Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon - 11 Agosto 2019



“Maging handa kayo at sindihan ang inyong mga ilawan.” (Lucas 12:35)

Unang Pagbasa: Karunungan 18:6-9

Ang mangyayari sa gabing yaon ay ipinagpauna mong sabihin sa aming mga ninuno, upang magalak sila sa kaganapan ng iyong mga pangako sa kanila. Alam ng iyong bayan na ililigtas mo ang mga matuwid at parurusahan ang kanilang mga kaaway. Ang paraang ginamit mo sa pagpaparusa sa aming mga kaaway ay siya mo ring ginamit na pantawag sa amin, upang kami’y bahaginan mo ng iyong kaluwalhatian. Ang mga tapat na anak ng mabuting bayang ito’y lihim na naghahandog. Nagkaisa silang sumunod sa mga utos ng Diyos at magsama sa hirap at ginhawa. Noon pa’y inaawit na nila ang matatandang awit na ito ng papuri.

Salmo: Awit 32

Tugon: Mapalad ang ibinukod
          na bansang hinirang ng D’yos!

Lahat ng matuwid dapat na magsaya
dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
kayong masunuri’y magpuri sa kanya!
Mapalad ang bansang ang Poon ang Diyos,
mapalad ang bayang kanyang ibinukod. 

Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala 
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay, 
kahit magtaggutom sila’y binubuhay. 

Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon; 
siya ang sanggalang natin at katulong.
Ipagkaloob mo na aming makamit, 
O Poon, ang iyong wagas na pag-ibig, 
yamang ang pag-asa’y sa’yo nasasalig! 

Ikalawang Pagbasa: Hebreo 11:1-2. 8-12

Mga Kapatid:

Tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na di natin nakikita. At kinalugdan ng Diyos ang mga tao noong una dahil sa kanilang pananalig sa kanya. 

Dahil sa pananalig sa Diyos, tumalima si Abraham nang siya’y papuntahin ng Diyos sa lupang ipinangako sa kanya. At humayo siya, bagamat hindi niya alam kung saan paroroon. Dahil din sa kanyang pananalig, siya’y nanirahan bilang dayuhan sa lupang ipinangako sa kanya ng Diyos. Tumira siya sa mga tolda, kasama nina Isaac at Jacob na kapwa tumanggap ng gayon ding pangako mula sa Diyos, habang hinihintay niyang maitatag ang lunsod, na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos. 

Dahil din sa pananalig sa Diyos, si Sara, bagamat matanda na, ay niloob ng Diyos na magkaanak, sapagkat nanalig siya na tapat ang nangako. Kaya’t sa taong maituturing na halos patay na ay nagmula ang isang lahi na naging kasindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan.

Mabuting Balita: Lucas 12:35-40

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Maging handa kayo at sindihan ang inyong mga ilawan. Tumulad kayo sa mga taong naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon mula sa kasalan, para pagdating niya ay mabuksan agad ang pinto. Mapalad ang mga alipin na abutang nagbabantay ng kanilang panginoon. Sinasabi ko sa inyo, maghahanda siya, padudulugin sila sa hapag, at maglilingkod sa kanila. Mapapalad sila kung maratnan niya silang handa, dumating man siya ng hatinggabi o madaling-araw siya dumating. 

Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kayo ma’y dapat humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: