30 Hunyo - 06 Hulyo 2019



Sinabi ni Jesus sa kanya: May lungga ang asong-gubat, may pugad ang mga ibon, ngunit wala man lang mahiligan ng kanyang ulo ang Anak ng Tao.” (Mateo 8:20)

30 Hunyo
01 Hulyo
02 Hulyo
03 Hulyo
04 Hulyo
05 Hulyo
06 Hulyo


30 Hunyo 2019
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon

(I-click ang larawan)

“Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay. Ngunit ikaw, humayo ka at ipahayag mo ang tungkol sa paghahari ng Diyos.”  (Lucas 9:60)


01 Hulyo 2019
Pagbasa: Genesis 18:16-33; Salmo: Awit 103:1-11;
Mabuting Balita: Mateo 8:18-22

18 Nang makita ni Jesus ang maraming taong nakapaligid sa kanya, iniutos niyang tumawid sa kabilang ibayo. 19 May lumapit sa kanya na isang guro ng Batas na nagsabi: “Panginoon, susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.” 20 Sinabi ni Jesus sa kanya: May lungga ang asong-gubat, may pugad ang mga ibon, ngunit wala man lang mahiligan ng kanyang ulo ang Anak ng Tao.”

21 Isa pa sa mga alagad ang nagsabi sa kanya: “Panginoon, pauwiin mo muna ako para mailibing ko ang aking ama.” 22 Ngunit sinagot siya ni Jesus: “Sumunod ka sa akin, at bayaan mong ilibing ng patay ang kanilang mga patay.”


02 Hulyo 2019
Pagbasa: Genesis 19:15-29; Salmo: Awit 26:2-12;
Mabuting Balita: Mateo 8:23-27

23 Sumakay si Jesus sa bangka at sumunod sa kanya ang mga alagad niya. 24 Walang anu-ano’y nagkaroon ng malakas na bagyo sa lawa at parang matatabunan na ng mga alon ang bangka. Ngunit tulog si Jesus. 

25 Ginising siya nila na sumisigaw: “Panginoon, saklolo! Mamamatay tayo!” 26 At sinabi ni Jesus:  “Ba’t kayo natatakot, kayong napakaliit ng paniwala?” Bumangon siya at inutusan ang mga alon at hangin, at tumahimik ang lahat.

27 Nagulat ang mga tao at sinabi nila: “Anong klaseng tao ito? Sumusunod sa kanya pati mga hangin at dagat.”


Sto. Tomas, Apostol
03 Hulyo 2019
Pagbasa: Efeso 2:19-22; Salmo: Awit 117:1-2;
Mabuting Balita: Juan 20:24-29

24 Hindi nila kasama si Tomas na tinaguriang Kambal, na isa sa Labindalawa, nang dumating si Jesus. 25 Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” Sinabi naman niya: “Maliban lamang na makita sa kanyang mga kamay ang tatak ng mga pako at maipasok ang aking daliri sa pinaglagusan ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!” 

26 Makaraan ang walong araw, muling nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna.

At sinabi niya: “Kapayapaan sa inyo!” 27 At sinabi niya kay Tomas: “Ilapit mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. At ilapit ang kamay mo at ipasok sa aking tagiliran at huwag tumangging maniwala kundi maniwala!” 

28 Sumagot si Tomas sa kanya: “Panginoon ko at Diyos ko – ikaw!” 29 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.”


Sta. Isabel de Portugal
04 Hulyo 2019
Pagbasa: Genesis 22:1-19; Salmo: Awit 115:1-9;
Mabuting Balita: Mateo 9:1-8

1 Muling sumakay sa bangka si Jesus, tumawid sa lawa at bumalik sa sariling bayan. 2 Dinala sa kanya roon ang isang paralitikong nakahiga sa papag. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Lakasan mo ang iyong loob, anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”

3 Noo’y inisip ng ilang guro ng Batas: “Iniinsulto ng taong ito ang Diyos.” 4 Alam ni Jesus ang kanilang mga niloloob, at sinabi niya: “Bakit kayo nag-iisip ng masama? 5 Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? 6 Dapat n’yong malaman na may kapangyarihan sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Bumangon ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi.” 7 At bumangon ang tao at umuwi.

8 Nang makita naman ito ng mga tao, napuno sila ng pagkamangha at nagpuri sa Diyos sa pagbibigay ng gayong kapangyarihan sa mga tao.


San Antio Maria Zaccaria
05 Hulyo 2019
Pagbasa: Genesis 23:1-67; Salmo: Awit 106:1-5;
Mabuting Balita: Mateo 9:9-13

9 Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sinundan siya. 10 At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. 11 Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumakaing kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis ang inyong guro?”

12 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! 13 Sige, matutuhan sana ninyo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’  Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.” 


Sta. Maria Goretti
06 Hulyo 2019
Pagbasa: Genesis 27:1-29; Salmo: Awit 135:1-6;
Mabuting Balita: Mateo 9:14-17

14 Noo’y lumapit sa kanya ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?”

15 Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.

16 Walang magtatagpi ng bagong pirasong tela sa lumang balabal sapagkat uurong ang tagpi at lalo pang lalaki ang punit. 17 At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, puputok ang mga sisidlan at matatapon ang alak at masisira rin ang mga sisidlan. Sa bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak; sa gayo’y pareho silang tatagal.”

30 Hunyo
01 Hulyo
02 Hulyo
03 Hulyo
04 Hulyo
05 Hulyo
06 Hulyo

Mga kasulyap-sulyap ngayon: