Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon - 25 Agosto 2019



“Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpipilit na pumasok ngunit hindi makapapasok.” (Lucas 13:24)

Unang Pagbasa: Isaias 66:18-21

Ito ang sinasabi ng Panginoon: 

“Nalalaman ko ang iniisip nila at mga ginagawa. Darating ako upang tipunin ang lahat ng bansa, at mga taong iba’t iba ang wika. Malalaman nila kung gaano ako kadakila. Malalaman din nilang ako ang nagpaparusa sa kanila. Ngunit magtitira ako ng ilan upang ipadala sa iba’t ibang bansa. Susuguin ko sila sa Tarsis, sa Pul at sa Lydia, mga dakong sanay sa paggamit ng pana. Magsusugo rin ako sa Tubal at Iavan, at sa mga baybaying hindi pa ako nababalita sa aking kabantugan. Ipahahayag nila sa lahat ng bansa kung gaano ako kadakila. Bilang handog sa akin sa banal na bundok sa Jerusalem, ibabalik nila ang mga kababayan ninyo buhat sa pinagtapunan sa kanila. Sila’y darating na sakay ng mga kabayo, asno, kamelyo, karwahe at kariton, tulad ng pagdadala ng mga handog na butil sa Templo, nakalagay sa malilinis na sisidlan. Ang ilan sa kanila ay gagawin kong saserdote at ang ilan ay Levita.”

Salmo: Awit 116

Tugon: Humayo’t dalhin sa tanan 
           Mabuting Balitang aral.

Purihin ang Poon! 
Dapat na purihin ng lahat ng bansa, 
siya ay purihin 
ng lahat ng tao sa balat ng lupa. 

Pagkat ang pag-ibig 
na ukol sa ati’y dakila at wagas, 
at ang katapatan niya’y walang wakas. 

Ikalawang Pagbasa: Hebreo 12:5-7. 11-13

Mga Kapatid:

Nalimutan na ba ninyo ang pangaral ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya—mga salitang nagpapalakas ng loob ninyo? 

“Anak, huwag kang magwalangbahala kapag itinutuwid ka ng Panginoon, at huwag panghinaan ng loob kapag ikaw ay pinarurusahan niya. Sapagkat pinarurusahan ng Panginoon ang mga iniibig niya, at pinapalo ang itinuturing niyang anak.” 

Tiisin ninyo ang lahat bilang pagtutuwid ng isang ama, sapagkat ito’y nagpapakilalang kayo’y inaari ng Diyos na kanyang mga anak. Sinong anak ang hindi itinuwid ng kanyang ama? Habang tayo’y itinutuwid hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis. Ngunit pagkaraan niyon, lalasap tayo ng kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay. 

Kaya’t palakasin ninyo ang inyong lupaypay na katawan at tipunin ang nalalabi pang lakas! Lumakad kayo sa daang matuwid upang hindi tuluyang mapilay, kundi gumaling ang paang nalinsad.

Mabuting Balita: Lucas 13:22-30

Noong panahong iyon, nagpatuloy si Hesus sa kanyang paglalakbay. Siya’y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan patungong Jerusalem. May isang nagtanong sa kanya, “Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?” Sinabi niya, “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpipilit na pumasok ngunit hindi makapapasok. 

“Kapag ang pinto’y isinara na ng puno ng sambahayan, magtitiis kayong nakatayo sa labas, at katok nang katok. Sasabihin ninyo, ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami.’ Sasagutin niya kayo, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo!’ At sasabihin ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa mga lansangan namin.’ Sasabihin naman ng Panginoon, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na nagsisigawa ng masama!’ 

Tatangis kayo at magngangalit ang inyong ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, at kayo nama’y ipinagtabuyan sa labas! At darating ang mga tao buhat sa silangan at kanluran, sa hilaga at timog, at dudulog sa hapag sa kaharian ng Diyos. Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: