Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon - 21 Hulyo 2019



“Marta, Marta, naliligalig ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit isa lamang ang talagang kailangan. Pinili ni Maria ang lalong mabuti, at ito’y hindi aalisin sa kanya.” (Lucas 10: 41-42)

Unang Pagbasa: Genesis 18:1-10

Noong mga araw na iyon, napakita ang Panginoon kay Abraham sa Mamre sa may sagradong mga punongkahoy. Noo’y kainitan ng araw at nakaupo siya sa pintuan ng kanyang tolda. Walang anu-ano’y may nakita siyang tatlong lalaking nakatayo. Patakbo siyang sumalubong, yumukod nang halos sayad sa lupa ang mukha, at sinabi: “Mga ginoo, kung inyong mamarapatin, magtuloy po kayo sa amin. Dito muna kayo sa lilim ng punong ito, at ikukuha ko kayo ng tubig na panghugas sa inyong mga paa. Magpapahanda tuloy ako ng pagkain para manauli ang lakas ninyo bago kayo magpatuloy sa inyong paglalakbay. Ikinagagalak ko kayong paglingkuran habang naririto kayo sa amin.” Sila’y tumugon, “Salamat, ikaw ang masusunod.” 

Si Abraham ay nagdudumaling pumasok sa tolda at sinabi kay Sara, “Madali ka, kumuha ka ng tatlumpung librang harina, at gumawa ka ng tinapay.” Pumili naman siya ng isang matabang guya sa kulungan, at ipinaluto sa isang alipin. Kumuha rin siya ng keso at sariwang gatas at inihain sa mga panauhin kasama ang nilutong karne. Hindi siya lumalayo sa tabi ng mga panauhin habang sila’y kumakain. 

Samantalang sila’y kumakain, tinanong nila si Abraham: “Nasaan ang asawa mong si Sara?” “Nandoon po sa tolda,” tugon naman nito. Sinabi ng panauhin, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at pagbabalik ko’y may anak na siya.”

Salmo: Awit 14 

Tugon: Sino kayang tatanggapin 
           sa templo ng Poon natin?

Yaong mga masunurin na sa iyo’y nakikinig, 
at ang laging ginagawa’y naaayon sa matuwid, 
kung mangusap ay totoo, sa lahat at bawat saglit, 
yaong gawang paninira’y hindi niya naiisip. 

Kailanman, siya’y tapat makisama sa kapwa, 
sa kanyang kaibiga’y wala siyang maling gawa; 
hindi siya nagkakalat ng di tunay na balita. 
At itinatampok niya ang matapat sa lumikha. 

Hindi siya humihingi ng patubo sa pautang, 
at kahit na anong gawi’y hindi siya masuhulan, 
upang yaong walang sala’y patawan ng kasalanan. 
Ang ganitong mga tao’y mag-aani ng tagumpay. 

Ikalawang Pagbasa: Colosas 1:24-28

Mga kapatid: Nagagalak ako sa aking pagbabata ngayon alang-alang sa inyo sapagkat sa pamamagitan nito’y naipagpapatuloy ko ang paghihirap na kailangan pang gawin ni Kristo para sa Simbahan na kanyang katawan. 

Ako’y naging lingkod nito nang hirangin ako ng Diyos upang ipahayag sa inyo ang kanyang salita. Hinirang niya ako upang lubusang ihayag sa inyo ang hiwaga na mahabang panahong nalihim sa maraming sali’t saling lahi, ngunit ngayo’y inihayag sa kanyang mga anak. Inibig ng Diyos na ihayag sa lahat ng tao ang dakila at kamangha-manghang hiwagang ito. Ito ang hiwaga: sumainyo si Kristo at dahil dito’y nagkaroon kayo ng pag-asang makapiling ng Diyos doon sa kaluwalhatian. Iyan ang dahilan kung bakit namin ipinangangaral si Kristo. Pinaaalalahanan namin ang lahat, at buong linaw na tinuturuan ayon sa aming makakaya upang maiharap namin sa Diyos ang bawat isa, sakdal at walang kapintasan dahil sa pakikipag-isa kay Kristo. 

Mabuting Balita: Lucas 10:38-42 

Noong panahong iyon, pumasok si Hesus sa isang nayon. Malugod siyang tinanggap ng isang babaing nagngangalang Marta sa tahanan nito. Ang babaing ito’y may isang kapatid na Maria ang pangalan. Naupo ito sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kanyang itinuturo. 

Alalang-alala si Marta sapagkat kulang ang kanyang katawan sa paghahanda, kaya’t lumapit siya kay Hesus at ang wika, “Panginoon, sabihin nga po ninyo sa kapatid kong tulungan naman ako.” Ngunit sinagot siya ng Panginoon, “Marta, Marta, naliligalig ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit isa lamang ang talagang kailangan. Pinili ni Maria ang lalong mabuti, at ito’y hindi aalisin sa kanya.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: