“Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.” (Lucas 4:21)
“Kaya kung ikaw ay maghahanda ng isang malaking salu-salo, ang mga pulubi, mga pingkaw, mga pilay, at mga bulag ang anyayahan mo.” (Lucas 14:13)
|
|
|
|
|
|
|
01 Setyembre 2019
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
(I-click ang larawan)
“Kaya kung ikaw ay maghahanda ng isang malaking salu-salo, ang mga pulubi, mga pingkaw, mga pilay, at mga bulag ang anyayahan mo.” (Lucas 14:13)
Pagbasa: 1 Tesalonica 4:13-18; Salmo: Awit 96:1-13;
Mabuting Balita: Lucas 4:16-30
16 Pagdating niya sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan, 17 at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias.
Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: 18 “Sumasaakin ang Espiritu ng Pangi-noon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, 19 at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.”
20 Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. 21 Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.”
22 At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig. At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?” 23 Nagsalita si Jesus sa kanila: “Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kasabihang: ‘Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili! Gawin mo rin dito sa iyong bayan ang mga bagay na narinig naming ginawa mo sa Capernaum’.”
24 At idinagdag niya: “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. 25 Tinitiyak ko sa inyo na maraming babaeng balo noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang langit sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. 26 Gayon pa ma’y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa babaeng balo ng Sarepta sa may Sidon. 27 Marami ring mayketong sa Israel sa kapanahunan ni Propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si Naaman.”
28 Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, 29 tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan para ihulog. 30 Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.
San Gregorio Magno |
Pagbasa: 1 Tesalonica 5:1-11; Salmo: Awit 27:1-14;
Mabuting Balita: Lucas 4:31-37
31 Bumaba siya sa Capernaum na isang bayan ng Galilea, kung saan niya nakaugaliang magturo tuwing Araw ng Pahinga. 32 At nagulat ang mga tao sa kanyang aral dahil nagtuturo siya nang may kapangyarihan.
33 May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng maruming demonyo, na sumigaw nang malakas: 34 “Ah, ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos!” 35 Ipinag-utos naman sa kanya ni Jesus: “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” Pagkatapos ibulagta ng demonyo ang tao sa gitna nila, lumabas ito mula sa kanya nang hindi sinasaktan. 36 Nagtaka ang lahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Nakapag-uutos siya sa maruruming espiritu nang may kapangyarihan at lakas, at lumalabas sila!” 37 Kayat kumalat ang usap-usapan tungkol sa kanya sa lahat ng lugar sa kabayanan.
Pagbasa: Colosas 1:1-8; Salmo: Awit 52:10-11;
Mabuting Balita: Lucas 4:38-44
38 Pag-alis niya sa sinagoga, nagpunta si Jesus sa bahay ni Simon. Inaapoy ng lagnat ang biyenang babae ni Simon. Kayat pinakiusapan nila si Jesus tungkol sa kanya. 39 Pagkayuko ni Jesus sa kanya, inutusan ni Jesus ang lagnat at nilisan siya nito. Kaagad siyang tumindig para maglingkod sa kanila.
40 Paglubog ng araw, dinala naman kay Jesus ng lahat ng tao ang kasama nilang mga may sakit ng iba’t ibang karamdaman. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. 41 Lumabas ang mga demonyo mula sa maraming tao at pasigaw na sinabi ng mga ito: “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit pinatatahimik niya sila at di pinahihintulutang magsalita dahil alam ng mga ito na siya ang Mesiyas.
42 Nang mag-uumaga na, lumabas si Jesus at pumunta sa isang ilang na lugar. Ngunit pinaghahanap siya ng maraming tao, at nang matagpuan siya’y sinikap nilang hadlangan na makaalis pa siya sa kanila. 43 Pero sinabi niya sa kanila: “Dapat ko ring ipahayag ang mabuting balita ng paghahari ng Diyos sa iba pang mga bayan; ito ang dahilan kung bakit ako isinugo.” 44 At nagpatuloy siyang mangaral sa mga sinagoga ng Judea.
