Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon - 29 Setyembre 2019



“May isang mayamang nagdaramit nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. At may isa namang pulubing nagngangalang Lazaro...” (Lucas 16:19-20)

Unang Pagbasa: Amos 6:1.4-7

Ito ang sinasabi ng Panginoong makapangyarihan: “Kahabag-habag kayong namumuhay na maginhawa sa Sion! Kahabag-habag kayo na nahihiga sa magagarang kama at nagpapahinga sa malalapad na himlayan, habang nagpapakabusog sa masasarap na pagkain. Lumilikha pa kayo ng mga awit sa saliw ng mga alpa, tulad ni David. Sa malalaking mangkok na kayo umiinom ng alak at mamahaling pabango ang ipinapahid ninyo sa katawan. Ngunit itinangis na ba ninyo ang darating na pagkawasak ng Israel? Hindi. 

Kaya nga, kayo ang unang ipatatapon. Matitigil na ang inyong mga pagpipiging at pagsasaya.”

Salmo: Awit 145 

Tugon: Kalul’wa ko, ‘yong purihin 
           ang Panginoong butihin!

Ang maaasahang lagi’y Panginoon, 
panig sa naaapi, ang Diyos na hukom, 
may pagkaing handa, sa nangagugutom. 

Pinalaya niya ang mga nabihag; 
isinasauli, paningin ng bulag; 
lahat ng inapi ay itinataas, 
ang mga hinirang niya’y nililingap.

Isinasanggalang ang mga dayuhang 
sa lupain nila’y doon tumatahan; 
tumutulong siya sa balo’t ulila, 
masamang balangkas pinipigil niya. 

Walang hanggang Hari, ang Diyos na Poon! 
Nabubuhay lagi ang Diyos mo, Sion! 

Ikalawang Pagbasa: 1 Timoteo 6:11- 16

Ikaw na lingkod ng Diyos, sikapin mong mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananalig, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan. Gawin mo ang buo mong makakaya sa pakikibaka alang-alang sa pananampalataya at kakamtan mo ang buhay na walang hanggan, yamang diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harapan ng maraming saksi ang iyong pananampalataya. Sa ngalan ng Diyos na nagbibigay-buhay sa lahat ng bagay, at sa ngalan ni Kristo Hesus na nagpatotoo sa harapan ni Poncio Pilato, iniuutos ko sa iyo: ang mga tagubiling ito’y panatilihin mong mabisa at walang kapintasan hanggang sa pagdating ng Panginoong Hesukristo. 

Sa takdang panahon, siya’y ihahayag ng mapagpalang Diyos, ang makapangyarihang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Siya lamang ang walang kamatayan, ang nananahan sa liwanag na di-matitigan. Hindi siya nakita o makikita ninuman. Sa kanya ang karangalan at ang walang hanggang kapangyarihan. Amen!

Mabuting Balita: Lucas 16:19-31

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Pariseo: “May isang mayamang nagdaramit nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. At may isa namang pulubing nagngangalang Lazaro, tadtad ng sugat, na nakalupasay sa may pintuan ng mayaman upang mamulot kahit mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo’y nilalapitan siya ng aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. 

Namatay ang pulubi, at dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman at inilibing. Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa Hades, tumingala ang mayaman at kanyang natanaw sa malayo si Abraham, kapiling si Lazaro. 

At sumigaw siya: ‘Amang Abraham, mahabag po kayo sa akin. Utusan ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at palamigin sa aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.’ Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay sa ibabaw ng lupa, at si Lazaro’y nagtiis ng kahirapan. Ngunit ngayo’y inaaliw siya rito, samantalang ikaw nama’y nagdurusa. Higit sa lahat, inilagay sa pagitan natin ang isang malaking bangin upang ang mga narini ay hindi makapariyan at ang mga nariyan ay hindi makaparini.’ 

At sinabi ng mayaman, ‘Kung gayon po, Amang Abraham, ipinamamanhik ko sa inyong papuntahin si Lazaro sa bahay ng aking ama, sapagkat ako’y may limang kapatid na lalaki. Paparoonin nga ninyo siya upang babalaan sila at nang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’ Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta; pakinggan nila ang mga iyon.’ ‘Hindi po sapat ang mga iyon,’ tugon niya, ‘ngunit kung pumunta sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, tatalikdan nila ang kanilang mga kasalanan.’ Sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’ ” 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: