo na pag-aalay ito ng pagsamba sa Diyos. (Juan 16:2)
|
|
|
|
|
|
|
26 Mayo 2019
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
(I-click ang larawan)
Ang umiibig sa akin ay tutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami’y sasakanya at mananahan sa kanya.” (Juan 14:23)
San Agustin de Canterbury |
Pagbasa: Gawa 16:11-15; Salmo: Awit 149:1-9;
Mabuting Balita: Juan 15:26–16:4
26 Pagdating ng Tagapagtanggol na ipadadala ko sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, iyon ang magpapatunay tungkol sa akin. 27 At magpapatunay din kayo sapagkat kasama ko kayo mula sa simula.
1 Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang hindi kayo matisod at mahulog. 2 Ititiwalag nila kayo sa kanilang komunidad, at may oras na sasapit na aakalain ng sinumang papatay sa inyo na pag-aalay ito ng pagsamba sa Diyos. 3 At gagawin nila ang mga ito dahil hindi nila nakilala ang Ama ni ako. 4 Kaya naman sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang pagdating ng oras ay matandaan ninyong sinabi ko sa inyo ang mga ito.
Hindi ko sinabi sa inyo ang lahat ng ito mula sa simula sapagkat kasama ninyo ako.
Pagbasa: Gawa 16:22-34; Salmo: Awit 138:1-8;
Mabuting Balita: Juan 16:5-11
5 Ngayon nama’y papunta ako sa nagpadala sa akin, at wala sa inyong nag-tatanong sa akin kung saan ako papunta, 6 kundi tigib ng lungkot ang inyong puso dahil sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito.
7 Ngunit sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: makabubuti sa inyong ako’y umalis sapagkat kung hindi ako aalis. hinding-hindi darating sa inyo ang Tagapagtanggol. Kung aalis naman ako, ipadadala ko siya sa inyo. 8 At pagdating niya, hihiyain niya ang mundo tungkol sa kasalanan, sa daan ng pagkamatuwid at sa paghatol.
9 Ito ang kasalanan: hindi sila nananalig sa akin. 10 Ito ang daan ng pagkamatuwid: sa Ama ako papunta, at hindi na ninyo ako mapapansin. 11 At hinatulan na ang pinuno ng mundong ito: ito ang paghatol.
Pagbasa: Gawa 17:15–18:1; Salmo: Awit 148:1-14;
Mabuting Balita: Juan 16:12-15
12 Marami pa sana akong sasabihin sa inyo pero hindi ninyo masasakyan ngayon. 13 Ngunit pagdating niya, ang Espiritu ng katotohanan, ihahatid niya kayo sa buong katotohanan.
Hindi siya mangungusap mula sa ganang sarili kundi ang naririnig niya ang ipangungusap niya at ang mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. 14 Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo, at sa gayon niya ako luluwalhatiin. 15 Akin ang tanang sa Ama. Dahil dito kaya ko sinabing ‘Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo.’
Pagbasa: Gawa 18:1-8; Salmo: Awit 98:1-4;
Mabuting Balita: Juan 16:16-20
16 Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako.”
17 At sinabi ng kanyang mga alagad sa isa’t isa: “Ano itong sinasabi niya sa atin: ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin at sandali pa at makikita ninyo ako.’ At ‘Papunta ako sa Ama’?” 18 At sinabi nila: “Ano ba itong sinasabi niyang ‘sandali’? Hindi natin maintindihan ang sinasabi niya.”
19 Naintindihan ni Jesus na gusto nila siyang tanungin kaya sinabi niya sa kanila: “Nagtatanungan kayo tungkol dito dahil sinabi kong ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako.’
20 Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, iiyak kayo at tataghoy, at magagalak naman ang mundo. Maninimdim kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong paninimdim.
Pagdalaw ni Birheng Maria kay Sta. Elizabeth |
Pagbasa: Sofonias 3:14-18; Salmo: Isaias 12:2-6;
Mabuting Balita: Lucas 1:39-56
39 Nang mga araw ring iyo’y nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. 40 Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. 41 Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth 42 at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! 43 Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? 44 Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45 Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”
46 At sinabi ni Maria:
“Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon
47 at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas
48 dahil isinaalang-alang niya ang abang utusan niya,
at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
49 Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan,
banal ang kanyang Pangalan.
50 Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi
para sa mga may pitagan sa kanya.
51 Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig,
ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak.
52 Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan,
itinampok naman ang mga bale-wala.
53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom
at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman.
54 Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod,
inalaala ang kanyang awa
55ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno,
kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.”
56 Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
San Justino |
Pagbasa: Gawa 18:23-28; Salmo: Awit 47:2-10;
Mabuting Balita: Juan 16:23-28
23 At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakaloob sa inyo anumang hingin ninyo sa Ama sa Ngalan ko. 24 Hanggang ngayo’y wala pa kayong hiningi sa Ngalan ko. Humingi kayo at tatanggap kayo upang maganap ang inyong kagalakan.
25 Sa mga paghahambing ko ipinangungusap sa inyo ang mga ito. Ngunit may oras na sasapit na hindi sa paghahambing ako mangungusap sa inyo kundi lantaran ko nang ihahayag sa inyo ang tungkol sa Ama.
26 Sa araw na ’yon, sa ngalan ko kayo hihingi; hindi ko sinasabi sa inyo na makikiusap ako sa Ama alang-alang sa inyo 27 pagkat iniibig kayo mismo ng Ama dahil iniibig n’yo ako at pinaniniwalaang sa Diyos ako galing. 28 Galing ako sa Ama at dumating sa mundo. Muli kong iniiwan ang mundo at papunta sa Ama.
|
|
|
|
|
|
|