29 Setyembre - 05 Oktubre 2019



“Ang tumatanggap sa batang ito sa ngalan ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.” (Lucas 9:48)

29 Set
30 Set
01 Okt
02 Okt
03 Okt
04 Okt
05 Okt


29 Setyembre 2019
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon

(I-click ang larawan)

“May isang mayamang nagdaramit nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. At may isa namang pulubing nagngangalang Lazaro...” (Lucas 16:19-20)


San Jeronimo
30 Setyembre 2019
Pagbasa: Zacarias 8:1-8; Salmo: Awit 102:16-23;
Mabuting Balita: Lucas 9:46-50

46 Nangyari na ikinabahala nila kung sino nga kaya sa kanila ang pinakadakila. 47 Alam ni Jesus ang pinagtatalunan nila sa kanilang isipan kaya kumuha siya ng isang bata at pinatayo sa tabi niya. 48 At sinabi niya sa kanila: “Ang tumatanggap sa batang ito sa ngalan ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. At isa pa: ang matagpuang pinakamaliit sa inyong lahat ang siyang dakila.”

49 At nagsalita si Juan: “Guro, may nakita kaming nagpapalayas ng mga demonyo sa ngalan mo. Pero pinagbawalan namin siya dahil hindi siya sumusunod na kasama namin.” 50 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: “Huwag ninyo siyang pagbawalan dahil panig sa inyo ang hindi laban sa inyo.”


Sta. Teresa ng Batang si
Hesus
01 Oktubre 2019
Pagbasa: Zacarias 8:20-23; Salmo: Awit 87:1-7;
Mabuting Balita: Lucas 9:51-56

51 Nang papalapit na ang panahon ng pag-aakyat sa kanya, tahasang ipinasya ni Jesus na pumunta sa Jerusalem. 52 Nagpadala siya ng mga sugo para mauna sa kanya at pumasok sila sa nayon ng mga Samaritano para ihanda ang kanyang matutuluyan. 53 Pero ayaw nila siyang tanggapin dahil papunta siya sa Jerusalem. 54 Kaya sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad na sina Jaime at Juan: “Panginoon, gusto mo bang tumawag kami ng apoy na babagsak mula sa langit para puksain sila?” 55 Lumingon si Jesus at pinagwikaan sila, 56 at sa ibang bayan sila nagpunta.


Anghel dela Guardia
02 Oktubre 2019
Pagbasa: Nehemias 2:1-8; Salmo: Awit 137:1-6;
Mabuting Balita: Mateo 18:1-5. 10

1 Nang panahong iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa kaharian ng Langit?”
2 Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, 3 at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Langit. 4 Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa kaharian ng Langit. 5 At ang sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin.

10 Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.


03 Oktubre 2019
Pagbasa: Nehemias 8:1-12; Salmo: Awit 19:8-11;
Mabuting Balita: Lucas 10:1-12

1 Pagkatapos nito, humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. 2 Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani. 3 Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. 4 Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan.

5 Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ 6 Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. 7 At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapapalit-palit ng bahay.

8 Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. 9 Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos.’

10 Saanmang bayan kayo pumasok at di nila kayo tanggapin, lumabas kayo sa mga liwasan nito at inyong sabihin: 11 ‘Pati na alikabok mula sa inyong bayan na kumapit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin sa inyo. Gayunman, alamin ninyong palapit na ang kaharian ng Diyos.’ 12 Sinasabi ko sa inyo na magaan pa ang sasapitin ng mga taga-Sodom kaysa bayang iyon sa dakilang Araw.


San Francisco de
Assisi
04 Oktubre 2019
Pagbasa: Baruc 1:15-22; Salmo: Awit 79:1-9;
Mabuting Balita: Lucas 10:13-16

13 Sawimpalad ka, Corazin! Sawimpalad ka, Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sana silang nagdamit-sako at naupo sa abo at nakapagbalik-loob. 14 Kaya magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon kaysa inyo sa araw ng paghatol. 15 At ikaw naman, Capernaum, dadakilain ka kaya hanggang langit? Hindi! Ibubulid ka sa impiyerno!

16 Ang nakikinig sa inyo ay nakikinig         sa akin, at ang di-tumatanggap sa inyo        ay di-tumatanggap sa akin. At ang di-tumatanggap sa akin ay di tumanggap sa nagsugo sa akin.” 


05 Oktubre 2019
Pagbasa: Baruc 4:5-29; Salmo: Awit 69:33-37;
Mabuting Balita: Lucas 10:17-24

17  Tuwang-tuwang nagbalik ang Pitumpu’t dalawa at ang sabi: “Panginoon, mga demonyo ma’y sumuko sa amin dahil sa iyong pangalan.” 18 Sinabi naman ni Jesus: “Nakita kong bumagsak na parang kidlat si Satanas mula sa langit. 19 Binibigyan ko kayo ng kapangyarihang yumapak sa mga ahas at alakdan. Masusupil ninyo ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway, at walang anumang makapipinsala sa inyo. 20 Subalit magalak kayo hindi dahil sa pagsuko sa inyo ng mga espiritu kundi sapagkat nasusulat sa langit ang inyong mga pangalan.”

21 Nang sandaling iyo’y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Jesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim  mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama, naging kalugud-lugod ito sa iyo. 22 Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.”

23 Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan: “Mapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. 24 Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”

29 Set
30 Set
01 Okt
02 Okt
03 Okt
04 Okt
05 Okt

Mga kasulyap-sulyap ngayon: