“Ang sinumang manumpa sa ngalan ng Langit ay sa trono ng Diyos at sa nakaupo rito nanunumpa.” (Mateo 23:22)
|
|
|
|
|
|
|
25 Agosto 2019
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon
(I-click ang larawan)
“Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpipilit na pumasok ngunit hindi makapapasok.” (Lucas 13:24)
Pagbasa: 1 Tesalonica 1:2-10; Salmo: Awit 149:1-9;
Mabuting Balita: Mateo 23:13-22
13 Kaya kawawa kayo, mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Isinara ninyo ang kaharian ng Langit sa harap ng mga tao. Hindi kayo pumasok at hindi rin ninyo pinapasok ang mga makapapasok.
14 Kawawa kayo, mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. 15 Nililibot ninyo ang dagat at lupa para maghanap ng isang bagong tagapaniwala at pagkapaniwala niya, ginagawa ninyo siyang anak ng impiyerno, na mas masahol pa sa inyo.
16 Kawawa kayong mga bulag na tagaakay! Sinasabi ninyong ‘Walang bisa kung sa Templo nanunumpa, pero may bisa kung sa ginto ng Templo.’ 17 Mga bulag at baliw! Alin ba ang mas mahalaga? Ang ginto sa Templo o ang Templong nagpabanal sa gintong ito? 18 Ang sabi ninyo’y walang bisa kung sa altar manunumpa pero may bisa kung sa handog na nasa altar. 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga: ang handog o ang altar na nagpapabanal sa handog? 20 Ang manumpa sa ngalan ng altar ay dito at sa lahat ng narito nanunumpa. 21 Ang sinumang sumumpa sa Templo ay sumusumpa dito at sa Diyos na naninirahan sa Templo. 22 Ang sinumang manumpa sa ngalan ng Langit ay sa trono ng Diyos at sa nakaupo rito nanunumpa.
Sta. Monica |
Pagbasa: 1 Tesalonica 2:1-8; Salmo: Awit 139:1-6;
Mabuting Balita: Mateo 23:23-26
23 Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Hindi ninyo nalilimutan ang mint, anis at kumino sa pagbabayad ninyo ng ikapu, ngunit hindi ninyo tinutupad ang pinakamahalaga sa Batas: ang katarungan, awa at pananampalataya. Ito ang nararapat isagawa na hindi kinakaligtaan ang iba. 24 Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang lamok, pero nilulunok ang kamelyo.
25 Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng plato at kopa ngunit pinupuno naman ninyo ang loob ng pagnanakaw at karahasan. 26 Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang loob, at lilinis din ang labas.
San Agustin |
Pagbasa: 1 Tesalonica 2:9-13; Salmo: Awit 139:7-12;
Mabuting Balita: Mateo 23:27-32
27 Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Para kayong mga pinaputing libingan na maganda sa labas pero puno ng buto ng mga patay at ng iba pang karumihan ang loob. 28 Gayundin naman, mukha kayong mga taong banal ngunit puno naman ng pagkukunwari at kasamaan ang kalooban.
29 Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nagtatayo kayo ng mga monumento para sa mga propeta at pinapalamutian ang mga bantayog ng mga banal na tao. 30 Sinasabi ninyo: ‘Kung tayo ang nabuhay sa panahon ng ating mga ninuno, hindi sana tayo sumang-ayon na patayin ang mga propeta.’ 31 Kaya kayo ang umaamin na mga anak kayo ng mga pumatay sa mga propeta. 32 At ngayon, tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno!
Pasyon ni San Juan Bautista |
Pagbasa: 1 Tesalonica 3:7-13; Salmo: Awit 90:3-17;
Mabuting Balita: Marcos 6:17-29
17 Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Pinakasalan ni Herodes si Herodias 18 at sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo puwedeng kasamahin ang asawa ng iyong kapatid.” 19 Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa. 20 Iginagalang nga ni Herodes si Juan dahil itinuturing niya itong mabuti at banal na tao, kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito siya matapos makinig kay Juan, gayunma’y gusto pa rin niyang marinig ito.
21 At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahalagang tao ng Galilea. 22 Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo.” 23 At sinumpaan pa niya ang pangakong ito: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian.” 24 Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: “Ano ang hihingin ko?” At sumagot naman ito: “Ang ulo ni Juan Bautista.” 25 Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: “Gusto kong ibigay mo agad sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.”
26 Nabalisa ang hari ngunit ayaw niyang tumanggi dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita. 27 Kaya iniutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin ang ulo ni Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, 28 inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalaga, at ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. 29 Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, dumating sila para kunin ang kanyang katawan at inilibing.
Pagbasa: 1 Tesalonica 4:1-8; Salmo: Awit 97:1-12;
Mabuting Balita: Mateo 25:1-13
1 Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. 2 Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa.
3 Dinala ng mga hangal na abay ang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. 4 Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. 5 Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog.
6 Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: ‘Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!’ 7 Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang mga lampara. 8 Sinabi ng mga hangal sa matatalino: ‘Bigyan naman ninyo kami ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming mga lampara.’ 9 Sumagot ang matatalino: ‘Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.’
10 Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. 11 Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan kami!’ 12 Ngunit sumagot siya: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.’
13 Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.’
Pagbasa: 1 Tesalonica 4:9-12; Salmo: Awit 98:1-9;
Mabuting Balita: Mateo 25:14-30
14 Ipagpalagay natin na may isang tao, na bago mangibang-bayan ay tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. 15 Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka siya umalis.
16 Agad na ipinagnegosyo ito ng nakatanggap ng limang talento at kumita ng lima pa. 17 Nagnegosyo rin ang nakatanggap ng dalawa at kumita ng dalawa pa. 18 Humukay naman sa lupa ang may isang talento at itinago ang pilak ng kanyang amo.
19 Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong na ito at hiningan sila ng pagsusulit. 20 Kaya lumapit ang nakatanggap ng limang talento dala ang tinubong lima pang bareta, at sinabi: ‘Panginoon, ipinagkatiwala mo ang limang bareta sa akin, at tingnan mo, tumubo pa ako ng limang talento.’ 21 Sumagot ang amo: ‘Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.’
22 Lumapit naman ang may dalawang talento at nagsabi: ‘Panginoon, ipinagkatiwala mo ang dalawang talento sa akin, at ngayo’y tumubo pa ako ng dalawang talento.’ 23 Ang sabi ng amo: ‘Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.’
24 Sa bandang huli, dumating ang nakatanggap ng isang talento at nagsabi: ‘Panginoon, alam kong mahigpit kang tao. Inaani mo ang di mo itinanim at nililikom ang hindi mo ipinagnegosyo. 25 Natakot ako kaya itinago ko ang iyong talento sa lupa. Heto ang sa iyo.’ 26 Ngunit sinagot siya ng kanyang amo: ‘Masama at walang kuwentang katulong, alam mo palang inaani ko ang hindi ko itinanim at nililikom ang hindi ko ipinagnegosyo. 27 Sana’y dinala mo sa bangko ang aking pilak at mababawi ko ang sa akin pati na ang tubo pagdating ko.
28 Kaya kunin ang talento sa kanya at ibigay ito sa may sampu pa. 29 Sapagkat sa sinumang meron, bibigyan pa siya at magkakaroon nang sagana; ngunit ang wala, maging ang sa kanya ay aagawin sa kanya. 30 Para sa walang silbing katulong, itapon siya sa dilim kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin.’
|
|
|
|
|
|
|