“...Kaya pumunta ka sa dagat, maghagis ng bingwit at buksan ang bibig ng unang isdang iyong mahuhuli.” (Mateo 17:27)
|
|
|
|
|
|
|
11 Agosto 2019
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon
(I-click ang larawan)
“Maging handa kayo at sindihan ang inyong mga ilawan.” (Lucas 12:35)
Sta. Juana Francisca de Chantal |
Pagbasa: Deuteronomio 10:12-22; Salmo: Awit 147:12-20;
Mabuting Balita: Mateo 17:22-27
22 Minsan nang maglakbay si Jesus sa Galilea kasama ang Labindalawa, sinabi niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. 23 Papatayin nila siya ngunit babangon siya sa ikatlong araw.” Kaya lubha silang nalungkot.
24 Nang makapasok na sila ng Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga tagakolekta sa Templo at tinanong nila siya: “Nagbabayad ba ng buwis ang guro ninyo?” 25 Sumagot siya: “Siyempre.”
At pumasok si Pedro sa bahay ngunit agad siyang tinanong ni Jesus: “Ano sa palagay mo, Simon? Sino ang nagbabayad ng buwis o parangal sa mga hari ng mundo: ang mga anak ba o ang iba?” 26 Sumagot si Pedro: “Ang iba.” At sinabi ni Jesus: “Kung gayon, di-saklaw ang mga anak. 27 Ngunit hindi rin natin dapat saktan ang mga taong ito kaya pumunta ka sa dagat, maghagis ng bingwit at buksan ang bibig ng unang isdang iyong mahuhuli. May pera kang matatagpuan doon, kunin mo iyon at magbayad ka para sa iyo at sa akin din.”
San Ponciano at San Hipolito |
Pagbasa: Deuteronomio 31:1-8; Salmo: Deuteronomio 32:3-12;
Mabuting Balita: Mateo 18:1-14
1 Nang panahong iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa kaharian ng Langit?”
2 Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, 3 at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Langit. 4 Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa kaharian ng Langit. 5 At ang sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin.
6 Ngunit kung may tumisod at magpadapa sa isa sa maliliit na ito na naniniwala sa akin, mas makabubuti pa para sa kanya na itapon siya sa ilalim ng dagat na may taling malaking bato sa kanyang leeg.
7 Sawimpalad ang daigdig dahil may kinatitisuran ang tao. Kailangang sumapit ang mga pagkatisod ngunit kaawa-awa ang tumitisod at nagpapadapa sa kanya.
8 Kung ang iyong kamay o paa ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pingkaw o pilay sa buhay kaysa matapon sa walang hanggang apoy na may dalawang paa at dalawang kamay. 9 At kung ang mata mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, dukutin mo ito at itapon. Mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na may isang mata kaysa matapon sa apoy ng Gehenna na may dalawang mata.
10 Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.
11 (Pumarito ang anak ng Tao para iligtas ang nawawala.)
12 Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? 13 At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit na mawala isa man sa maliliit na ito.
San Maximiliano Kolbe |
Pagbasa: Deuteronomio 34:1-12; Salmo: Awit 66:1-17;
Mabuting Balita: Mateo 18:15-20
15 Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. 16 Kung hindi naman siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo para lutasin ang kaso sa pagsaksi ng dalawa o tatlo. 17 Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi pa rin siya makikinig sa Iglesya, ituring siyang pagano o publikano.
18 Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian ninyo sa lupa ay matatali rin sa Langit, at ang kalagan ninyo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.
19 Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo na nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit. 20 Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Ngalan ko, kapiling nila ako.”
Pag-aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria |
Unang Pagbasa: Pahayag 11:19–12:10; Salmo: Awit 45:10-16; Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 15:20-26;
Mabuting Balita: Lucas 1:39-56
39 Nang mga araw ring iyo’y nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. 40 Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. 41 Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth 42 at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! 43 Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? 44 Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45 Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”
46 At sinabi ni Maria:
“Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon
47 at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas
48 dahil isinaalang-alang niya ang abang utusan niya,
at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
49 Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan,
banal ang kanyang Pangalan.
50 Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi
para sa mga may pitagan sa kanya.
51 Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig,
ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak.
52 Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan,
itinampok naman ang mga bale-wala.
53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom
at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman.
54 Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod,
inalaala ang kanyang awa
55ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno,
kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.”
56 Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
San Roque |
Pagbasa: Josue 24:1-13; Salmo: Awit 136:1-24;
Mabuting Balita: Mateo 19:3-12
3 At lumapit sa kanya ang ilang Pariseo na hangad siyang subukan, at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?”
4 Sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa na sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, 5 at sinabi rin nitong iiwanan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, at magiging iisang katawan ang dalawa? 6 Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang; kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.”
7 At sinabi nila: “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ang babae ng kasulatan ng diborsiyo bago siya paalisin?” 8 Sinabi naman niya sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya pinayagan kayong diborsiyuhin ang inyong mga asawa, ngunit hindi ganito sa simula. 9 At sinasabi ko naman sa inyo: kung may magpaalis sa kanyang asawa, maliban kung dahil sa pagtataksil, at saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya.”
10 Sinabi naman ng mga alagad: “Kung iyan ang itinatadhana para sa lalaking may-asawa, walang pakinabang sa pag-aasawa.” 11 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi matatanggap ng lahat ang salitang ito, kundi ng mga pinagkalooban lamang nito. 12 May ilang ipinanganak na hindi makapag-aasawa. May iba namang ipinakapon ng tao. At may iba ring tumalikod sa pag-aasawa alang-alang sa kaharian ng Langit. Tanggapin ito ng puwedeng tumanggap.”
Pagbasa: Josue 24:14-29; Salmo: Awit 16:1-11;
Mabuting Balita: Mateo 19:13-15
13 May nagdala kay Jesus ng mga bata para ipatong niya ang kanyang kamay sa kanila at madasalan. Pinagalitan naman ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. 14 Kaya sinabi ni Jesus: “Pabayaan ninyo sila. Huwag ninyong pigilang lumapit sa akin ang mga bata. Sa mga tulad nga nila ang kaharian ng Langit.” 15 At pagkapatong ni Jesus ng kanyang kamay sa kanila, umalis na siya.
|
|
|
|
|
|
|