“Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin.” (Lucas 10:2)
Unang Pagbasa: Isaias 66:10-14
Magalak ang lahat, magalak kayo dahil sa Jerusalem, ang lahat sa inyo na may pagmamahal, wagas ang pagtingin; kayo’y makigalak at makipagsaya, lahat kayong tumangis para sa kanya. Tatamasahin ninyo ang kasaganaan niya tulad ng sanggol sa dibdib ng kanyang ina.
Sabi pa ng Panginoon: “Padadalhan kita ng walang katapusang kapayapaan. Ang kayamanan ng ibang bansa ay dadaloy sa iyong tila agos ng ilog. Ang makakatulad mo’y sanggol na buong pagmamahal na inaaruga ng kanyang ina. Aaliwin kita sa Jerusalem, tulad ng pag-aliw ng ina sa kanyang anak. Ikaw’y magagalak pag nakita mo ang lahat ng ito, ikaw ay lalakas at lulusog, sa gayon, malalaman mong akong Panginoon ang kumakalinga sa mga tumatalima sa akin.”
Salmo: Awit 65
Tugon: Sangkalupaang nilalang,
galak sa Poo’y isigaw!
Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
At purihin ang Diyos na may kagalakan;
wagas na pagpuri sa kanya’y ibigay!
Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:
“Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga.”
Ang lahat sa lupa ika’y sinasamba,
awit ng papuri yaong kinakanta;
ang iyong pangala’y pinupuri nila.
Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan,
ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.
Naging tuyong lupa kahit yaong tubig,
at ang nuno natin ay doon tumawid;
kaya naman tayo’y nagalak nang labis.
Siya’y naghaharing may lakas ang bisig.
Lapit at makinig, ang nagpaparangal
sa Diyos, at sa inyo’y aking isasaysay
ang kanyang ginawang mga kabutihan.
Purihin ang Diyos! Siya’y papurihan,
yamang ang daing ko’y kanyang pinakinggan,
at ang pag-ibig n’ya ay aking kinamtan.
Ikalawang Pagbasa: Galacia 6:14-18
Mga kapatid: Ang krus lamang ng ating Panginoong Hesukristo ang siya kong ipinagmamapuri. Sapagkat sa pamamagitan ng kanyang krus, ang sanlibuta’y patay na para sa akin at ako’y patay na para sa sanlibutan.
Hindi mahalaga kung tuli man o hindi ang isang tao. Ang mahalaga’y ang pagiging bagong nilalang. Sa lahat ng namumuhay ayon sa tuntuning ito, at sa mga nananatiling tapat na bayan ng Diyos, nawa’y sumakanila ang kapayapaan at pagpapala ng Diyos!
Kaya mula ngayon, huwag nang dagdagan ninuman ang aking tiisin. Sapat na ang mga pilat ko, para makilalang ako’y alipin ni Hesus.
Mga kapatid, sumainyo nawang lahat ang pagpapala ng ating Panginoong Hesukristo. Amen!
Mabuting Balita: Lucas 10:1-12.17-20
Noong panahong iyon, ang Panginoon ay humirang pa ng pitumpu’t dalawa. Pinauna niya sila nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na patutunguhan niya. Sinabi niya sa kanila, “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin.
Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang makipagbatian kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit kung hindi, hindi sila magkakamit nito. Manatili kayo sa bahay na inyong tinutuluyan; kanin ninyo at inumin ang anumang idulot sa inyo – sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng kanyang upa. Huwag kayong magpapalipat-lipat ng bahay.
Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kanin ninyo ang anumang ihain sa inyo; pagalingin ninyo ang mga maysakit doon, at sabihin sa bayan, ‘Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo.’ Ngunit sa alinmang bayang hindi tumanggap sa inyo, lumabas kayo sa mga lansangan nito at sabihin ninyo, ‘Pati ang alikabok dito na dumikit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin bilang babala sa inyo. Ngunit pakatandaan ninyong malapit na sa inyo ang paghahari ng Diyos!’ Sinasabi ko sa inyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang kaparusahan ng mga tao sa bayang yaon kaysa sa dinanas ng mga taga-Sodoma!”
Bumalik na tuwang-tuwa ang pitumpu’t dalawa. “Panginoon,” sabi nila, “kahit po ang mga demonyo ay sumusunod kapag inutusan namin, sa ngalan ninyo.” Sumagot si Hesus, “Nakita ko ang pagkahulog ni Satanas mula sa langit – parang kidlat. Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tumapak sa mga ahas at mga alakdan, at yumurak sa kapangyarihan ng kaaway. Walang makapipinsala sa inyo. Gayunman, magalak kayo, hindi dahil sa suko sa inyo ang masasamang espiritu, kundi dahil sa nakatala sa langit ang pangalan ninyo.”