“Sino ngayon sa palagay mo ang nagpakita ng kanyang pakikipagkapwa sa taong hinarang ng mga tulisan?” (Lucas 10:36)
Unang Pagbasa: Deuteronomio 30:10-14
Sinabi ni Moises sa bayan: “Kailangan ninyong dinggin ang tinig ng inyong Panginoong Diyos at buong puso’t kaluluwang sundin ang kanyang mga utos.
Ang Kautusang ibinibigay ko ngayon sa inyo ay madaling sundin at unawain. Ito’y wala sa langit, kaya hindi ninyo masasabing walang aakyat doon at kukuha sa Kautusan upang marinig ninyo at maisakatuparan. Ni wala ito sa ibayong dagat kaya di ninyo masasabing walang tatawid sa dagat para kunin ang Kautusan at nang marinig ninyo at maisagawa. Ang Kautusan ay di malayo sa inyo: nasa inyong bibig, nasa inyong puso, kaya magagawa ninyo.”
Salmo: Awit 68
Tugon: Dumulog tayo sa Diyos
upang mabuhay nang lubos!
At sa ganang akin, ako’y dadalangin sa iyo, O Poon, sana’y iyong dinggin sa mga panahon na iyong ibigin; dahil sa dakilang pag-ibig sa akin, ang iyong pangakong pagtubos ay sundin. Poon, sa buti mo’t pag-ibig sa akin, sa aking pagtawag ako sana’y dinggin; sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.
Naghihirap ako’t mahapdi ang sugat, O Diyos, itayo mo, ako ay iligtas. Pupurihin ang Diyos, aking aawitan, dadakilain ko’t pasasalamatan.
Kung makita ito niyong mga dukha, sila ay sasamba sa laki ng tuwa. Dinirinig ng Diyos ang may kailangan. Lingkod na bilanggo’y di nalilimutan.
Ang Lunsod ng Sion, kanyang ililigtas, bayang nasa Juda’y muling itatatag; magmamana nito’y yaong lahi nila, may pag-ibig sa Diyos ang doo’y titira.
Ikalawang Pagbasa: Colosas 1:15-20
Si Kristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita, at siyang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha. Sapagkat ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga naghahari at namamahala, mga namumuno at may kapangyarihang espirituwal ay pawang nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. Siya’y una sa lahat, at sa kanya nasasalalay ang kaayusan ng lahat ng bagay.
Siya ang ulo ng Simbahan na kanyang katawan. Siya ang Una, ang panganay na Anak – ang unang nabuhay na muli upang siya ang maging pinakadakila sa lahat ng bagay.
Ipinasiya ng Diyos na ang kanyang kalikasan ay manatili rin sa Anak, at inibig niyang ang sandaigdigan ay makipagkasundo sa kanya sa pamamagitan ng Anak. Sa pamamagitan ng pagkamatay nito sa krus, nagkasundo nga ang Diyos at ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa.
Mabuting Balita: Lucas 10:25-37
Noong panahong iyon, may isang eskribang lumapit kay Hesus upang siya’y subukin. “Guro,” aniya, “ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?” Tumugon siya, “ ‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip’; at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ ” “Tama ang sagot mo,” wika ni Hesus. “Gawin mo iyan at mabubuhay ka.” Sa hangad ng eskriba na huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, tinanong niya uli si Hesus, “Sino naman ang aking kapwa?”
Sumagot si Hesus: “May isang taong naglalakbay buhat sa Jerusalem, patungong Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati damit sa katawan, binugbog at halos patay na nang iwan. Nagkataong dumaan doon ang isang saserdote at pagkakita sa taong nakahandusay, siya’y lumihis at nagpatuloy ng kanyang lakad. Dumaan din ang isang Levita, ngunit tiningnan lamang niya ito at nagpatuloy ng kanyang lakad. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na naparaan doon. Nakita niya ang hinarang at siya’y nahabag. Lumapit siya, binusan ng langis at alak ang mga sugat nito at tinalian. Saka isinakay ang tao sa kanyang sinasakyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan, at inalagaan doon. Kinabukasan, dumukot siya ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung magkano man ang kakulangan niyan, babayaran ko sa aking pagbabalik.’
Sino ngayon sa palagay mo ang nagpakita ng kanyang pakikipagkapwa sa taong hinarang ng mga tulisan?” tanong ni Hesus. “Ang nagpakita ng habag sa kanya,” tugon ng eskriba. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Humayo ka’t gayon din ang gawin mo.”