Pagbasa: Colosas 1:9-14; Salmo: Awit 98:2-6;
Mabuting Balita: Lucas 5:1-11
1 Minsan, dinagsa si Jesus ng napakaraming taong nakikinig sa salita ng Diyos at nakatayo naman siya sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. 2 Nakita niya noon ang dalawang bangka sa baybay. Kabababa pa lamang ng mga mangingisda mula sa mga ito para hugasan ang mga lambat. 3 Kaya sumakay siya sa isa rito na pag-aari ni Simon at hiniling dito na lumayo nang kaunti mula sa dalampasigan. Umupo siya at mula sa bangka’y sinimulang turuan ang maraming tao.
4 Matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon: “Pumalaot ka at ihulog ninyo ang inyong mga lambat para humuli.” 5 Ngunit sumagot si Simon: “Guro, buong magdamag kaming nagpagod at wala kaming nakuha pero dahil sinabi mo, ihuhulog ko ang mga lambat.” 6 At nang gawin nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda kaya halos magkandasira ang kanilang mga lambat. 7 Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka para lumapit at tulungan sila. Dumating nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang halos lumubog ang mga iyon.
8 Nang makita ito ni Simon Pedro, nagpatirapa siya sa harap ni Jesus at sinabi: “Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat taong makasalanan lamang ako.” 9 Talaga ngang nasindak siya at ang lahat niyang kasama dahil sa huli ng mga isda na nakuha nila. 10 Gayundin naman ang mga anak ni Zebedeo na sina Jaime at Juan na mga kasama ni Simon.
Ngunit sinabi ni Jesus kay Simon: “Huwag kang matakot; mula ngayo’y mga tao ang huhulihin mo.” 11 Kayat nang madala na nila ang mga bangka sa lupa, iniwan nila ang lahat at sumunod sa kanya.
Pagbasa: Colosas 1:15-20; Salmo: Awit 100:1-5;
Mabuting Balita: Lucas 5:33-39
33 Sinabi nila kay Jesus: “Madalas mag-ayuno at may mga panalangin ang mga alagad ni Juan, at gayon din naman ang mga alagad ng mga Pariseo; kumakain naman at umiinom ang mga iyo.” 34 Kaya sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ninyo mapag-aayuno ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo, di ba? 35 Ngunit darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.”
36 Sinabi pa ni Jesus sa kanila ang isang talinhaga: “Walang pumuputol ng panagpi mula sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kung hindi’y napupunit na ang bago at hindi pa magiging bagay sa lumang damit ang tagping mula sa bago. 37 At wala ring naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung hindi’y sisirain ng bagong alak ang mga lumang sisidlan kaya matatapon ang alak at masisira pati mga sisidlan. 38 Sa halip ay sa mga bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak. 39 Hindi naman humihingi ng bagong alak ang umiinom ng luma, sinasabi nga niya: ‘Ang luma ang siyang mabuti’.”
Pagbasa: Colosas 1:21-23; Salmo: Awit 54:3-8;
Mabuting Balita: Lucas 6:1-5
1 Isang Araw ng Pahinga, naglalakad si Jesus sa bukirin ng trigo. Nangyari na hinimay ng kanyang mga alagad ang mga butil sa pagkiskis sa kanilang mga kamay, at kinain ang mga ito. 2 Sinabi ng ilang Pariseo: “Bakit ninyo ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga?” 3 Ngunit nagsalita si Jesus at sinabi niya sa kanila: “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? 4 Pumasok siya sa Bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na inihain para sa Diyos, kinain ito at binigyan pa ang kanyang mga kasamahan, gayong bawal itong kainin ninuman liban sa mga pari.” 5 At sinabi pa niya sa kanila: “Panginoon ng Araw ng Pahinga ang Anak ng Tao.”
|
|
|
|
|
|
|